Huwebes, Marso 11, 2021

March 11, 2021

Play

Huwebes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 7, 23-28
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

Lucas 11, 14-23


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

UNANG PAGBASA
Jeremias 7, 23-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Sinasabi ng Panginoon: “Inutusan ko ang mga tao na sumunod sa akin upang sila’y maging aking bayan at ako naman ang Diyos nila. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at sila’y mapapanuto. Ngunit hindi sila tumalima ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang balang maibigan at lubusang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. Mula nang lumabas sa Egipto ang inyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagsugo ng aking mga alipin, ang mga propeta. Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno.

“Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ng Panginoon kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at di man lamang nababanggit.’”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.

Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”

Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13

Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manunumbalik na lubos.

MABUTING BALITA
Lucas 11, 14-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pinalayas ni Hesus ang isang demonyong sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki, at ito’y nakapagsalita na mula noon. Nanggilalas ang mga tao, ngunit may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Beelzebul na prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.” May iba namang nais siyang subukin, kaya’t nagsabi, “Magpakita ka ng kababalaghang magpapakilala na ang Diyos ang sumasaiyo.” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi sa kanila, “Babagsak ang bawat kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat at mawawasak ang mga bahay roon. Kung maghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sapagkat binigyan ako ni Beelzebul ng kapangyarihang ito. Kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa inyong mga tagasunod na makagawa ng gayun? Sila na rin ang nagpapatunay na maling-mali kayo. Ngayon, kung ako’y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos.

“Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahan ay nagbabantay sa kanyang bahay, malayo sa panganib ang kanyang ari-arian. Ngunit kung salakayin siya at talunin ng isang taong higit na malakas, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamahagi ang ari-ariang inagaw.

“Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at nagkakalat ang hindi tumutulong sa aking mag-ipon.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 4 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste January 27, 2021 at 7:53 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez March 6, 2021 at 3:48 pm

PAGNINILAY: Habang tayo ay lumalapit sa daan ng Kuwaresma patungong Mahal na Araw, inaanyayahan tayo ng Salmo ngayon na dinggin natin ang Panginoon, at huwag salungatin ang kanyang mensahe.

Subalit hindi natuwa si Hesus sa ating Ebanghelyo na paratangin siyang nagpapalayas ng mga demonyo sa ngalan ni Beelzebul, ang prinsipe ng mga demonyo. Tinanong niya ang mga eskriba kuny paanong mananatiling matatag ang bahay kung ito’y ginawa nang pansarili lamang. Ganun din sa isang nakikidigmang kaharian na hindi ito’y matatagumpay.

Ang sinasabi dito ni Hesus na nagmula ang kanyang kapangyarihan mula sa Ama, at hindi kay Satanas. Sa pamamagitan ng mga kababalaghan at pagpaparangal ng Mabuting Balita, ipinakita niya ang mabubuting gawain na ibigay ang pisikal at espirituwal na pangangailangan ng tao. Sa kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, inialay niya ang kanyang buhay upang tayo’y mailigtas mula sa ating pagsusuway sa kalooban ng Diyos.

Nawa’y tunay na makita natin ang kabutihan ng Panginoon at ipalaganap ito sa ating araw-araw na pamumuhay.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 11, 2021 at 6:06 am

Ano nga ba ang kapangyarihang mula sa Diyos? Sabi ng isang Paring bihasa sa pagpapalayas ng masamang espiritu, ang tao raw ay mahilig sa kapangyarihan. Halimbawa, mahilig sa anting-anting o ano pa mang nagdudulot sa kanya ng kapangyarihang wala ang isang ordinaryong tao. Ngunit ang mga ito ay may hangganan, dahil ito ay pansamantala lamang. Ang Diyos ang kailangan natin, ang Kanyang, pang-unawa, pagmamahal, habag at pagpapatawad. Dahil ang Diyos ang tunay, Siya noon, ngayon at magpakailanman. Walang makakatumbas sa Kanyang kapangyarihan.

Reply

Manee March 11, 2021 at 1:29 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo. ALELUYA AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: