Lunes, Hulyo 12, 2021

July 12, 2021

Lunes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Exodo 1, 8-14. 22
Salmo 123, 1-3. 4-6. 7-8

Sa pangalan ng Maykapal,
tayo ay tinutulungan.

Mateo 10, 34 – 11, 1


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Monday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Exodo 1, 8-14. 22

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, ang Egipto’y nagkaroon ng ibang hari na walang anumang alam tungkol kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila’y patuloy na dumarami at lumalakas pa kaysa atin. Kailangang gumawa tayo ng paraan para mapigil ang kanilang pagdami.

Baka tayo salakayin ng ating mga kaaway at umanib pa sila sa mga ito at pagkatapos ay umalis sa ating lupain.” Kaya’t naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lungsod ng Pitom at Rameses, lungsod na tinggalan ng mga pagkain at kagamitan. Ngunit habang sinisikil, lalo namang dumarami at lumalaganap ang mga Israelita kaya’t sila’y kinapootan at kinatakutan ng mga Egipcio. Dahil dito, ang mga Israelita’y lalong sinikil at pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba’t ibang mabibigat na gawaing bukid.

Iniutos naman ng Faraon sa mga Egipcio na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at bayaan lamang mabuhay ang mga babae.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 123, 1-3. 4-6. 7-8

Sa pangalan ng Maykapal,
tayo ay tinutulungan.

Ano kaya’t di pumanig sa atin ang Panginoon;
O Israel, ano kaya ang sagot sa gayong tanong?
“Kung ang Panginoong Diyos, sa amin ay di pumanig,
noong kami’y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilulon na nang buhay,
sa silakbo ng damdamin at matinding kagalitan.

Sa pangalan ng Maykapal,
tayo ay tinutulungan.

Maaaring kami noo’y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata’t tuluy-tuloy na nalunod;
sa lakas ng agos noo’y nalunod nga kaming lubos.
Tayo ay magpasalamat, ang Poon ay papurihan,
pagkat tayo’y iniligtas sa malupit na kaaway.

Sa pangalan ng Maykapal,
tayo ay tinutulungan.

Ang katulad nati’y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay sa Poon nagmumula,
pagkat itong lupa’t langit tanging siya ang lumikha.

Sa pangalan ng Maykapal,
tayo ay tinutulungan.

ALELUYA
Mateo 5, 10

Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang inuusig
sa gawang puspos ng bait,
pagkat may kakamting langit.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 34 – 11, 1

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao’y ang kanya na ring kasambahay.

“Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.

“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”

Matapos tagubilinan ang labindalawang alagad, umalis si Hesus upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste May 19, 2021 at 8:21 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez July 10, 2021 at 12:13 am

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay pagpapatuloy sa kwento ng kaligtasan pagkatapos ng talambuhay ni Jacob at ang kanyang mga anak, na 12 Tribo ng Israel. Makikita rito na ang mga lipi ni Abraham na unang nanirahan sa Canaan ay tumira sa Egipto nang malaman ang muling pagkikita ni Jose at ang kanyang ama at mga kapatid. Matapos ang kanilang pamumuhay, narinig natin sa pagbasa na may isang Faraon na walang kaalam-alam sa ginawa ni Jose sa Egipto ay biglang minalupitan ang mga Hebreo na maging mga alipin. Araw-araw pinapahirapan ng mga Egipcio ang mga Israelita, at pinapalo nila sila ng latigo na parang walang awa. At nagkaroon din ang utos mula sa Faraon na ang mga bagong silang na mga Hebreo ay dapat papatayin.

Ang lahat ng ito ay plano ng Faraon upang hindi dumami ang mga anak ni Abraham, at nais niyang protektahan ang mga mamamayan ng Egipto. 430 taong nanirahan ang mga Israelita sa Egipto, na may kasagaan sa una dahil kay Jose, subalit parang pagdurusa ang naging kasunod. Kaya parang ang tagal na nilang nakalimutan ang Diyos na tumawag sa kanilang mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob. Subalit makikita natin sa mga susunod na kabanta na hindi pinabayaan ng Panginoon ang kanyang bayan. Sa Aklat ng Exodo, matutunghayan natin ang isa sa mga pinakamagandang kwento ng kasaysayan ng kaligtasan sa katauhan at misyon ni Moises.

Paano tayo tumugon sa paanyaya ng pagiging mga alagad ni Kristo? Ang Ebanghelyo ngayon ay nasa loob pa rin ng konteksto ng pagsusugo ng ating Panginoong Hesukristo sa kanyang 12 Apostol. Ang kanilang misyon ay ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos sa mga nayon at bayan ng Israel at gumawa ng mga kababalaghan. Subalit sila ay isinusugo niya bilang mga tupa sa gitna ng mga lobo. Kaya narinig natin noong nakaraang Linggo ang mga banta ng pang-uusig sa kanila dahil sa kanilang misyon para kay Kristo. Ngunit ipinaalala ni Kristo sa kanila na hindi dapat sila matakot, sapagkat kapiling nila ang Diyos sa kanilang banal na tungkulin. Ngayon ay narinig natin ang paanyaya ni Hesus na gawin siyang sentro ng ating buhay. Tila bagang nais ng Panginoon na tanggihan natin ang ating mga pamilya at piliin siya. Subalit hindi iyon ang nais iparating niya sa atin.

Ayon sa mga eksperto ng Bibliya, ang orihinal na pahayag ng Panginoon sa mga sinaunang wika ng Israel ay nangangahulugang “gawing ikalawang opsyon” ang pamilya, at siya ang mauna sa ating pagkilala. Pinapahalaga rin ni Hesus ang buhay ng isang pamilya, subalit ang nais niyang sabihin sa atin ay dapat kilalanin natin siya bilang sentro ng bawat pamilya at sentro ng ating buhay. Ang pagpasan ng mga krus ay nangangahulugang ang pagpapasan ng ating sariling pagdurusa nang buong pagtitiis, pananampalataya, at pagsisikap ng mabuti upang makamtan ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Sapagkat si Kristo ay nagtitiis at nanalig sa Diyos hanggang sa bingit ng kanyang kamatayan sa Krus, kahit tingin ng ibang tao ay pinabayaan na siya ng Diyos. At ang huli ay ang pagtanggap sa kanya at sa Diyos Ama sa pamamagitan ng mga tao. Siya ay naihahayag sa mukha ng bawat gumagawa ng kabutihan at pagmamahal sa mundo. Diyan nakikita natin ang Paghahari ng Diyos.

Kaya kung tayo ay magiging mabuti, mapagpala, matulungin, at mapaabot sa bawat tao, iyan din ang ginagawa natin kay Kristo. At nagiging huwaran natin siya sapagkat si Hesus din ay naging katulad natin nang hindi nagkasala. Gumawa siya ng kabutihan at ipinangaral niya ang pagmamahal sa Diyos at kapwa at pagtalima sa dakilang kalooban ng Diyos Ama. At sa huli ay biniyayaan niya tayo ng buhay sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay sa Krus, at Muling Pagkabuhay.

Reply

Sherwin D. Yanoria July 12, 2021 at 5:38 am

Ano na ba ang naisakripisyo na natin sa Diyos? Ang mga tao ay nakatuon sa mga materyal na bagay. Ngunit nabibigyan ba natin ng sapat na panahon ang Diyos? Kaya nga saan ba nakatuon ang ating pagsusumikap? Naway mabigyan natin ng puwang ang Diyos. Ang ating buhay ay hindi laging puro saya at kadalasan ay may mga pagsubok din. Kaya naman buhatin natin ng may pagmamahal ang ating krus. Ito ang magiging daan upang mapalapit tayo sa Diyos. Sa ating mga paghihirap, nanduon ang Diyos upang umantabay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 12, 2021 at 10:03 am

Malalim ang ebanghelyo ngayon pero nais ipabatid ni Hesus, unahin natin sya bago ang lahat. Huwag din tayong maging makasarili, kahit ikaw ay hindi gumagawa ng masama pero sarili mo lamang ang iniisip mo ay hindi pa rin ito tama. Katulad ito ng isang mayamang lalaki na nagtanong kay Hesus kung panno sya makakarating sa kaharian ng Diyos, sinagot ni Hesus na sundin ang sampung utos, tumugon ang lalaki na ginagawa nman nya ito, sumagot ulit si Hesus ma ipagbili nya lahat ng ari arian nya at ipamahagi sa mahihirap. At tumalikod ang lalaki. Nais ni Hesus na bukod sa hindi ka gumagawa ng kasalanan ay ibigin mo din ang kapwa sa pamamagitang ng sakripisyo at pagtulong. Sapagkat kung ano ang iyong ginagawa sa iyong kapatid o kapwa ay sya ring ginagawa mo kay Hesus. At kung paano mo husgahan ang kapwa mo ay ganun ka din huhusgahan ng Diyos. Magsisi sa kasalanan, iwaksi ang kasamaan, magsakripisyo, at tumulong sa mga walang wala, yan ang aral ng Mabuting Balita.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: