Linggo, Disyembre 13, 2020

December 13, 2020

Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)

Isaias 61, 1-2a. 10-11
Lucas 1, 46-48. 49-50. 53-54

Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.

1 Tesalonica 5, 16-24
Juan 1, 6-8. 19-28


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Third Sunday of Advent (B) (Rose or Violet)
Gaudete Sunday

UNANG PAGBASA
Isaias 61, 1-2a. 10-11

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Pinuspos ako ng Panginoon
ng kanyang Espiritu.
Hinirang niya ako
upang ang magandang balita’y
dalhin sa mahihirap,
pagalingin ang sugat ng puso,
palayain ang mga bihag at bilanggo.
Sinugo n’ya ako,
upang ibalitang ngayo’y panahon nang
iligtas ng Panginoon ang mga tao na hinirang niya.
At ang Jerusalem
sa ginawang ito’y pawang malulugod,
anaki’y dalagang gayak ay pangkasal,
siya’y parang dinamtan
ng kaligtasan at pagtatagumpay.
Kung paanong ang binhi
ay tiyak na tutubo at sisibol,
gayun ang pagliligtas ng Panginoon
sa bayang kanyang hinirang.
Dahil dito, lahat ng bansa
ay magpupuri sa kanya.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 46-48. 49-50. 53-54

Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.

Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi.

Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.

Dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan –
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.

Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.

Binusog niya ang mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang.

Sa Poong D’yos malulugod ang hinirang niyang lungsod.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 5, 16-24

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid:
Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos.

Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Nawa’y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa’y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan – ang espiritu, kaluluwa, at katawan – hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo. Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ang mga bagay na ito.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Isaias 61, 1

Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Maykapal
nasa akin upang hat’dan
ang mga dukha nga aral.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 6-8. 19-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw.

Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayun?” Tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Sumagot si Juan, “Ako ‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’” Ang Propeta Isaias ang maysabi nito. Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste October 29, 2020 at 6:40 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez December 8, 2020 at 1:16 am

Pagninilay: Ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento ay mas kilala bilang “Linggo ng kagalakan/katuwaan”, sa wikang Latino bilang Linggo ng “Gaudete”. Ang salitang “Gaudete” ay nakabase sa Antipona sa Pagpasok para sa Linggong ito, na mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos [4:4-5]. Kaya sinisindi ngayon ang ikatlong kandila sa Korona ng Adbiyento [kulay rosas], at madalas ang mga Pari ay sumusuot ngayon ng kulay rosas na kasulya. Ang paalala ng liturhiya ngayong Linggo ng Gaudete ay sa kalagitnaan ng Adbiyento, tayo ay dapat magalak sapagkat malapit na ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ng katuparan ng kaligtasan ng Diyos para sa sangkatauhan. At sa kabila ng lungkot, mga problema, suliranin, at kahit mga salot, kailangan pa rin nating magalak.

Maganda ang propesiya ni Isaias tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Ang Mesiyas ay mapupuspos ng Espiritu Santo upang gumawa ng kabutihan para sa mga nangangailangan at parang hindi pinapansin ng tao. Ang buod nito ay ang pagdadala ng Mesiyas ng kagalakan ang mga mahihirap. Tinutukoy rito ni Isaias ang misyon ni Hesus upang makibahagi sa buhay ng karaniwang tao, at tulungan ang bawat nahihirapan, nabibigatan, maysakit, at kahit sinong nais makatanggap ng Mabuting Balita ng Diyos.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang misyon at pagpapahayag ni San Juan Bautista. Ang panimula ng Ebanghelyo ni San Juan Ebanghelista ay nagpapahayag na sa pasimula ang Salita ng Diyos, at sa kaganapan ay ito ay nagkatawang-tao. Subalit inakala ng marami, lalung-lalo ng mga saserdote at Levita, na si Juan Bautista ay ang Mesiyas, ngunit nagpatotoo siya na hindi siya ang tinutukoy na Mesiyas. Kaya sinasabi rin sa simula ng Ebanghelyo na hindi siya ang ilaw, kundi ang nagpapatotoo tungkol sa ilaw. Kaya makikita natin ang pagpapakumbaba ni Juan tungkol sa pagdating ng Panginoon, na hindi siya karapat-dapat na kumalag sa tali ng pangyapak nito. Sinabi rin niya na ang darating ang mauuna, at siya naman ay mahuhuli. Kaya ang Apostol at Ebanghelistang si San Juan ay nagsusulat upang ipahayag sa atin ang pagka-Diyos ng ating Panginoong Hesukristo, na siya ang Ilaw ng Salibutan at ang Salitang nagkatawang-tao upang makapiling natin. At si San Juan Bautista na kanyang pinsan ang nagsilbing tapanguna upang ihanda ang daan para sa kanyang pagpaparito.

Tuwing Adbiyento, tayo’y pinagaalalahanan na maghanda para sa pagdating ng atng Panginoong Hesukristo. Ngayo’y tayo ay nasa kalagitnaan ng panahon, at ito ay mas kapana-panabik patungo sa Kapaskuhan, tayo nawa ay magalak. Sa kabila ng lahat ng ating pinagdadaanan sa buhay, huwag nating kalimutang matuwa sapagkat kahit may mga tao’t bagay na nawawala sa atin, hindi pa rin mawawala ang Panginoon sa ating buhay. At katulad ni Hesus at ni San Juan Bautista, tayo nawa ay maging tagapagdala ng kagalakan para sa ibang tao, lalung-lalo na ang mga nalulungkot, nalulumbay, nahihirapan, at kailangan ng kaagapay natin.

Reply

Marilyn Esmaña December 13, 2020 at 3:14 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: