Linggo, Pebrero 28, 2021

February 28, 2021

Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)

Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18
Salmo 115, 10 at 15. 16-17. 18-19

Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.

Roma 8, 31b-34
Marcos 9, 2-10


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Second Sunday of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Genesis 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos at tumugon naman siya.

Sinabi sa kanya, “Isama mo ang pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”

Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”

Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak.

Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin ng dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 115, 10 at 15. 16-17. 18-19

Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.

Laging buhay ang pag-asa, patuloy ang pananalig.
bagamat ang aking sabi’y “Ako’y ganap nang nalupig.”
Masakit sa kalooban ng Poon kung may papanaw,
kahit ito ay iisa, labis siyang magdaramdam.

Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.

Panginoon, naririto akong inyong abang lingkod,
katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.
Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat,
ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak.

Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.

Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Sa piling ng Poong mahal ako’y laging namumuhay.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 31b-34

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:
Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak? Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos, gayung ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Kristo Hesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo’y namamagitan para sa atin.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Sa ulap na maliwanag
ito ang siyang pahayag
ang D’yos Ama na nangusap:
“Ito ang mahal kong Anak
lugod kong dinggin ng lahat.”

MABUTING BALITA
Marcos 9, 2-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon: Umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupa’t walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.

Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 8, 2021 at 8:39 pm

PAGNINILAY: Tuwing Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, palagi nating naririnig ang Mabuting Balita tungkol sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo. Para kay San Marcos, ang Pagbabagong-Anyo sa Bundok na Tabor ay nagpapakita kay Hesus bilang ipinangakong Tagapagligtas ng lahat mula sa pagkaalipin sa kasalanan.

Sa ating Unang Pagbasa (Genesis 22:1-2, 9a, 10-13, 15-18), sinubok ng Diyos si Abraham na ialay ang minamahal na anak nito na si Isaac sa Bundok na Tabor. Ngunit sa huli ay dahil sa pakikinig ni Abraham, iniligtas ito at pinagpalain ang lahi ng patriarkang ito.

Sa ating Ikalawang Pagbasa naman (Roma 8:31b-34), si Hesus ay itinuring na bagong Isaac dahil di katulad ng pagsasagip ng Diyos mula sa pagsasakripisyo nito, ibinigay niya ang kanyang Bugtong na Anak bilang pag-aalay ng kanyang buhay upang tayo’y mailigtas mula sa kasalanan. At sinabi rin ni San Pablo na wala sinuman o ninuman ang makakapaghihiwalay sa pag-ibig ng Panginoon sapagkat kapiling natin siya at minarapat niya ang ikabubuti para sa planong pangkaligtasan ng sangkatauhan.

Para sa mga Hudyo, inaasahan nila na ang Mesiyas ay magmumula sa dakilang lahi ni Haring David, at ililigtas niya ang Israel mula sa mga kaaway. Si Hesus nga ay ang taong iyon, ngunit bilang Mesiyas, hindi marahas ang kanyang layunin sa mundong ito. Ang mga taong tagasunod niya, kasama ang mga Apostol, ay naniniwala na magiging Hari siya sa Jerusalem upang iligtas ang bayan mula sa pananakop ng mga Romano. Ngunit sa Bundok na Tabor, si Hesus ay nagbagong-anyo at nakipag-usap kay Moises (sumasagisag sa Kautusan) at Elias (sumasagisag sa mga Propeta) tungkol sa kanyang misyon bilang Tagapagligtas. Ang kanyang Pagpapasakit at Pagkamatay sa Krus ay hindi pagtatalo, kundi panalo dahil nga siya’y muling nabuhay pagkatapos ng tatlong araw. Ang Misteryong Paskwal sa kabuuan ay isang dakilang pangyayari ng kaluwalhatian dahil iniligtas tayo ng Anak ng Diyos mula sa kapangyarihan ng kasalanan.

Kaya nga mga kapatid, si Hesus ay naging Panginoon at Tagapamagitan natin dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya ang hamon sa atin ng Ama ay makinig sa kanya. At habang nakikinig, dapat maranasan natin ang pagbabago ng puso’t kaisipan sa ating mga buhay. Sa ating paglalakbay sa daan ng Kuwaresma, nawa’y magbago din tayo at mamuhay alinsunod sa Mabuting Balita ng Panginoon.

Reply

Sherwin D. Yanoria February 28, 2021 at 6:59 am

Tayong mga Pilipino ay mahilig dumalo sa mga reunion. Ipinapakilala natin ang ating mga anak. Mababasa na ipinakilala din ng Diyos ang Kanyang Anak ang Ating Panginoong Hesukristo. Bukod sa pagpapakilala ay inialay pa ng Diyos ang Kanyang Anak para sa kaligtasan ng mga tao. Dahil nga sa katubusang ito, ay minarapat din ang tao na tawaging anak ng Diyos. Nawa’y mabigyan ng kaluguran ang ating Diyos mula sa ating mga isip, salita, at gawa. Nang sa gayon ay maipagmalaki tayo ng Diyos, tulad ng mga Santo.

Reply

Dong February 28, 2021 at 12:54 pm

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo nazareno AMEN

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: