Martes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Amos 3, 1-8; 4, 11-12
Salmo 5, 5-6. 7. 8
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
Mateo 8, 23-27
Tuesday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Year II)
UNANG PAGBASA
Amos 3, 1-8; 4, 11-12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ng Panginoon: “Pinatnubayan kong palabas sa Egipto ang inyong lahi. Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa, kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan. Kaya’t parurusahan ko kayo dahil sa inyong mga kasalanan.”
Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung di muna sila magtipan?
Uungal ba ang leon sa kagubatan malibang makatagpo siya ng biktima?
Aatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib kung wala siyang nahuling anuman?
Mabibitag ba ang isang ibon kung walang pain?
Iigkas ba ang bitag kung walang huli?
Maaari bang di sakmalin ng takot ang mga mamamayan kapag hinipan ng bantay-lungsod ang trumpeta?
Mangyayari ba sa isang lungsod ang isang kahindik-hindik na bagay malibang ito’y itulot ng Panginoon?
Tunay na ang Panginoon ay di gumagawa ng anumang bagay na di ipinababatid ang kanyang balak sa kanyang mga lingkod ang mga propeta.
Pag ungal ng leon, maaari bang hindi ka matakot?
Kapag nagsalita ang Panginoon, mapipigilan mo bang ipahayag ang kayang sinabi?
“Pinuksa ko ang ilan sa inyong lungsod tulad ng aking ginawa sa Sodoma at Gomorra. Kayo’y parang nagdiringas na kahoy na inagaw sa apoy. Ngunit ayaw pa rin kayong manumbalik sa akin,” sumbat pa ng Panginoon. “Kaya, mga taga-Israel, humanda kayo sa di mapipigil na paghuhukom ng inyong Diyos!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 5, 5-6. 7. 8
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
Ang gawang masama’y di mo kalulugdan,
ang gawaing hidwa’y di mo papayagan;
ang mga palalo’t masasamang asal,
iyong itatakwil at kasusuklaman.
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
Parurusahan mo yaong sinungaling,
pati mararahas at ang mga taksil.
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
Dahilan sa iyong tanging pagmamahal,
ako ay dudulog sa iyong tahanan;
sasambahin kita sa templo mong banal,
bilang isang tanda ng aking paggalang.
Poon, ako’y pangunahan nang landas mo’y aking sundan.
ALELUYA
Salmo 129, 5
Aleluya! Aleluya!
Poon, ikaw ang pag-asa,
ang Salita mo’y ligaya,
pag-asa ko sa tuwina.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 23-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sumakay si Hesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad. Bumugso sa lawa ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Ngunit natutulog noon si Hesus. Kaya’t nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, tulungan ninyo kami!” sabi nila. “Lulubog tayo!” At sinabi niya sa kanila, “Ano’t kayo’y natatakot? Napakaliit naman ng pananalig ninyo!” Bumango siya, sinaway ang hangin at ang dagat, at tumahimik ang mga ito. Namangha silang lahat at ang sabi, “Anong tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay tumatalima sa kanya!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Hunyo 29, 2020
Miyerkules, Hulyo 1, 2020 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Panginoon ay kapiling natin habambuhay. Hindi niya tayo pinababayaan kahit sa mga oras ng kapighatian at lunos. Ang Ebanghelyo ngayong araw na ito ay isang dakilang kababalaghan ni Hesus habang kasama niya ang 12 Apostol. Sumakay sila sa bangka papunta sa ibayo ng Lawa ng Galilea. At biglang nilibot sila ng isang malalakas na bagyo, habang gumigiwang ang bangka sa galaw ng hangin at dagat. Natatakot ang mga alagad, kaya ginising nila si Hesus. Sa isang idlip hindi sila makapaniwala na agad na pinatahimik ng Panginoon ang bagyo. Kaya tinanong ni Kristo kung bakit napakaliit ang pananalig nila. Makikita dito sa kababalaghan nito ang imahe ng pag-aakay ng Diyos sa kanyang Simbahan. Ang Simbahan ay sumasagisag sa bangka, habang ang 12 Apostol ay sumasagisag sa Santo Papa, mga Obispo, at tanang Kaparian. Sa buhay natin sa daigdig, ang mga kumakatawan ng Hierarkiya ay mayroong kani-kanilang kahinaan sa buhay. Sila ay dumadaan sa napakaraming pagsubok sa kanilang tungkulin bilang mga pastol ng Sambayanan ng Diyos. Subalit makikita natin ang buhay ng isang Pari, Obispo, at Santo Papa ay nakatalaga sa Diyos, na kung saan ang kanilang buhay ay inilatag upang paglingkuran siya at ang buong sambayanan nang may katapatan. Marami ring pagsubok na pinagdaanan ng mga Apostol noong kasama nila ang Panginoon, ang isa ay ang pag-iwan nila sa kanya habang siya’y nagdurusa patungo sa kanyang kamatayan sa Krus. Subalit nang siya’y muling mabuhay, ang biyaya niya sa kanila ay kapayapaan na sinasabing kinalimutan na niya ang kanilang pag-iwan sa kanya. Kaya sa araw ng Pentekostes, sila’y pinuspos ng Espiritu Santo upang maging mga tagapagdala ng Mabuting Balita sa Simbahan. At ganun rin ang buhay ng mga pastol ng ating Simbahan na sa kabila ng kanilang kahinaan at kapabayaan ay patuloy natin silang ipinagdarasal na mas maging matapat sa kanilang tungkulin. Ganun rin tayo sa buhay ay mayroong mga bagyong pinagdadaanan tayo. Ito ang mga pagsubok na minsan tayo ay pinagbibigatan at pinaghihirapan. Subalit sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Panginoon, malalampas natin ang bawat problemang iyan upang mas maging matapat sa kanya sa patuloy na paggawa ng katuwiran at kabutihan. Kaya ang una nating kailangang gawin ay huminahon at ramdamin ang kanyang dakilang presensiya.
Salamat sa diyos