Miyerkules, Hulyo 1, 2020

July 1, 2020

PANALANGIN NG BAYAN

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagsasalita si Kristo nang may walang hanggang kapangyarihan at kumikilos nang may kapangyarihang magpagaling. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may pananalig.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Makapangyarihang ama, iunat mo sa amin ang iyong kamay.

Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga pastol, nawa’y maging tunay na lingkod ng pagpapagaling at pagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y hindi madaig ng tukso ng kapangyarihan at kayamanan bagkus makita nila ang kasamaan ng korapsyon sa pamumuno, manalangin tayo sa Panginooon.

Ang maruming espiritu na nagkalat sa ating lipunan nawa’y mabuwag ng kalinisan at paggalang sa dangal ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y makita at madama ang mapagpagaling na presensya ng Diyos sa pamamagitan ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y masiyahan sa bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Ama, dinadala namin sa iyo ang aming mga pangangailangan at may pananalig na nagdarasal kami sa iyong tulong upang makalaya kami sa impluwensya ng kasamaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez June 30, 2020 at 9:29 pm

Pagninilay: Sa buong Bagong Tipan, ipinapakilala sa atin si Hesus bilang Mesiyas at Anak ng Diyos. Sa kanya ipinabigay ng awtoridad upang ipakilala sa atin ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang pangangaral ng Mabuting Balita at paggawa ng mga kababalaghan. At nakita natin sa Ebanghelyo kung paanong pinalayas ni Hesus ang mga demonyo mula sa inaalihan nilang mga 2 lalaki. Makikita natin dito kung paanong nakilala ng mga demonyo si Hesus sapagkat totoo naman tinatatakutan ng bawat demonyo ang Panginoon. Alam din ni Hesus na maraming demonyo ang sumasapi sa 2 lalaki, at humiling sila na ipahintulot nilang sumapi sila sa mga baboy. Kaya nang pumasok ang maraming demonyo sa mga baboy, agad tumakbo ang buong kawan hanggang sa bangin, na kung saan sila’y nahulog sa lawa at nalunod. Kaya maraming tao ang namangha sa ginawa ni Hesus sa pagpapalayas niya ng mga demonyo. Dito makikita natin ang kapangyarihan ng Diyos laban sa kasamaan. Hindi niya hahayaang manaig ang mga masasamang bagay. Kaya ang Panginoon ay nagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, kagandahang-loob, at kabutihan. Ang kababalaghan ng pagpapalayas ng demonyo ay tumutungo sa pinadakilang gawain ni Kristo, nang ialay niya ang kanyang buhay sa Krus at nabuhay na mag-uli mula sa kamatayan bilang tagumpay ng plano ng Diyos para sa ating kaligtasan. Kaya sa ating buhay-pananampalataya, hayaan natin ang Diyos na ipamalas niya sa atin ang kanyang sarili upang mas kilalanin natin siya at dalhin siya sa ating pamayanan at pagtatagpo ng ibang tao.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: