Huwebes, Marso 25, 2021

March 25, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ang Pagpapahayag ng Magandang Balita Tungkol sa Panginoon

Dahil sa tapat na pagsunod ng Pinagpalang Birhen Maria, nagkatawang-tao ang Diyos sa piling natin. Tinatawag tayo ng misteryo ng Pagkakatawang-tao upang lumapit sa ating mapagmahal na Ama sa pamamagitan ng Anak na naging tao.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagpalain mo kami sa araw-araw.

Ang Simbahan nawa’y makita bilang kumikilos na buhay na Katawan ni Jesu-Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong may mabubuting kalooban nawa’y maunawaan na nakipag-isa si Kristo sa bawat tao nang siya ay nakipamuhay sa ating piling, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga siyentipiko at teknologo nawa’y magsikap nang may dakilang layuning itaguyod ang dangal at kaligayahan ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga inang nagdadalantao nawa’y masayang tanggapin ang bagong buhay sa kanilang sinapupunan katulad ng pagtanggap ni Maria sa kanyang Anak, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng Salitang Nagkatawang-tao,
inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan, ang balangkas ng aming pang-araw-araw na buhay, na ginawang banal ng iyong Anak, na aming kapatid sa pananampalataya, na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.

Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 24, 2021 at 3:13 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag tungkol sa Magandang Balita ng Panginoon, o mas kilala sa Ingles bilang “Solemnity of the Annunciation”. Ito’y nagaganap siyam na buwan bago ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni Hesus sa Kapaskuhan (Disyembre 25). Ang “Annunciation” rin ay ang unang misteryo ng tuwa sa Banal na Rosaryo. At ang kaganapang ito ay nagsilbing inspirasyon tuwing kalagitnaan ng oras sa pagdadasal ng Orasyon.

Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang pagbabalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria ang Misteryo ng Pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo. Ibinalita ng anghel kay Maria ang pagsisilang nito sa Tagapagligtas sa loob ng sinapupunan nito. Noong una, nabagabag si Maria sa sinabi nito ng anghel dahil sa kanyang pagiging dalaga, ganun din ang pagbati ni San Gabriel sa kanya bilang “Ginoong napupuno ng grasya”. Kaya ipinaliwanag sa kanya ng anghel na ang pagsilang ni Hesus ay mangyayari sa kapangyarihan ng Espiritu Santo dahil ang anak ni iluluwal ng Mahal na Birhen ay tatawaging Anak ng Diyos. Kaya ang kaganapan ito ay nangyari sa ikaanim na buwan ng pagbubuntis ni Sta. Isabel, pinsan ni Maria, kay San Juan Bautista, at sinabi pa ng anghel na walang bagay ang imposible para sa Diyos. Kaya sa huli, ipinahayag ni Maria ang kanyang fiat, na bilang isang mababang lingkod ng Diyos, hinahayaan niya ang anumang plano ng Diyos na mangyari sa kanya.

Ang Annunciation ay isang pangyayari ukol sa Pagkakatawang-tao ng ating Panginoon, na bagamat may likas ng Diyos naging katulad natin at namuhay sa ating pagkatao maliban sa pagkakasala. Ito’y isang pangyayari na naglalarawan sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Buong kababaang-loob siyang nagpasya na sundin ang kalooban ng Diyos Ama. Kahit may mga pagkakataong siya’y nagdurusa, lalung-lalo na sa huling sandali nang makita niya ang kanyang Anak na nakapako sa Krus at nagbuntong-hininga, alam ni Maria na ito’y nangyayari alinsunod sa kalooban ng Ama para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Sa ating buhay, may mga pangyayaring nagaganap na hindi natin nagugustuhan dahil ‘di kanais-nais ang epekto nito sa ating pamumuhay. Marami na tayong pinagdaanang pagsubok at paghihirap, at parang araw-araw tayo’y nagsisikap na guminhawa ang ating buhay. Subalit hindi tayo kailanma’y pinababayaan ng Panginoon. Alam natin na may dahilan kung bakit nangyayari ang mga masasamang pangyayari. Ngunit kung tayo ay kakapit sa ating Panginoon kahit sa mga oras na tayo’y nawawalan ng pag-asa, malalampasan natin ang bawat pagsubok nang may pananampalataya. Tularan din natin ang Mahal na Ina sa kanyang kababaang-loob at pagtitiwala na gawin ang kalooban ng Diyos hindi lang para sa ating sarili, kundi para na rin sa mabuting kapakanan ng ating kapwa.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 25, 2021 at 6:48 am

May kahulugan ang ating salita, ngunit hindi makapangyarihan. Ito ang ginagamit natin sa pakikipagtalastasan. Kadalasan ang mga salita ay matatamis, ngunit walang katuturan, hindi naisasabuhay. Ngunit iba ang Salita ng Diyos, makapangyarihan at makabuluhan. Sinasabi nga: “at ang Salita ay nagkatawang tao.” Siya ang Emmanuel, ang Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ang kordero na tanging kinalulugdan ng Diyos Ama. Ang daming nag-aalay, subalit sanay suriin muna ang sarili, magbalik loob at magsisi sa nagawang kasalanan upang kalugdan ang handog nila sa Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: