Biyernes, Hulyo 3, 2020

July 3, 2020

PANALANGIN NG BAYAN

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, tulungan mo kami sa aming kahinaan.

Bilang isang Simbahan, nawa’y hindi tayo magkulang sa pagpapahayag ng ating pananampalataya sa mga taong hindi sumasampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang Simbahan sa Asya nawa’y magkaroon ng paglago, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nakalugmok sa pagiging makasalanan at kawalan ng pananampalataya nawa’y mapangibabawan ang kanilang pag-aalinlangan at yakapin ang tunay na pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nabibigatan sa buhay, lalo na ang mga maysakit at nangungulila, nawa’y magtamasa ng kagalakan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y makabahagi sa kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, sa pagluluhog namin sa iyo ng aming mga kahilingan, palalimin mo ang aming pananampalataya, upang tulad ni Santo Tomas, ibigin at sambahin namin ang iyong Anak na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 1, 2020 at 11:33 am

Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ni Apostol Santo Tomas. Siya’y tinaguriang bilang “Doubting Thomas” sapagkat narinig natin sa Ebanghelyo kung paano siyang nag-alinlangan nang mabalitaan ng mga kapwa niyang Apostol na nabuhay na mag-uli ang Panginoon. Wala siya noong panahong nagpakita si Hesus na muling nabuhay sa mga Apostol nang gabi ng Linggo ng Pagkabuhay. Kaya nagdemanda ng prueba si Tomas ng mga sugat ni Kristo sa mga kamay at tagiliran nito bago pa siya maniwala. At makalipas ang isang Linggo, sila’y nagkatipon sa parehong bahay kasama si Tomas. At sa puntong iyon ay nagpakita na naman ang Panginoong muling nabuhay nang may bati ng kapayapaan. Dito rin iwinasto ni Hesus ang pananampalataya ni Tomas sa paanyaya’y tignan at hawakan ang kanyang mga sugat sa mga kamay at tagilirian. Dahil sa lubos na kagalakan, nawala ang pag-aalinlangan ni Tomas, at buong pahayag sinabi niya, “Panginoon ko at Diyos ko” (bersikulo 28). Kaya sinabi ni Hesus na ang mapalad ang mga taong sumasampalataya sa kanya, kahit hindi nila nakikita siya. Ito ang naging inspirasyon ng maraming Kristiyano sa pagsampalataya sa Panginoong Hesus bagamat hindi pa nila nakikita siya nang ganap. Dahil na rin sa pangngaral ng mga Apostol katulad ni Santo Tomas, lubos na nakilala nila si Kristo sa kanilang buhay. Si Santo Tomas ay nangaral hanggang India, at doon sa bansang iyon ay dumanak ang kanyang dugo bilang pag-aalay ng buhay para sa pananampalataya at sa pangngaral ng Mabuting Balita. Si Apostol Tomas ay kilala rin sa pag-aanyaya sa kapwa niyang Apostol na sundan si Kristo papuntang si Betania upang buhayin si Lazaro. Siya rin ang nagtanong kay Kristo kung paano nila malalaman ang Daan, na siyang tinugon ng Panginoon tungkol sa Daan, Katotohanan, at Buhay. Nawa’y tularan natin ang pagiging saksi ni Santo Tomas upang tayo ay patuloy na sumampalataya sa ating Diyos bagamat hindi natin siya nakikita. Nawa’y ipadama rin natin ang pananampalatayang ito sa ating karanasan na pagtatagpo sa ibang tao.

Reply

Crisanta M. Bartolome July 3, 2020 at 4:42 pm

Sumaatin nawa ang Kapayapaan ni Kristo! Hangad ni Hesus na kamtan natin ang kapayapaan na hatid niya para sa atin lahat.. Malakas ang hamon ng ating Ebanghelyo. Nais makita ni Hesus kung gaano tayo nananampalataya sa kanya at kanyang mga aral. Ipinapalala sa atin ngayon Kapistahan ni Sto. TOMAS isa mga alagad na hinirang upang ipagpatuloy ang misyon sinumulan ni Kristo bago siya umakyat sa langit ibinigay niya ang mahigpit na natagubilin na ihatid ang kapayapaan ni Kristo sa lahat ng tao.. Sa mahabang panahon na pagiging saksi at Apostol ni Kristo na nagpapatuloy ang simbahan sa pamamagitan ng isang simbahan na may mananampalataya. Nagpapatuloy ang kapayapaan at buhay na ibinigay ni Kristo.. Kaya sa Kapistahan pagnilayan natin ang grasiya ng buhay na ipinagkaloob sa atin. Huwag nawa tayo mamuhay sa takot at mawalan ng pagasa dulot ng pandemya sa kasalukuyan panahon natin. Bagkus mapanatili nawa natin ang kapayapaan bigay sa atin ni Kristo bilang tanda ng kanyang presensiya. At tayo nawa ay maging daan na makapagbigay buhay at kapayapaan sa atin kapwa..

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: