Linggo, Mayo 23, 2021

May 23, 2021

Play

Linggo ng Pentekostes

Mga Gawa 2, 1-11
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

1 Corinto 12, 3b-7. 12-13
Juan 20, 19-23


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Pentecost Sunday (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 1-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Nang sumapit ang araw ng Pentekostes, nagkatipon silang lahat sa isang lugar. At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

May mga Judiong buhat sa iba’t-ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos. Nang marinig ang ugong na ito, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat sinasalita ng mga alagad ang mga wika nila. Sa kanilang pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba Galileo silang lahat? Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila? Tayo’y mga taga-Partia, mga taga-Media, mga taga-Elam; mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocia sa Ponto, at sa Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Panfilia, Egipto at sa mga saklaw ng Libia na sakop ng Cirene, at mga nakikipanirahang mula sa Roma, maging mga Judio at mga naakit sa Judaismo. May mga taga-Creta at Arabia pa rito. Paano sila nakapagsasalita sa ating-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SAMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

o kaya: Aleluya!

Pinupuri ka Poong Diyos nitong aking kaluluwa,
O Panginoong Diyos, kay dakila mong talaga!
Sa daigdig ikaw Poon, kay rami ng iyong likha.
sa daming nilikha mo’y nalaganapan ang lupa.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Sana ang ‘yong karangala’y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama’y kagalakan.
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 12, 3b-7. 12-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Hindi masasabi ninuman, “Panginoon si Hesus,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat ng taong gumagawa ng mga iyon. Ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat.

Sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Halina, Espiritu,
sa sinag buhat sa ‘yo
kami’y liwanagan mo.

Ama ng maralita,
dulot mo’y pagpapala
upang kami’y magkusa.

Kaibiga’t Patnubay,
sa amin mananahan
ang tamis ng ‘yong buhay.

Ginhawang ninanais,
lilim namin sa init,
kapiling bawat saglit.

Lubhang banal na ilaw,
kami’y iyong silayan
ngayon at araw-araw.

Kapag di ka nanahan
ay walang kaganapan
ang buhay nami’t dangal.

Marumi’y palinisin,
lanta’y panariwain,
sakit nami’y gamutin.

Kami’y gawing matapat,
sa pag-ibig mag-alab,
lagi sa tamang landas.

Tugunin aming luhog,
kami’y bigyang malugod
ng ‘yong pitong kaloob.

Gantimpala’y ibigay,
sa hantungan ng buhay
ligayang walang hanggan.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Espiritung aming Tanglaw,
kami’y iyong liwanagan
sa ningas ng pagmamahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 19-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawag na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 8 comments… read them below or add one }

Patrick Cu June 5, 2017 at 1:39 am

Salamat sainyo Panginoon at kami ay buhay nang masaya, sa araw araw ay kasama mo kami hangang sa dulo ng panahon, salamat po sa iyong kabutihan, manaig ang kabutihan nang iyong sugong Espiritu Santo sa aming lahat magpakailanman.

Purihin ang mabuting Panginoon, pag-asa’t Diyos nang lahat ng sanlibutan.
Salamat sa Diyos.

Reply

Mark Jefferson Criste April 1, 2021 at 6:35 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez May 6, 2021 at 10:05 am

PAGNINILAY: Noong Linggo o kaya noong Huwebes (sa mga ilang bahagi ng Estados Unidos), ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit. Isinagawa rin natin ang Nobena sa Banal na Espiritu Santo. Ito ang pinakamatandang nobena na ipinagdasal ng mga Kristiyano sapagkat pinaniniwalaan na ito ang ipinagdasal ng Mahal na Birheng Maria at ang mga apostol bilang paghahanda sa pagdating ng Espiritu Santo sa Araw ng Pentekostes noong ika-24 ng Mayo, 33 A.D. Nang bumaba sa kanila ang Espiritu Santo, ipinanganak na ang ating Simbahang Katolika. Ang ating Simbahan ay itinatag ng Panginoong Hesus tatlong taon bago ang kanyang kamatayan, at si San Pedro ay giwang kauna-unahang Santo Papa. Pagkatapos ng pangyayari na ito, ipinahayag ni San Pedro at ang mga Apostol sa maraming mga Hudyo na ang ating Panginoong Hesukristo ay hindi na patay ngunit muling nabuhay. Dahil sa Espiritu Santo, naging matatag ang ating Simbahan tungkol sa ating Kristiyanong pananampalataya. Kaya nga ang pangyayaring ito ay nagtupad sa Misteryong Paskwal at ang Dakilang Kapistahang ito ay tinatapos ang Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.

Ang Espiritu Santo ay ang ikatlong persona sa Banal na Santatlo. Sa kwento ng simula ng Aklat ng Genesis, nilikha ng Diyos ang lalaki at babae at ang mga ito ay hininga niya. Itong paghinga ay tinatawag na ‘ruah,’ na salitang Griyego na may ibig sabihin na “hininga ng buhay”. Kaya nga, kinakanta ngayon ang “Breath of God” na isinulat ni Edwin Hatch, na iniwasto ni Padre Manoling Francisco, SJ, at kinanta ng Bukas Palad Music Ministry, na kahapon ay ipinagdiriwang ang ika-28 Anibersayo. Noong muling nabuhay si Hesus at nagpakita sa kanyang mga apostol, hininga niya sila ng Espiritu Santo, gaya ng ginawa ng Ama noong Paglikha ng sanlibutan. Ito yung ‘hangin’ na sinasabi niya kay San Nicodemo, isang Pariseo na naging kaibigan ng ating Panginoon, na dapat tayo ay ipinanganak ng tubig at Espiritu sa pamamagitan ng pagdadasal sa Espiritu Santo. Maraming mga simbolo, mga pagkaloob at mga bunga ng Espiritu Santo ang maaaring lang sabihin na si Hesus ang Panginoon ayon sa ating Ikalawang Pagbasa ngayon. Dahil sa Espiritu Santo na isinugo ng Ama at ang Anak, binigyan ng mga apostol, sa mga unang Kristiyano, mula sa nakaraan hanggang sa ating ngayon ng buhay. Bilang pagtanggap ng Espiritu sa mga Sakramento ng Binyag at Kumpil, tinatawag tayo bilang mga anak ng Diyos, na nagpapahayag ng Mabuting Balita sa isa’t isa.

Sa ating pagtapos ng daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, ating ipahayag ang Mabuting Balita ng buhay at pag-asa sa iba at magdasal sa Espiritu Santo na patnubayan niya ang lahat ng mga tao.

Reply

MU Francisco May 22, 2021 at 12:20 pm

Today, we are celebrating the Solemnity of the Pentecost when the Holy Spirit came down from the disciples. This is the promise of Jesus who will come after him. Here we see the connections of the Holy Trinity as we going to celebrate next Sunday. God the Father, who created us from chaos sent his only begotten Son, Jesus Christ, to be one with us and save us from our sins. God the Son, Jesus Christ fulfill his promise of the coming of the Holy Spirit to animate our faith. God the Holy Spirit is keep on sending us to go, proclaim Jesus is alive, and live out our missions with the disciples.
Reflecting the experiene of Mary, the Mother of Jesus, the disciples, and other members in the upper room, and the people outside, all are in the state of uncertainty caused by the different forms of events. Like them we are locked in our own world because we do not know what to do, how to begin, and how to deal the feelings of fear, anxiety, sorrow, etc. In the Pandemic. We need to fear face mask, shield, and experiene the gap of social distancing. We are disconnected from one another.
Jesus is death, but he resurrected and show up. The presence of Jesus and the descending of the Holy Spirit give us hope, peace, and reminder that we are not alone in our life and in the lost of our love ones died in our time.
The message of the Pentecost is to share the Spirit of the Lord through the action we miss. We give HUG as acronym of Healing (learn to forgive yourself and others whatever hurtful experiences), Unity (Connect virtually and talk to the people around you, and Guidance (share good news not fake news).

Happy Pentecost Sunday

Reply

Daisy Esplana May 23, 2021 at 5:26 am

Pinupuri ka namin Panginoon Hesukristo Amen.

Reply

Sherwin D. Yanoria May 23, 2021 at 6:09 am

Ano ba ang gusto mong regalo? Kadalasan ang gustong tanggapin ay mga materyal na regalo tulad ng celphone. Subalit ang Diyos ay iba kung mag regalo at ito ay ang Espiritu Santo. Ipinagkaloob siya ng ating Panginoong Hesukristo bilang ating gabay. Hindi Siya kayang tumbasan kahit na ang pinakamamahaling materyal na regalo. Ang mismomg Espiritu Santo ay nagkakaloob sa atin ng iba’t ibang kakayahan. Ito ay nasasa atin na. Kailangan lang nating madiskubre ang kaloob sa atin. Maligayang Kaarawan sa ating Simbahan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 23, 2021 at 6:58 am

Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo! Lahat ng katoliko ay yan ang bungad panalangin at pagkatapos ay sasabihin ang kahilingan. Sa ating pananalangin araw araw dapat ay hinhiling din natin sakloban tayo mg espiritu santo na makaiwas sa tukso ng demonyo. Hilingin natin na suguin din satin ang espiritu santo upang magkaroon tayo ng lakas at kaisipan na ibahagi ang mabuting balita katulad ng mga apostol. Hindi man tayo makapagsalita ng iba’ ibang wika katulad nila, magagawa nating magpatotoo sa ibang paraan, umpisahan natin sa sariling pamilya, sa mga kapatid at sa taong makaksalamuha na uhaw sa salita ng Diyos. Wag kng mag alala sa iyong sasabihin dahil tutulungan ka ng espiritu santo.

Reply

ANGELA CATINDIG May 23, 2021 at 4:02 pm

Pinupuri ka namin panginoong Hesukristo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: