Biyernes, Marso 12, 2021

March 12, 2021

Play

Biyernes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Oseas 14, 2-10
Salmo 80, 6k-8a. 8bk-9. 10-11ab. 14 at 17

Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.

Marcos 12, 28b-34


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Third Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Oseas 14, 2-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas

Ito ang sabi ng Panginoon, “Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.” Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri. Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay sa mga kabayo. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay. Sa iyo lamang makatatagpo ng awa ang mga ulila.”

Sabi ng Panginoon, “Patatawarin ko na ang aking bayan.
Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit.
Ako’y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel,
at mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
mag-uugat na tulad ng matibay na punongkahoy;
dadami ang kanyang mga sanga,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng Libano.
Magbabalik sila at tatahan sa ilalim ng aking kalinga.
Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas,
at ang bango’y katulad ng alak mula sa Libano.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyusan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako’y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong bunga.”

Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 80, 6k-8a. 8bk-9. 10-11ab. 14 at 17

Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.

Sa paglabas namin sa bansang mabagsik,
ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dalay aking iniibis,
ipinababa ko ang pasaning basket.
Iniligtas kita sa gitna ng hirap,
iniligtas kita nang ika’y tumawag.

Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.

Tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba.
Kapag nangungusap, ako’y inyong dinggin,
sana’y makinig ka, O bansang Israel.

Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.

Ang diyus-diyusa’y huwag mong paglingkuran,
diyos ng ibang bansa’y di dapat luhuran.
Ako’y Panginoon, ako ang Diyos mo,
Ako ang tumubos sa ‘yo sa Egipto.

Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.

Ang tangi kong hangad, sana ako’y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
ang lalong mabuting bunga nitong trigo,
ang siyang sa inyo’y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot,
ang siya sa inyo’y aking idudulot.

Tinig ko’y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 17

Sinabi ng Poong mahal:
“Kasalanan ay talikdan,
pagsuway ay pagsisihan;
maghahari nang lubusan
ang Poong D’yos na Maykapal.”

MABUTING BALITA
Marcos 12, 28b-34

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, lumapit ang isa sa mga eskriba kay Hesus at tinanong siya, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” “Tama po, Guro!” wika ng eskriba. “Totoo ang sinabi ninyo. Iisa ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng kanyang sarili ay higit na mahalaga kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin, at iba pang mga hain.” Nakita ni Hesus na matalino ang kanyang sagot, kaya’t sinabi niya, “Malapit ka nang mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong kay Hesus mula noon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 3 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste January 27, 2021 at 7:53 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez March 11, 2021 at 11:59 am

PAGNINILAY: Ang pinakabuod ng Bibliya mula Genesis hanggang Pahayag ay pag-ibig sapagkat ang ating Diyos ay pag-ibig. Tayong lahat ay patuloy na minamahal ng Panginoon, at ito’y isang paanyaya na tayo rin ay ipahalaga ang pag-ibig na iyon.

Ipinahayag ni Hesus sa Ebanghelyo ang isang turo ukol sa pagmamahal nang tanungin siya ng isang eskriba kung ano ang pinakamahalagang utos sa lahat. Sa dami ng mga batas ng Hudyo, na ang eksaktong bilang ay 613, tila nga ba’y nakalimutan na nila ang pinakaimportante sa mga utos na ibinigay sa kanila. Dito sinipi ni Hesus ang “Shema” [Deuteronomio 6:4-5] tungkol sa pagmamahal sa Diyos, at ang Levitico 19:18 naman tungkol sa pagmamahal sa kapwa. At sinigurado niya na wala pang utos na higit sa dalawang ito. Kaya nga ang pagmamahal sa Diyos at kapwa ay ang pinakabuod ng Sampung Utos/Dekalogo, na para kay Hesus, kung bawal sa atin ang paglabag sa mga utos na iyon, ang kabutihan at kagandang-loob ay siyang dapat maging inspirasyon natin ng pagmamahal sa Panginoon at sa ating kapwa-tao.

Ang pagmamahal sa Diyos ay ang pagkilala sa kanya bilang pinakasanggalang ng ating buhay na sa kabila ng mga napupunong bagay ng mundo, siya pa rin ang tunay na nagbibiyaya at naggabay sa ating buhay. Kaya nga tayo’y nagtitipon sa simbahan tuwing Linggo at minsan bumibisita upang manalangin kahit 5 minuto upang makipag-usap tayo sa kanya at mabatid ang kanyang dakilang kalooban. Minsan binabasa natin ang Bibliya lalung-lalo ang Ebanghelyo sa bawat araw upang makilala ang mensahe niya para matuon ang ating buhay-pananampalataya sa kanya.

At ang pagmamahal sa kapwa ay tinawag sa Ingles na “humanitarian”. Makikita dito ang ating pag-iintindi sa bawat pangangailangan ng isa. Kaya ginagawa natin ang tama hindi lang para tulungan sila, kundi pati na rin makita nila ang kahalagahan ng paggawa ng tama. Ganun rin ang paggawa ng kabutihan sa kanila upang tayo’y maging mabuting huwaran sa kanila na palaging maging matulungin sa ibang tao.

Kaya nga ang ating pagkakilanlan bilang mga Kristiyano ay nakasentro sa pag-ibig. At nawa ipakita natin ang pag-ibig ng Diyos na para sa lahat sa pamamagitan ng pag-ibig sa kanya at sa ating kapwa-tao upang maghari ang kabutihan at kagandang-loob sa buong mundo. Nawa ang Kuwaresma ay pagkakataon upang buuin, iwasto, at pagtibayin ang ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 12, 2021 at 5:18 am

Una muna ang Diyos ikalawa ang kapwa. Kadalasan sa buhay ng tao, naaalala ang Diyos sa bandang huli. Pagmasaya pa dahil sa kapwa, nalilimutan ang Diyos ngunit pag may problema, kalungkutan at kagipitan saka pa lamang lumalapit sa Diyos. Ngunit lubhnang napakabait ng Diyos, nananawagan ng pagbabalik loob. Ang pagbibigay natin sa Kanya ng isang daang possiyento: puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas. Ikalawa lamang sa prioridad ang kapwa na dapat nating mahalin gaya ng ating sarili. Halina, sumunod at tuparin ang utos ng Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: