Podcast: Download (Duration: 8:59 — 7.0MB)
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
Mga Gawa 12, 1-11
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9.
Ang D’yos ang siyang nagligtas sa aking takot at sindak.
2 Timoteo 4, 6-8. 17-18
Mateo 16, 13-19
Solemnity of Saints Peter and Paul, Apostles
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 12, 1-11
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng simbahan. Pinapugutan niya si Santiagong kapatid ni Juan. Nang makita niyang ito’y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Lebadura. Pagkadakip kay Pedro, ito’y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng pista, kaya’y nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, siya’y taimtim na ipinananalangin ng simbahan.
Gabi noon. Si Pedro’y natutulog sa pagitan ng dalawang kawal. Gapos siya ng dalawang tanikala at may mga tanod pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Siya’y nakatakdang iharap ni Herodes sa bayan kinabukasan. Walang anu-ano’y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon, at nagliwanag na mabuti sa silid-piitan. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro at ginising. “Bumangon ka, dali!” wika ng anghel. Pagdaka’y nakalag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. “Magbikis ka’t magsuot ng panyapak,” sabi ng anghel. Gayun nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka’t sumunod sa akin.” Lumabas naman si Pedro at sumunod sa kanya, ngunit hindi niya alam kung tunay ang nangyayari. Ang akala niya’y nananaginip lamang siya. Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay; nakarating sila sa pintuang bakal na labasan patungo sa lungsod. Ito’y kusang nabuksan, at lumabas sila. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel.
Naliwanagan ni Pedro ang nangyari kaya’t sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo palang lahat! Sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyayari sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-
Ang D’yos ang siyang nagligtas sa aking takot at sindak.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Ang D’yos ang siyang nagligtas sa aking takot at sindak.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Ang D’yos ang siyang nagligtas sa aking takot at sindak.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Ang D’yos ang siyang nagligtas sa aking takot at sindak.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masika[;
yaong nagtiwala sa kanya’y nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Ang D’yos ang siyang nagligtas sa aking takot at sindak.
IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 4, 6-8. 17-18
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal, ako’y iaalay na; dumating na ang oras ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay. At sa Araw na yaon, ang Panginoon na siyang makatarungang hukom, ang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.
Ngunit pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita; naligtas ako sa tiyak na kapahamakan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 16, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa luapin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
https://www.youtube.com/watch?v=FagqCKUm4is
Pages: 1 2
« Sabado, Hunyo 27, 2020
Martes, Hunyo 30, 2020 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ipinagdiriwang ngayon ng buong Simbahan ang Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at Apostol San Pablo. Sila ang itinuturing na “mga haligi ng Simbahan”. Ang Simbahang itinatag ni Kristo ay nakatayo sa kanilang mga ministeryo. Si San Pedro ay may hawak ng susi bilang kapangyarihan ng Simbahahan ng pagpapahintulot at pagbabawal ng mga kaluluwa. Si San Pablo ay may hawak na espada bilang awtoridad ng Salita ng Diyos na nahahayag sa bawat gawain ng Simbahan. Kapwa silang inatasan ni Kristo upang maging mga pastol ng Simbahan: si Pedrong kumakatawan sa mga sumusunod na Santo Papang namumuno sa buong Simbahan, at si Pablong kumakatawan sa mga Obispong nakaatasang mamastol sa iba’t ibang teritoryong pang-Simbahan. At mula sa Santo Papa at mga Obispo naman ay humihirang sa mga Pari at Diyakono upang maglingkod at mamuno sa mga Kristiyanong komunidad. Makikita natin ang kahalagahan ng “Apostolic Sucession” na nagpapatunay sa isa sa apat na marka ng Simbahang itinatag ni Kristo: ang ‘Apostolika’. Narinig natin sa mga Pagbasa ang naging buhay nina San Pedro at San Pablo para sa Simbahan, Lalung-lalo na sa Ebanghelyo, nang dahil sa matatag na pananampalataya ni San Pedro na si Hesus ay ang Kristo at Anak ng Diyos, ipinangako niya na itatayo niya ang Simbahan sa pundasyon ng bato. Ang batong ito ay nagbibigay-kahulugan sa pangalan ni Pedro bilang “Petrus” sa Griyego o “Cephas” sa Aramaiko. Itong batong ito ay sumasagisag din sa pananampalataya ng bawat taong nanalig sa iisang Diyos na Tatlong Persona. Kaya ganito katatag ang ating Simbahan, dala na rin ang pangako ni Kristo na hindi kailanman mawawasak ang anumang masamang puwersa. Kaya sa Dakilang Kapistahang ito, itinuturo sa atin na mahalin natin ang Simbahang ating ikinabibilang. Sa tulong nina San Pedro at San Pablo, nawa’y mas makilala natin si Kristo sa bawat miyembro ng kanyang Katawan, ang Sambayanan ng Diyos.
Salamat sadiyos