Podcast: Download (Duration: 6:19 — 3.0MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Iluhog natin ang ating mga pangangailangan sa Diyos Ama, kung saan naroon ang kanyang Anak na nauna na sa atin at tumatawag sa atin na sundan siya. Manalangin tayo nang may pananalig sa biyaya sa pagtanggap sa pagtawag na ito.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, bigyan mo kami ng biyaya na sundan ang iyong anak.
Ang mga pinuno ng Simbahan at yaong mga nagpapahayag ng Salita ng Diyos nawa’y maging masigasig sa kanilang pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating komunidad sa araw-araw nawa’y mapanibago sa pananampalataya sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa isang mabuting buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nawalan ng pag-asa dahil sa mga pagkakasala nawa’y mapagtanto na kasa-kasama natin si Kristo, ang ating pinuno, at pinapasan ang ating mga suliranin, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinahina ng pagkakasakit at karamdaman nawa’y mapanatag sa kasiyahan ng Diyos dulot ng kalinga at pagtulong ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y makasunod kay Kristo at makapasok sa walang katapusang presensya ng Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama, sa aming pagnanais na sumunod sa yapak ng iyong Anak, gawin mo kaming iisa sa isip at puso sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Sabado, Hunyo 19, 2021
Huwebes, Hulyo 15, 2021 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY:
“Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Ito ang mga salitang namutawi mismo sa labi ng isang guro ng Batas na handang matuto at sumunod sa Panginoon. Maliwanag naman ang sagot ni Jesus sa Kanya. Kailangan ang dalawang kondisyon sa sinumang gustong sumunod. Una, “wala man lang mapahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.” Nangangahulugan ito ng pagiging Malaya mula sa mga bagay-bagay kahit na ito’y kailangan. Halimbawa ang kasiguruhan ng bahay na matutulugan o komportableng buhay. Pangalawa, “bayaang mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.” Nangangahulugan ito ng pagiging Malaya mula sa mga tao, lalo na sa pamilya upang makasunod sa kalooban ng Diyos. Mapapansing mayroong dalawang pagkilos/ sa pagsunod sa Panginoon: una, pagiging Malaya mula sa anumang nagiging sagabal sa pagsunod, maging tao man ito o bagay; pangalawa, pagiging Malaya para makasunod ng buong-buo sa Panginoon. Sa ating pang-araw-araw na buhay, suriin natin kung anu-ano ba ang nagiging sagabal sa pagsunod natin sa Panginoon? Ang atin bang sobrang pagkaabala sa trabaho? Ni wala man lang tayong panahong magdasal at magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang ating tinanggap at patuloy na tinatanggap? O, ang ating pagnanais na sundin ang ating gusto, kahit alam nating labag ito sa kalooban ng Diyos? O, ang atin bang mga bisyo o sobrang pagkahumaling sa paborito nating telenobela o kaya sa facebook pagsapit ng gabi? Kaya nawala na ang sama-samang pagdarasal ng mag-anak? malinaw ang paalala sa atin ng Ebanghelyo. Kung gusto talaga nating sumunod sa Panginoon, matuto tayong magsakripisyo, mamatay sa sariling bisyo at mga makamundong pinahahalagahan. Amen.
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pagmamagitan ni Abraham sa Panginoong Diyos dahil sa balak na wasakin ang Sodoma at Gomorra, na labis na ang pagkakasala at pagmamatigas. Kaya’t nagbigay si Abraham ng mga sitwasyon kung saan may mga matutuwid at mabubuting tao sa mga makasalanang lungsod na iyon. At paulit na sinabi ng Diyos na hindi niya wawasakin ang lungsod, kahit paulit-ulit din naging makulit si Abraham. Subalit alam naman natin na dahil walang plano ang Sodoma at Gomorra na magsisi at magbalik-loob, tinuloy ng Diyos na iulan ng apoy ang dalawang lungsod. Pero sa kabila nito, may mga matutuwid na iniligtas, at tila katiting lang sila na naging kalugud-lugod sa Diyos. Dito natupad ang pangako ng Panginoon na ililigtas niya mula sa kapahamakan ang mga matutuwid, at dito nga nagkita muli sina Abraham at ang kanyang pamangkin na si Lot.
Ang Ebanghelyo ngayon ay ang mga dapat sumunod kay Hesus, subalit ‘di natuloy. Ang dahilan dito ay dahil sa mga makamundong bagay, gawain, at pagnanasa na ayaw bitawin at iwanan. Una, ang isang tao ay nagsabi kay Kristo na susunod siya kung saan man ito magpunta. Subalit tugon ng Panginoon ay parang kinakailangan nating hiwalayin ang mga bagay na parang nagiging ugat ng ating ‘sarap ng buhay’ dahil ganun din ang nangyari ang Panginoon nang wala siyang lugar upang pahingahin ang kanyang ulo.
Pangalawa, may isang tao naman na nagdahilan na kailangan niyang ilibing ang kanyang ama. Subalit tugon sa kanya ni Hesus na patuloy na sumunod sa kanya, at ang patay na raw ang bahala na maglibing sa mga patay. Ibig sabihin nito ay may mga tinatawag tayong ‘hindi natapos na negosyo’ — “unsettled business” sa Ingles — na parang mga ritwal, kinaugalian, o gawain na bahagi na sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Subalit ang tunay na pagtugon sa tawag na magmisyon ay hindi palaging nakatuon sa mga okupadong kapakanan, na sa puntong wala na tayong oras para sa Panginoon. Huwag po sana nating idahilan sa kanya na masyado tayong okupado abala sa trabaho, dahil alam ni Hesus na kahit iilang katiting na sandali ay may panahon talaga tayo para sa kanya, lalung-lalo na sa pananalangin.
Mga kapatid, ang Diyos ay mabuti kung tayo ay magiging mabuti. At tayo rin nawa ay gawin nating prayoridad ang Diyos sa kabila ng ating mga inaasikasong obligasyon, sa trabaho man iyan o sa bahay lang. Ang lahat ng ating kinaabalahan at kinakapitan ay nawa’y ibigay natin sa Diyos upang panibaguhin niya ang ating puso at isip na ang ating ordinaryong buhay ngayon ay pagkakataong tayo’y tunay na magmisyon sa mga taong nakakasalamuhaan natin.
Ini-alay mo na ba ang iyong sarili sa Diyos? Ang mga sumusunod sa Diyos ay 100% ang pagbibigay ng sarili. Handang ibuwis ang kanyang buhay, makasunod lamang. Kaya naman ang pinaka premyo ay ang pagdinig ng Diyos sa panalangin nito. Halimbawa nito ay ang kanyang hinirang na si Abraham. Buong pagpapakumbabang nakipag-usap si Abraham kay Yahweh at napaki-usapan naman niya si Yahweh. Wala kasi siyang pag-aalinlangang sumunod sa Diyos at iniwan niya ang lahat makasunod lang sa Diyos. Ikaw ba kapatid, makakasund ka ba?
“Wait lang” ang pinaka madalas sabihin ng taong maraming pinagkakaabalahan. Maging ito ay trabaho, negosyo, bisyo, netflix, facebook, online games, plantito/plantita, pagpapayaman at kung anu ano pa. Mga bagay o dahilan ng kawalan ng oras sa Diyos at mga balakid sa pagsunod sa kalooban mg Diyos. Ang busy mo kapatid, tumigil ka sandali, maupo, huminga ng malalim at makipag usap sa Panginoon. Magpasalamat dahil buhay ka pa at sa kung ano man ang meron ka ngayon.,, Humingi ng tawad dahil naaalala mo lang sya pag may hihilingin ka,.. Magsisi sa pagiging abala sa makamundong bagay..,, Pagkatapos ay sikaping maglaan ng oras para kausapin si Hesus, ano ba nman ang 30 minutes na ibibigay mo kay Hesus araw araw eh tumatagal nga tayo ng ilang oras sa Netflix, Facebook etc. Umpisahan mo sa pagising or bago matulog, or baka kaya mong isingit ang misa pag Linggo sa oras na maluwag ka, isang oras yun. Umpisahan mo na ngayon at wag mong sabihan si Hesus ng “Wait lang”