Biyernes, Abril 2, 2021

April 2, 2021

Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon

Isaias 52, 13-53, 12
Salmo 30, 2 at 6. 12-13. 15-16. 17 at 25

Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.

Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9
Juan 18, 1-19, 42


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Good Friday of the Lord’s Passion (Red)

UNANG PAGBASA
Isaias 52, 13 – 53, 12

Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias

Sinabi ng Panginoon,
“Ang lingkod ko’y magtatagumpay sa kanyang gawain,
mababantog siya at dadakilain.
Marami ang nagitla
nang siya’y makita,
dahil sa pagkabugbog sa kanya’y
halos di makilala kung siya’y tao.
Ngayo’y marami rin
ang mga bansang magugulantang;
pati mga hari pag siya’y nakita ay matitigilan,
makikita nila ang di nabalita kahit na kailan,
at mauunawa ang di pa narinig ninuman!”
Sagot ng mga tao,
“Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito?
Sino ang makapagpapatunay na pinahihintulutan ito ng Panginoon?
Kalooban ng Panginoon na ang kanyang lingkod
ay matulad sa isang halamang
Natanim sa tuyong lupa,
Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
wala siyang taglay na pang-akit para lapitan siya.
Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
Nagdanas siya ng sakit at hirap.
Wala man lang nagtapon ng sulyap sa kanya.
Hindi natin siya pinansin, para siyang walang kabuluhan.
Tiniis niya ang hirap
na tayo ang dapat magbata,
gayon din ang kirot na tayo sana ang lumasap;
akala natin ang dinanas niya’y
parusa sa kanya ng Diyos.
Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya
at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw;
nagkanya-kanya tayo ng lakad.
Ngunit inibig ng Panginoon
na sa kanya ipataw ang parusang
tayo ang dapat tumanggap.
Siya ay binugbog at pinahirapan,
ngunit di tumutol kahit kamunti man;
tulad ay korderong hatid sa patayan,
parang mga tupang
hindi tumututol kahit na gupitan,
ni hindi umimik kahit gaputok man.
Nang siya’y hulihin, hatulan at dalhin sa dakong patayan,
wala mang nangahas na ipagsanggalang,
wala man lang dumamay.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
Siya’y inilibing
na kasama ng masasama at mayayaman,
bagaman wala siyang kasalanan
o nagsabi man ng kasinungalingan.
Sinabi ng Panginoon, “Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko:
inihandog niya ang sarili upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran.
Dahil dito’y mabubuhay siya nang matagal, makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya’y maisasagawa ang aking panukala.
Pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya, malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin.
Dahil dito siya’y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila;
pagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
At nilasap ang kaparusahan ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan
at idinalanging sila’y patawarin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 2 at 6. 12-13. 15-16. 17 at 25

Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.

Sa iyo, O Poon, ako’y lumalapit
upang ingatan mo, nang hindi malupig;
sa mga kamay mo habilin ko’y buhay ko
Tagapagligtas kong tapat at totoo.

Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.

Lahat kong kaaway ay humahalakhak,
pati kapitbahay ako’y hinahamak;
dating kakilala ay nagsisiilag,
kung masalubong ko ay nagsisiiwas.
Nilimot na aking tulad ng namatay,
di na pinapansin, parang yagit lamang.

Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.

Subalit, O Poon, ang aking tiwala
ay nasasaiyo, Diyos na dakila!
Sa iyong kalinga, umaasa ako,
laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig na sinumang tao.

Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.

Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
ingatan mo ako’t iyong pagpalain;
iligtas mo ako at iyong sagipin,
tanda ng pag-ibig na di nagmamaliw!
O magpakatatag ang mga nilikha,
lahat ng sa Poon ay nagtitiwala.

Ama, sa mga kamay mo habilin ko ang buhay ko.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid:

Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. Kaya’t huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos, at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.

Noong si Hesus ay namumuhay dito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagamat siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Filipos 2, 8-9

Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.

MABUTING BALITA
Juan 18, 1 – 19, 42

Ang pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo ayon kay San Juan

Noong panahong iyon: Umalis si Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis Cedron at pumasok sa isang halamanan doon. Ang lugar na ito’y alam ni Judas na nagkanulo sa kanya, sapagkat madalas magpunta roon si Hesus at ang kanyang mga alagad. Pumaroon si Judas, kasama ang ilang bantay sa templo at isang pangkat ng mga kawal na padala ng mga punong saserdote at mga Pariseo. May dala silang mga parol, sulo at sandata. Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya’t sila’y sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Hesus na taga-Nazaret,” tugon nila. Sinabi niya, “Ako si Hesus.”

Kaharap nila si Judas na nagkanulo sa kanya. Nang sabihin ni Hesus na siya nga, napaurong sila at nabuwal sa lupa. Muli siyang nagtanong, “Sino nga ba ang hinahanap ninyo?” “Si Hesus na taga-Nazaret,” sagot nila. “Sinabi ko na sa inyong ako si Hesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito,” wika niya. Sinabi niya ito upang matupad ang kanyang salita, “Walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin, Ama.” Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote. Natigpas ang kanang tainga ng aliping yaon na ang pangala’y Malco. Sinabi ni Hesus kay Pedro, “Isalong mo ang iyong tabak! Dapat kong inumin ang kalis ng paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama.”

Si Hesus ay dinakip at ginapos ng mga bantay na Judio at ng pangkat ng mga kawal sa pamumuno ng kanilang kapitan. Siya’y dinala muna kay Anas na biyanan ni Caifas na pinakapunong saserdote nang panahong yaon. Si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan.

Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Hesus. Kilala ng pinakapunong saserdote ang alagad na ito, kaya’t nakapasok siyang kasama ni Hesus sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote. Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong saserdote, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto, at pinapasok si Pedro. Si Pedro’y tinanong ng dalaga, “Hindi ba’t isa ka sa mga alagad ng taong iyan?” “Hindi,” sagot ni Pedro.

Maginaw noon, kaya’t nagpabaga ng uling ang mga alipin at mga bantay at tumayo sa paligid ng siga upang, magpainit. Nakihalo si Pedro at nagpainit din.

Si Hesus ay tinanong ng pinakapunong saserdote tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. Sumagot si Hesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla; lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo ng mga Judio. Wala akong sinabing palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo’y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.” Pagkasabi nito, siya’y sinampal ng isa sa mga bantay na naroroon. “Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong saserdote?” tanong niya. Sinagot siya ni Hesus, “Kung nagsalita ako ng masama, patunayan mo! Ngunit kung mabuti ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

Si Hesus na nagagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong saserdote.

Samantala, naroon pa rin si Simon Pedro at nagpapainit. Siya’y tinanong nila, “Hindi ba’t alagad ka rin ng taong iyan?” “Hindi!” sagot ni Pedro. Tinanong naman siya ng isa sa mga alipin ng pinakapunong saserdote, kamag-anak ng lalaking tinigpasan niya ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Hesus sa halamanan?” Muling itinatwa ito ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok.

Mula sa bahay ni Caifas, si Hesus ay dinala nila sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo ng gobernador, upang sila’y huwag maituring na di-karapat-dapat kumain ng Hapunang Pampaskuwa. Kaya’t sa labas sila tinanggap ni Pilato at tinanong, “Ano ang sakdal ninyo laban sa taong ito?” Sumagot sila, “Kung hindi po siya gumawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa inyo.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya, at hatulan ayon sa inyong kautusan.” Sumagot ang mga Judio, “Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Hesus tungkol sa paraan ng kanyang pagkamatay. Si Pilato’y pumasok uli sa palasyo at tinawag si Hesus, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?’ tanong niya. Sumagot si Hesus, “Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo?” “Ako ba’y Judio?” tanong ni Pilato. “Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Hesus, “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung gayon, isa kang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus, “Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato.

Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo kung araw ng Paskuwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” “Hindi!” sigaw nila. “Huwag siya, kundi si Barrabas!” Si Barrabas ay isang tulisan.

Kaya’t ipinakuha ni Pilato si Hesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawang korona, at ipinutong kay Hesus. At sinuutan siya ng balabal na purpura. Isa’t isa’y lumalapit sa kanya at ang wika, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya’y pinagsasampal.

Lumabas uli si Pilato at sinabi sa kanila, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan niya!” At inilabas si Hesus na may koronang tinik at balabal na purpura. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Narito ang tao!” Pagkakita sa kanya ng mga punong saserdote at ng mga bantay, sila’y sumigaw: “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!” Sinabi ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at kayo ang magpako sa kanya. Wala akong makitang kasalanan niya.” Sumagot ang mga Judio, “Ayon sa aming kautusa’y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya’y nagpapanggap na Anak ng Diyos.”

Lalong natakot si Pilato nang marinig ang mga pananalitang ito. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Hesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Hesus. “Ayaw mo bang makipag-usap sa akin?” ani Pilato. “Hindi mo ba alam na maaari kitang palayain o ipapako sa krus?” At sumagot si Hesus, “Kaya mo lamang magagawa iyan ay sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo niyang hinangad na palayain si Hesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar! Sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Cesar.” Pagkarinig ni Pilato sa pangungusap na ito, inilabas niya si Hesus. At siya’y lumuklok sa hukuman, sa dakong tinatawag na “Ang Plataporma,” Gabata sa wikang Hebreo.

Araw noon ng Paghahanda sa Paskuwa at mag-iikalabindalawa na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!” Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!” “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong ni Pilato. Sumagot ang mga punong saserdote, “Wala kaming hari kundi ang Cesar!” Kaya’t si Hesus ay ibinigay sa kanila ni Pilato upang ipako sa krus.

Kinuha nga nila si Hesus. At lumabas siya na pasan ang kanyang krus, patungo sa lugar na kung tawagi’y “Dako ng Bungo,” Golgota sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya’y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa – isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Sumulat si Pilato ng ganitong pangungusap at ipinalagay sa krus: “Si Hesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego at marami sa mga Judio ang nakabasa nito, sapagkat malapit sa lungsod ang dakong pinagpakuan kay Hesus. Kaya’t sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato, “Huwag ninyong isulat na Hari ng mga Judio, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’” Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko’y naisulat ko na.”

Nang maipako na ng mga kawal si Hesus, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hatian ng apat. Kinuha rin nila ang kanyang tunika; ito’y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magsapalaran na lamang tayo para malaman kung kanino ito mauuwi.” Nangyari ito upang matupad ang isinasaad ng Kasulatan,

“Pinaghati-hatian nila ang aking mga kasuotan;
at ang aking damit ay kanilang pinagsapalaran.”

Gayon nga ang ginawa ng mga kawal.

Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay.

Pagkatapos nito, alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masisip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, “Naganap na!” Iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.

Noo’y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila ang Araw ng Pamamahingang ito. Kaya’t hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay. Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Hesus. Ngunit pagdating nila kay Hesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig. Ang nakakito nito ang nagpapatotoo — tunay ang kanyang patotoo at alam niyang katotohanan ang sinabi niya – upang kayo’y maniwala. Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ng kasulutan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” At sinabi naman ng ibang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang kanilang inulos.”

Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Hesus. Si Jose’y isang alagad ni Hesus, ngunit palihim nga lamang dahil sa takot sa mga Judio. At pinahintulutan siya ni Pilato; kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay ni Hesus. Sumama sa kanya si Nicodemo, may dalang pabango – mga sandaang libra ng pinaghalong mira at aloe. Siya ang nagsadya kay Hesus isang gabi. Kinuha nila ang bangkay ni Hesus, at nilagyan ng pabango habang binabalot sa kayong lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Sa pinagpakuan kay Hesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGING PANGKALAHATAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste January 27, 2021 at 8:02 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez March 16, 2021 at 12:30 pm

PAGNINILAY: Ito ay isa sa mga pinakadakilang kwento ng pag-ibig na maraming beses nang isinalaysay. Marahil alam na ng marami kung ano ang mga huling sinapit ng Panginoong Hesukristo noong pinagdaaanan niya ang kanyang Misteryong Paskwal. Sinasabi sa atin na itong Biyernes Santo ay isang “Good Friday”. Bakit nga ba siyang tinawag na “good” kung ito ang araw na ginugunita natin ang Pasyon at Kamatayan ng Panginoon? Makikita natin sa buong liturhiya ng Biyernes Santo kung paanong natupad ang pangako ng Diyos Ama ng kaligtasan ng sangkatauhan.

Sa Unang Pagbasa (Isaias 52:13—53:12), natunghayan natin ang pinakahuli at pinakamaba sa mga 4 na orakulo tungkol sa Lingkod ng Diyos. Ang Lingkod na tanda ng kanyang kasikatan at kaluwalhatian ay siya pala masusugatan para sa mga kasalanan ng tao upang magkaroon ng paghihilom ng mga sugat. Ngunit ito’y bahagi ng plano ng Panginoong Diyos upang mas makikilala ng lahat ang dakilang kadakilaan. Kaya nga itong Lingkod ng Diyos ayon kay Isaias ay naglalarawan sa ating Nagdurusang Panginoon na si Hesukristo. Narinig natin sa mahabang salaysay ng Pasyon ang sinapit niya mula siyang idinakip hanggang siya’y inilibing.

Para kay San Juan, ang Misteryong Paskwal ni Kristo ay bahagi ng kanyang pagbabalik patungo sa Ama. Ito rin ay bahagi ng kaluwalhatian na sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay, iluluwalhati niya ang ngalan at kalooban ng Diyos. Kaya nga si Kristo kahit siya’y ipinahiya, ininsulto, at pinagtawanan, tinupad niya ang plano ng Ama upang tayo ay mailigtas mula sa ating mga pagkakasala. Nais niyang matanto natin na kahit anumang beses tayong nagkasala at nagkulang sa buhay, mas nanaig ang kanyang dakilang pagmmahal sa atin, at siya’y nagmahal hanggang sa malagot ang kanyang hininga.

Sa Ikalawang Pagbasa (Hebreo 4:14-16; 5:7-9), makikita natin si Hesukristo na bagamat Diyos ay nagkaisa sa ating abang katauhan upang ito’y kanyang iako patungo sa kalagayan ng Amang sa langit na balang araw ay makakamit natin ang buhay na walang hanggan. Kaya siya ay patuloy na namamagitan sa atin patungo sa ating katapatan at pagkamasunurin sa dakilang kalooban.

Sa ating taimtim na paggunita sa mga hirap at kamatayan ni Hesus, nawa ang ating pagpaparangal sa Banal na Krus at ang ating pagtanggap sa kanyang Banal na Katawan sa Komunyon ay matanggap natin siya sa ating buhay. At sa pagtanggap sa kanya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas, isabuhay natin ang ating pananampalataya sa pagsunod sa landas ni Kristo na gumawa ng kabutihan sa kapwa-tao at sa iba pang nilalang ng Diyos.

Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, nawa’y kumapit po tayo sa Haring nakapako sa Krus upang iakay rin natin ang ibang tao patungo sa kanya. Isang mapagpalang Biyernes Santo po sa inyong lahat.

Reply

Sherwin D. Yanoria April 2, 2021 at 7:48 am

Walang makahihigit sa pagmamahal ng ating Panginoong Hesus. Sa simula pa lamang, makikita na agad sa kanyang mga turo at pamumuhay ang katotohanan. Ang tunay na pagsunod sa Diyos Ama sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, paglilingkod, pagmamahal at pagpapatawad. Wala Siyang inisip kundi ang kapakanan ng mga tao, maging mabuti man o masama. Kaya’t hanggang sa kamatayan Niya’y ang makasalanan pa rin ang nagtagumpay. Binigyan Niya ng bagong pag-asa, dahil sa pagsagip Niya sa mga kasalanan. Nawa’y di masayang ang kamatayan ng ating Panginoong Hesus. Mabigyan nawa natin ng kabuluhan ang pagtubos na ito, sa pamamagitan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Maraming salamat Panginoong Hesus sa iyong kamatayan sa krus, nagi muli kaming mga anak ng Diyos.

Reply

Reynaldo R. Erosa April 2, 2021 at 8:18 am

Mahal naming Panginoon! Hindi Kami karapatdapat na pagbuwisan mo ng iyung Buhay, sunlit sa iyung spatulas sa Augustinian ng Iyung Mahal na Ama na Kami maligtas insular no ang iyung sarili kaya labis labis gaming nakikidalamhati sa a raw na into na kami’y I nung Patterson sa mga kasalanang aming massages at naway maturation naming magsakripisyo sa aming bushy at sa kappa billing catamaran sa aming mga pagkukulang, AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: