Linggo, Hulyo 4, 2021

July 4, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Karaniwan nang malinaw na palatandaan ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang bayan ang mga propeta. Kailangan natin sila ngayon tulad noong araw. Ipanalangin natin ang lahat ng tinatawag sa ganitong uri ng paglilingkod sa ating panahon:

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin!

Nawa ang Simbahang Katolika ay maging tapat, walang takot o pag-aalinlangan sa kanyang tungkulin bilang propeta sa mundo. Manalangin tayo!

Nawa ang mensahe ng mga propeta noong araw ay maiangkop sa ating kalagayan ngayon at mapagbunga ng pagbabalik-loob at kabutihan. Manalangin tayo!

Nawa lumago ang tunay na propesiya sa Simbahan at kilalanin ng kanyang mga pinuno at mga mananampalataya. Manalangin tayo!

Nawa ang mga nahirang sa paglilingkod bilang propeta ngayon ay di mangamba sa hamon sa kanilang misyon o sa banta ng pagtatakwil. Manalangin tayo!

Nawa ang mga nahirang sa paglilingkod bilang propeta ay mamuhay nang alinsunod sa men- saheng kanilang ipinangangaral. Manalangin tayo!

Nawa lahat ng nagtataguyod ng kapayapaan sa ating bansa at iba pang panig ng daigdig ay makatagpo ng kailangan nilang pakikipagtulungan. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil saglit.)
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, padalhan Mo kami ng marami at karapat-dapat na mga propeta para malinaw naming makilala ang Iyong kalooban at tupdin itong tapat sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez June 26, 2021 at 3:36 pm

PAGNINILAY: Ipinapakilala ng ating mga Pagbasa ngayon ang ministeryo ng pagpapahayag ng mensahe ng Diyos at pagsasabuhay nito sa pagiging mga saksi niya.

Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang pagtawag ng Diyos kay Ezekiel upang maging propeta, halos 500 taong bago dumating si Kristo. Sa kapanahunan ni Ezekiel, ang bayang Israel ay nalulugmok sa pagkakasala dahil sa kanilang pagiging matigasin at pagsusuway sa kalooban ng Diyos. Kaya ipinasugo ng Diyos si Ezekiel sa bayang masuwail upang ipagbalik-loob sila at panibaguhin ang kanilang pagkatao, na maging dalisay at matapat sa mata ng Panginoon. Sinabi rin ng Diyos na kahit makinig sila o hindi, makikita rito ang misyon at pagkakilanlan kay Ezekiel bilang isang propeta. Ang titulo ni Propeta Ezekiel bilang “anak ng tao” ay mas hihigit pa sa pagdating ng Panginoong Hesukristo, ang Anak ng Diyos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagbabalik ni Hesus sa kanyang kinalaking bayan, o ang bayan ng kanyang kabaataan: Nazaret. Sinabi ng mga ebanghelista na ang anak nina Birheng Maria at San Jose ay tatawaging “taga-Nazaret” [Mt. 2:23]. Binalik ni Hesus ang mga alaala ng kanyang paglalaki, at nais niyang ipahayag ang mensahe ng kaligtasan sa Nazaret, na tinatanong ni Apostol Bartolome noong tinatawag pa siya na maging Apostol “kung mayroon bang mabubuting bagay nanggaling dito” [Jn. 1:46]. Kaya nga nang pumasok siya sa sinagoga, nagturo siya. Ayon sa salaysay ni San Lucas, ipinahayag niya ang propesiya ni Isaias, na kung saan pinuspos ng Espiritu Santo ang kanyang hinirang upang ipahayag sa mga dukha ang Mabuting Balita. At dinugtong ni Hesus na ang propesiya ay natupad na sa pamamagitan ng taong nagsasalita nito. Kaya nagduda sila at nagtaka dahil alam lang nila na si Hesus ay “anak ng karpintero” (sapagkat ito yung naging hanapbuhay ni San Jose). Kaya tugon ng Panginoon ay walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan, ni hindi ng kanyang mga kababayan. Sa huli, sinabi rito ni San Marcos na hindi siya gumawa ng mga kababalaghan dito, maliban na lamang sa pagpapagaling sa iilang maysakit, sapagkat nagtaka siya sa labis ng pagkukulang ng kanilang pananampalataya.

Ang pagiging isang saksi ng Salita ng Diyos ay hindi madali, sapagkat parang igugulgol mo ang iyong katapatan, at ang ibabalik sa iyo ay mga insulto, pagtatawa, at pag-uusig. Kaya nga maraming mga martir ng ating Simbahan ay dumanas ng ganyang hirap alang-alang sa pananampalataya. Subalit ang kanilang kabanalan ay saksi para sa Diyos at sa sambayanang kanyang patuloy na inaalagaan. Kahit si San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, dumanas ng mga hirap, at tatlong beses nagmakaawa na tanggalin ang tinik sa kanyang laman, na tanim ng Diyablo upang siya ay maghirap. Subalit tugon ng Panginoon sa kanya na sapat na ang grasya, upang mas maging malakas siya sa mga panahon siya’y nagiging mahina. Kaya sinasabi niya na pinupuri niya ang kanyang mga paghihirap hindi dahil dapat lang ito mangyari sa kanya, kundi nakikita niya ang liwanag na kanyang matatamo matapos pagdaanin ang mga pagsubok na ito. Tayo rin sa ating buhay pang-Kristiyano ay tinatawag na maging mga saksi ng pagpapahayag ng Salita sa pamamagitan ng ating pang-araw-araw na buhay. Ito yung ating misyon upang tanggapin natin si Kristo sa ating buhay, at ibahagi siya nawa sa iba.

Reply

Sherwin D. Yanoria July 4, 2021 at 7:35 am

Ikaw ba ay liwanag ng iyong kapwa? Kadalasan ay mayroon tayong mga kaibigan. Naiimpluwensyahan natin sila sa mga desisyon. Sana nga lamang ito ay patungo sa kabutihan. Ang ating Panginoong Hesus ay naging ilaw sa paggabay at pagtulong sa mga tao. Kaya naman Siya ay kinaiinggitan ng Kanyang kapwa. Sana nga lamang sa panahon natin ngayon, huwag ng uriratin, usisain, kainggitan o gawan ng masama ang mga taong tumutulong sa kapwa. Ipagpasalamat natin at tularan na may mga taong mabuti ang kalooban.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 4, 2021 at 10:19 am

Lahat tayo ay nagkakasala at kapintasan at kadalasan yan ang tumatatak sa isip ng mga tao, ang mga pagkakamali mo. Kaya nman kapag tayo ay nagbabalik loob na sa Panginoon, sari sari ang ating mga naririnig sa mga kaibigan natin. May nagsasabing, simba ng simba masama nman ang ugali, may nagsasabing pakitang tao, meron na pagtatawanan kat kukutyain na nababaliw na. Tiisin mo pang ang lahat ng mga ito at ipagpatuloy ang magandang relasyon sa Diyos, hindi mo kailangann ipaliwanag ang sarili mo sa kanila, ipakita mo lamang sa gawa at mahalin ang Diyos ng iyong buong isip puso at kaluluwa, si Hesus na nasa langit na ang bahala sa gantimpala.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: