Linggo, Hulyo 11, 2021

July 11, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon

Bilang tanda ng kanyang pagmamahal at malasakit sa sangkatauhan, patuloy si Hesus sa pananawagan sa gawaing apostolado sa iba’t ibang tao. Ipanalangin natin sila at ang mga tagapakinabang sa kanilang apostoladong pagsisikap. Manalangin tayo:

Hari ng mga apostol, dinggin mo kami!

Para sa buong pamayanang Kristiyano: Nawa manatili itong tapat sa misyon nitong mangaral ng pagsisisi at labanan ang lahat ng uri ng kasamaan. Manalangin tayo!

Para sa mga tagatanggap ng mensahe ng kaligtasan: Nawa buksan nila ang kanilang mga kalooban sa Panginoon at tumulad sa kanyang halimbawa. Manalangin tayo!

Para sa mga natutuksong umasa sa mga yamang materiyal, karangalan o kapangyarihang pulitikal sa halip ng sa mga pagpapahalagang moral: Nawa lagi nilang alalahaning iniligtas ni Hesus ang sanlibutan sa pamamagitan ng kahihiyan sa krus. Manalangin tayo!

Para sa mga naatasang maglingkod sa misyon sa ibang bansa: Nawa agad silang makatugon nang buong puso. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng misyonerong tinatanggihan: Nawa huwag silang panghinaan ng loob, kundi magalak silang matulad kay Hesus na tinanggihan at pinahirapan. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.)
Manalangin tayo!

Panginoong Hesukristo, gawin mo kaming matapang at banal upang maipalaganap namin ang iyong Kaharian sa aming lipunan. Ikaw na nabubuhay at naghahari nang walang hanggan.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 24, 2021 at 12:42 pm

PAGNINILAY: Ipinapaala sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggo na ito ang kahalagahan ng misyon na ibinibigay ng Diyos.

750 taon bago dumating si Kristo, si Amos ay isinugo ng Panginoong Diyos upang maging tagapropesiya sa bayang Israel. Dito ipinaalala ng propeta sa bayan na huwag gumawa ng mga masasamang bagay na hindi nagugustuhan ng Panginoon, katulad ng pagyuyurak sa mga mahihirap at pagbebenta sa kanila gamit ang malaking halaga. Ito’y ikinagagalit ng hari ng Israel pati ang saserdote ng Betel na si Amasias na umutos sa kanya na lumisan sa lugar. Ngunit sinabi ni Amos na karapatan at tungkulin niyang magpropesiya para sa bayan kung anong ang niloloob sa kalooban ng Panginoon na gawin at sabihin ang tama at mabuti. Ang misyon ni Propetang Amos ay higit na nakikita sa katauhan ng ating Panginoong Hesukristo.

Ipinahayag sa Ebanghelyo kung paanong isinugo ni Hesus ang Labindalawang Apostol upang mangaral ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos at gumawa ng mga kababalaghan bilang katuparan ng kanilang mga itinuturo. Sa pagkakaroon ng misyon, sila’y ibinilin na huwag magdala ng kahit anupamang bagay, sapagkat ang mga pangangailangan nila ay ibibigay ng bawat bahay na kanilang dadatnan. Sila’y rin tatanggapin ang kapayapaan mula sa bahay na sumalubong sa kanila, ngunit ipapagpag naman nila ang alikabok mula sa kanilang mga paa upang hindi mabitbit nila ang hindi pagtanggap ng bayang iyan sa kanila. Kaya nga ang Labindalawang Apostol ay ang 12 Tribo ng Bagong Israel sapagkat sila’y naging pundasyon ng ating Simbahan dahil sa kanilang mga itinuro at isinabuhay sa ngalan ni Hesukristo.

Sa ating kasalukuyang panahon, dinidiin at itinuturo ng ating Simbahan tungkol sa “Evangelization of the Gospel”. Itong patakaran ay hindi lamang nangangahulugang pagpaparangal o kaya mamuhay katulad ng isang Pari/Madre, bagkus pati rin ang pagiging saksi sa Mabuting Balita sa araw-araw na pamumuhay ayon sa katauhan/kinalalagyan ng tao. Ipinaalala sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayo’y mga anak ng Diyos dahil kay Kristo na tumubos sa atin sa pamamagitan ng pagdanak ng kanyang Dugo nang siya’y nabayubay sa Krus upang ialay ang kanyang buhay para tayo’y mamuhay nang may mabubuting relasyon sa ating Diyos Ama. At tayo’y nakikibahagi sa “Evangelization of the Gospel”, kapwang ang ating mga pastol na nasa Hierarkya at tayong nasa samahan ng Laiko. Kaya nawa’y patuloy nating palakasin ang misyong ibinigay sa ating ng Panginoon sa ating araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 11, 2021 at 9:40 am

Sa ating ebanghelyo ngayon, hindi natatapos sa pagbabago lamang ng ating sarili. Kapag tayo ay nagtagumpay na sa pagkakaroon ng relasyon kay Kristo may tungkulin pa tayo. Nararapat nating maghanap ng nawawalang tupa. Sapagkat lahat tayo ay mga apostol. Umpisahan mo ito sa iyong bakuran o sa isang kaibigan na palagay mong naliligaw na ng landas. Ang misyon natin ay mahimok sila na magsisi sa kanilang kasalanan at iwaksi na ang kasamaan. Magpatotoo ka, ikwento ko ang mga naging karanasan monsa pagbabagong buhay, ang kaligayahan na iyong nadarama ngayon, ang peace of mind na hindi nabibili ng salapi, ang mga biyaya ng kaloob ng Diyos bilang gantimpala sa mha kabutihang nagawa, dahil si Hesus ay lubhang nalulugod sa taong makasalanan na nagsisi at iwinaksi ang kasamaan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: