Sabado, Hunyo 27, 2020

June 27, 2020

Sabado ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21

Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

Mateo 8, 5-17

Saturday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Year II)

UNANG PAGBASA
Mga Panaghoy 2, 2. 10-14. 18-19

Pagbasa mula sa aklat ng mga Panaghoy

Walang awang winasak ng Panginoon ang lahat ng nayon ni Jacob;
sinira niya ang matitibay na kuta ng lupain;
ang kaharian at mga pinuno nito’y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan.
Tahimik na nakalupasay sa lupa nang matatanda sa Jerusalem;
naglagay sila ng abo sa ulo at nagdamit ng sako.
Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod na ang mukha’y halos sayad sa lupa.

Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak.
Bagbag na bagbag ang aking kalooban,
Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapamahakang sinapit ng aking bayan,
nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol.

Nag-iiyakan silat at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.
Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan.
Unti-unting nangangapos ang kanilang hininga sa kandungan ng kanilang mga ina.
Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem,
Jerusalem, lungsod na pinakamamahal ko?
Saan kita maitutulad upang ika’y aking maaliw?
Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan;
sino ang maaaring magpanauli sa iyo?

Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan.
Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan.
Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan.

Dumaing ka nang malakas sa Panginoon, Jerusalem.
Araw-gabi, bayaan mong umagos ang iyong luha, gaya ng ilog,
huwag kang titigil nang kaiiyak.

Bumangon ka’t humiyaw nang ulit-ulit sa magdamag,
sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay.
Kung baga sa tubig, ibuhos mo
sa harapan ng Panginoon ang laman ng iyong puso!
Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak,
nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 73, 1 – 2. 3-5a. 5b-7. 20-21

Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

Bakit kami, Panginoo’y itinakwil habang buhay,
mainit ang hininga mo sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no’ng una,
yaong lahing tinubos mo’t itinakda na magmana;
bundok ng Siong tinir’han mo’y gunitain mo na sana.

Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

Lapitan mo yaong labi na winasak ng kaaway,
ang labi ng santwaryo mong sinira ang bawat bagay.
Ang loob ng iyong templo’y hindi nila iginalang,
sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyusan.
Ang lahat na nasa loob na sangkap na mga kahoy,
magmula sa pintuan mo’y sinibak at pinalakol.

Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
dinurog at pinalakol niyaong mga malulupit.
Yaong banal na santwaryo ay kanilang sinigaan,
nilapastangan nila’t winasak ang templong banal.

Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
ang masama’y naglipana sa pook na madidilim,
laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
Huwag mo sanang itutulot na ang api’y mapahiya,
bayaan mong ang ngalan mo’y purihin ng dukha’t aba.

Iyong laging gunitain mga lingkod mong butihin.

ALELUYA
Mateo 8, 17

Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-17

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, pagpasok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bagay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako man ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman sa labas; doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.

Pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan ni Hesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sa kanya.

Nang gabing iyon, dinala kay Hesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez June 27, 2020 at 12:50 am

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay mula sa Aklat ng mga Panaghoy. Pinaniniwalaang si Propeta Jeremias ang nagsulat ng aklat na ito. Isa siya sa mga propetang tumuligsa sa pagkakasala ng mga prinsipe, hari, at iba pang makasalanan ng Juda. Dahil dito, bumagsak ang buong kaharian, at ang mga tao ng Jerusalem ay naging bihag ng mga taga-Babilonia. Kaya narinig natin sa pagbasa ang mga panaghoy ng manunulat ukol sa masamang nangyari sa Juda/Jerusalem at sa sambayanan ng Diyos. Subalit kinikilala rin niya ang Panginoon bilang nakikiisa sa pagdurusa ng bayan. Ang Panginoon ay ang Diyos na nagdadalamhati sa pagbagsak ng kanyang banal na lungsod at sa pang-aapi sa kanyang bayan. Subalit ang malungkot na pangyayaring iyon ay magiging tagumpay nang ililigtas niya ang kanyang sambayanang tinipanan mula sa pagkaalipin sa Babilonia.

Ang Ebanghelyo ngayon ay kasunod ng Ebanghelyo kahapon. Matapos niyang pinalinis ang isang ketong, may isang kapitan ng mga kawal na lumapit kay Hesus upang ihiling na pagalingin ang kanyang lingkod. Nang maitanggap ni Hesus ang kanyang hiling, pinigilan niya ito sapagkat ipinahayag niyang hindi siya karapat-dapat na ipagpatuloy ang Panginoon sa kanyang tahanan, ngunit sa isang salita mula nito ay gagaling ang kanyang alipin. Ang kanyang pagpapakumbaba rin ang nagpapatunay na isa siyang taong nasa ilalim ng mas nakakataas kaysa sa kanya. Sapagkat ang isang kapitan ng mga sundalong Romano ay tagatupad lamang ng inuutos ng gobernador, na nagmumula naman sa Emperador. Subalit nakita ni Hesus sa kanya ang isang matinding pananalig, kahit sa buong Israel. Bagamat siya ay isang Hentil, parang nakilala ng kapitan ang Diyos Ama sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Hesukristo. Pagkatapos nito ay pinagaling naman ng Panginoon ang biyenan nina San Pedro at San Andres sa kanilang bahay, at nawala ang lagnat mula sa babae kaya siya’y bumangon at naglinkod kay Hesus. At marami pang ginawang kababalaghan si Hesus ukol sa pagpapagaling. Sa gawaing ito, isinasalaysay ni San Mateo ang pagtupad ng isang propesiya ni Isaias ukol sa Mesiyas: na si Kristo ang nag-alis ng mga kasalanan at binata ang mga karamdaman. At alam natin sa hantungan ng kanyang buhay sa Krus, inako niya ang ating kahinaan at mga pagkakasala upang ang maipagkaloob niya sa atin ay kaligtasan. Kaya ang tugon natin ay lubos na pananampalataya sa kanya na may kasamang pagsisikap at paggawa ng katuwiran at kabutihan. Sa ating pagtanggap sa Panginoon ng ating buhay, nawa ang dasal ng Romanong kapitan ay maging dasal rin natin, lalung-lalo tuwing maitatanggap natin si Kristo sa Banal na Pakikinabang: “Panginoon, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.”

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: