Linggo, Agosto 2, 2020

August 2, 2020

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa

Hingin natin sa Diyos na kahit kailan ay huwag tayong pabayaan at bigyan Niya ng katugunan ang lahat ng ating mga pangangaila- ngan. Ang ating sasambitin ay:

Amang butihin at mapangalaga, dinggin Mo ang Iyong mga anak!

Para sa mga namumuno sa Simbahan, upang manguna sila sa pangangalaga sa kanilang kawan lalo na sa panahong ito ng COVID-19 pandemic at magsikap na matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa mga namumuno sa ating bansa, lalo na sa panahong ito ng COVID-19 pandemic, upang maging malikhain sila sa paghahanap ng mga lunas sa patong-patong na suliranin ng mga taong-bayan, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa lahat ng mga kumikilos sa ating mga pagamutan at nagsisikap na sugpuin ang pagkalat ng COVID-19 pandemic, at para narin sa mga kawani ng pamahalaang nagpapanatili ng kaayusan sa ating lipunan, upang madama nila ang masaganang pangangalaga ng Poong Maykapal, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat ng mga sumasampalataya kay Kristo, upang ang inaasahan nating pagkakaisa ng mga Kristiyano ay ating matamo sa pamamagitan ng matibay na tiwala sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon!

Para sa ating lahat na nanalangin sa Linggong ito, upang malasap natin ang ligaya na ibinibigay ng Diyos sa lahat ng mga nagtitiwala sa walang kupas na pangangalaga ng Poong Maykapal, manalangin tayo sa Panginoon!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Ama naming mapagbigay at masagana sa awa at habag, ipadala Mo sa amin ang Iyong Espiritung Banal upang turuan kaming hindi kailanman mawalan ng tiwala sa Iyong masaganang pangangalaga. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Hesukristong aming Panginoon!

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 24, 2020 at 8:27 pm

Pagninilay: Isa sa mga natatanging lugar sa Banal na Lupain ng ating mga Kristiyanong Katolikong Romano ay ang Tabgha sa Galilea. Ito ay isang lugar malapit sa Dagat ng Tiberio, na kung saan ito yung bundok na pinadami ng ating Panginoong Hesukristo ang limang tinapay at dalawang isda para ipakain sa 5,000 na tao, partikular na ang mga lalaki (hindi binibiling ng lipunan ang mga babae at ang mga bata). Kung pupunta ka sa Simbahan diyan, makikita mo na apat lang ang mga tinapay ngunit dalawa ang mga isda. Minsan tinatanong natin: “Nasaan yung ikalimang tinapay?” Ang sagot diyan ay ang ating Panginoong Hesukristo, ang Tinapay ng Buhay, dahil siya ang nagpapakain at nagbubusog sa atin. Narinig natin sa mga Pagbasa natin ngayon ang grasya ng isang mga natatanging himala ni Kristo.

Sa Unang Pagbasa (Isaias 55:1-3), ito ay isang kalahati ng Ikalimang Pagbasa sa Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Isaias 55:1-11). Sinasabi ng Diyos na ang lahat ng mga nauuhaw ay lumapit sa tubig, at ang lahat ng mga nagugutom ay tanggapin ang kanilang mga pangangailangan. Ito ang tawag ng Diyos sa mga Israelita na sinasakop ng mga taga-Babilonia na sila’y lumapit at bumalik-loob sa kanya. Para sa atin, ito ay isang tawag din na tayo’y umasa sa Panginoon sa ating mga pangangailangan sa buhay.

Sa ating Ikalawang Pagbasa (Roma 8:35, 37-39), tinatanong at hinahamon tayo ni San Pablo: “Para sa iyo, ano ang naghihiwalay sa iyo mula sa pag-ibig ng Diyos at ni Kristo?” (Roma 8:35). At sinabi na walang magpapahiwalay sa atin mula sa dakilang pag-ibig. Ito ay isinalin ni Sr. Ma. Annunciata, SPC sa kanta na pinapangalan “Sinong Makapaghihiwalay?”.

Sa ating Ebanghelyo sa araw na ito (Mateo 14:13-21), nakita natin ang himala ng Pagdadami ng Limang Tinapay at Dalawang Isda. Ito ay nangyari dahil nahabag si Hesus sa madla, kaya itinuro niya ang Mabuting Balita sa kanila at pinaggaling ang mga maysakit. Isa pang kahabaging pangyayari ay ang pagkakainin ng mga tao. Walang pagkain ang mga tao, kaya isang batang lalaki ay nahabag at lumapit kay San Andres, na ang dala ay ang limang tinapay at dalawang isda. Kaya tinanggap ito ni Hesus at ipinabasbas niya, at naging madami para mabusog ang lahat. Ang himalang ito ay naghahanda sa pinakamataas na panalangin, ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya.

Ang Misa ay ang piging ng Diyos para sa atin, na tinatawag tayo para ibusog niya tayo sa mga pangangailangan natin sa pamamagitan ng ating mga panalangin, sa kanyang Salita at ang Katawan at Dugo ng kanyang Anak. Bawat Misa ay pinapakain tayo ng mga Salita at ng mga sakripisyo ni Kristo, kaya isabuhay natin ang mga mahahalagang aral ng Eukaristiya. Sa ating paglalakbay ng daang ito, nawa’y maging mahabagin tayo sa mga taong nangangailangan.

Reply

MU Francisco August 1, 2020 at 11:42 pm

Dito sa Metro Manila, hinaing Ng mga Mangagamot na ibalik na sa ECQ ang status Ng mga Tao. MAhirap sa mga Tao Ang sitwasyong Ito ngunit mas mahirap sa mga Mangagamot na malaman na patuloy Ang pagtaas Ng mga may kaso Ng Virus. Maawa Naman Tayo sa mga Mangagamot tulad ni Hesus. Sila ay pagod na pagod na sa paulit-ulit nilang ginagawa pero Wala silang magawa dahil Ito Ang kanilang ipinangakong bokasyon para sa mga Tao.

Kamusta ka na? Ang iyong Pamilya? Naiisip mo Rin ba Ang mga Frontliners? saAn mo ginagamit Ang mga perang meron ka ngayon? Isang paalala mula sa Unang Pagbasa sa ating lahat na sa gitna Ng Pandemya na tayo ay mag-isip Kung papaano gagamitin Ang pera sa Tama. Sana sa bawat paggamit natin sa perang pinaghirapan na ating magulang o sarili mong sikap ay mag-ugnay sa atin sa mga nangangailangan at sa Panginoong nagbigay Kung anong meron Tayo. Nawa’y matuto tayong magpasalamat at magbahagi Kung anong meron tayo ngayon.
Amen.

Reply

Flor August 2, 2020 at 11:55 pm

Panginoong Hesukristo Pinapuri ka namin at Dinadakila ka sapagkat ang Salita mo ang syang nagbibigay sa amin ng BUHAY at KALAKASAN sa panahon ng PANDEMYANG ito PANGINOON nawa’ y Maghimala ka na sa amin at Hawiin na po ninyo ang COVID 19 sa buong mundo at manumbalik na po ang SAYA at ang SIGLA ng bawat isa sa amin PANGINOONG HESUKRISTO.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: