Martes, Disyembre 15, 2020

December 15, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Martes

Kadalasa’y hindi natin nauunawaan ang plano ng Diyos para sa atin. Hilingin natin sa Diyos Ama na loobin niyang malaman natin ang kanyang kalooban at matupad natin ito.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, patnubayan mo kami.

Ang Santo Papa at mga obispo ng Simbahan nawa’y magkaroon ng tibay at lakas ng loob sa kanilang buong-pusong paggabay sa mga mananampalatayang nasa kanilang pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.

Bilang isang pamayanan, nawa’y ibatay natin ang ating buhay sa awa at habag ng Diyos at hindi sa mga pagkukunwari, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y maging tapat at totoo sa ating pansariling buhay upang makatupad sa kalooban ng Diyos nang walang pag-aalinlangan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at namimighati nawa’y makaranas ng pag-ibig at habag ng Diyos sa tulong ng mga taong nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y maranasan ang walang hanggang galak sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, ibuhos mo nawa ang iyong biyaya sa amin. Tulungan mo kaming matupad nang may pusong tapat ang mga pangakong aming binibitiwan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez December 14, 2020 at 11:33 pm

Pagninilay: Habang tayo ay papalapit na sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, tayo’y inaanyayahan ngayong Adbiyento na maging matapat sa kanya at tumalima sa kanyang kalooban.

Ayon kay Propeta Sofonias sa Unang Pagbasa, gagawa ang Panginoong Diyos ng nararapat para sa mga tao. Makikita natin ang kanyang katarungan para palaging manaig ang kabutihan, at hindi ang kasamaan. Kaya itutuwid niya ang mga nagkakamali, at pagpapalain pa ang mga mabubuti upang ipakita sa lahat na patuloy na nagmamahal ang Diyos. Ganun din ang mga pinuspos na sila’y palalakasin nila upang maging panindigan para sa kabutihan at katotohanan. Hindi pababayaan ng Diyos ang kanyang tao, sapagkat nangangako siya para sa kaligtasan nila.

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang talinghaga ng Panginoong Hesukristo bilang tugon sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan na nagtanong sa kanya kung anong awtoridad ang nagbigay sa kanya upang gawin ang mga bagay ng pangangaral at paggawa ng kababalaghan. Kaya isinalaysay ni Hesus ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak. Iniutos ng ama ang kanyang 2 anak upang magtrabaho sa ubasan: ang una ay tumanggi, ngunit nagdalawang-isip at ginawa ang tungkulin, ang ikalawa naman ay nag-oo, subalit hindi siya sumunod. At ginamit ito ni Hesus bilang paglalarawan sa mga tumanggap sa mensahe ni San Juan Bautista, na hindi sila mga dalubhasa o matatalino, kundi sila ay mga makasalanan. At alam niya na ang mga pinuno ng mga Hudyo ay narinig din sa pangangaral ni Juan, subalit hindi sila nagbago, bagkus ay nagmataas pa ng sarili.

Mga kapatid, ang ating pananampalataya ay isang matatag na relasyon sa ating Diyos. Bilang mga Katoliko, ito ay dapat isabuhay hindi lang sa mga magagandang Tradisyon at Sakramento, kundi pati na rin sa pagsunod sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanya at sa ating kapwa. Ngayong Adbiyento, tayo’y hinihikayat na maging handa sa pagsalubong sa ating Mesiyas, na hindi lang natin maipagdiwang ang kanyang kaarawan sa Pasko, kundi maisapuso natin ang kanyang presensiya sa ating mga buhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: