Podcast: Download (Duration: 5:55 — 3.2MB)
Martes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11
Lungsod ng D’yos ay matatag dahil sa bigay n’yang lakas.
Mateo 7, 6. 12-14
Tuesday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Year II)
UNANG PAGBASA
2 Hari 19, 9b-11. 14-21. 31-35a. 36
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, nagsugo si Haring Senaquerib ng Asiria kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na ang Jerusalem ay maliligtas ng pananalig mo sa iyong Diyos. Hindi lingid sa iyo kung paano nilupig ng mga hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makaliligtas sa akin.”
Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo, inilatag sa kanyang harapan ang sulat, at nanalangin ng ganito: “Panginoon, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa itaas ng kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at ng lupa. Dinggin ninyo ako, Panginoon. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib. Totoo nga, Panginoon, na marami nang nalupig na bansa ang mga hari ng Asiria. Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang yaon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong ginawang diyus-diyusan. Kaya nga, Panginoon, iligtas ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang tangi at iisang Diyos.”
Sa Isaias ay nagpasugo kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinasasabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo. Ito naman ang kanyang sinabi tungkol kay Senaquerib:
“Itinatakwil ka, laging hinahamak
ng anak ng Sion, dalagang marilag.
Sa iyong likuran ay iiling-iling
anak na babae nitong Jerusalem.
May natirang magmumula sa Jerusalem, gayun din sa Sion. Ito’y mangyayari dahil sa pagmamalasakit ng Panginoon.”
Ito naman ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makapapasok sa lungsod na ito ni makatutudla kahit isang palaso. Hindi niya ito lulusubin ni papaligiran. Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lungsod na ito, pagkat ito’y ipagtatanggol ko alang-alang sa aking kapakanan at alang-alang kay David na aking lingkod.”
Nang gabing yaon, pinasok ng anghel ng Panginoon ang kampo ng mga taga-Asiria at napatay niya ang sandaa’t dalawampu’t limang libong kawal. Kaya nagmamadaling umuwi sa Ninive si Haring Senaquerib.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 10-11
Lungsod ng D’yos ay matatag dahil sa bigay n’yang lakas.
Dakila ang Poon, dapat papurihan,
sa lungsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos
ay dakong mataas na nakalulugod.
Lungsod ng D’yos ay matatag dahil sa bigay n’yang lakas.
Bundok sa hilaga na galak ang dulot,
sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
Lungsod ng D’yos ay matatag dahil sa bigay n’yang lakas.
Sa banal na lungsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
Ang Panginoong D’yos, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lungsod na banal,
iingatan niya magpakailanman.
Lungsod ng D’yos ay matatag dahil sa bigay n’yang lakas.
Sa loob ng iyong templo, O Diyos,
aming nagunita pag-ibig mong lubos.
Ika’y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila’y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
Lungsod ng D’yos ay matatag dahil sa bigay n’yang lakas.
ALELUYA
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 6. 12-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong ibigay sa aso ang bagay na banal, sapagkat kayo’y babalingan at lalapain nila pagkatapos. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.
“Kaya gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang kahulugan ng Kautusan ni Moises at ng turo ng mga propeta.
“Pumasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwag ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Hunyo 22, 2020
Sabado, Hunyo 27, 2020 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Ang Ebanghelyo ngayon ay patuloy na pangangaral ni Hesus tungkol sa pagkakamit ng biyaya ng kaligtasan. Una ay ang relasyon natin sa mga taong katunggali sa paniniwala. Sinabi ni Hesus na huwag nating ibigay sa aso ang mga banal na bagay, at pati na rin sa mga baboy ang mga perlas. Nais ipahiwatig dito ni Hesus na ang pamumuhay nating mga mananampalataya ay kinakailangang maging maingat at matatag. Hindi natin kinakailangang pilitin sa ibang tao na maniwala sa ating sinasampalatayanan kahit alam natin na ito ang pananiniwalang bigay sa atin ng Poong Maykapal. Kaya ang mas mainam na gawin ay ang pagpapanatili ng mabuting reputasyon sa pagkakaroon ng mas mabuting relasyon sa mga taong nakatunggali natin. Ikalawa ay ang Ginintuang Aral. Ito ay pinagmulan noong panahon ng dalubhasang si Confucius nang turuan niya ang kanyang mga alagad: “Huwag ninyong gawin sa kapwa ang ayaw ninyong gawin nila sa inyo.” Sinasaad dito na huwag nating gawin ang mga bagay na ikasasama ng ibang tao, upang hindi iyan ang bumalik sa atin. Kaya ang ginawa ni Hesus ay inilahad niya ang positibong paraan: “Gawin ninyo sa kapwa ang nais nilang gawin sa inyo.” Iginiit din niya na ito ang saksi ng Kautusan at ng mga propeta sapagkat hindi pa ito nabatid ng mga Hudyo sa marami na silang batas, 613 ang bilang. Kung hindi nakakabuti ang paggawa ng masama, mas maganda na tayo ay gumawa ng mabuti sa ating kapwa. At ang Ikatlo ay ang pagpasok sa makipot na pintuan. Tila nga ba’y mahirap itong gawin, at parang mahirap unawain na ang malawak na daan ay nagdudulot ng kapahamakan. Siguro sa bawat buhay natin ay humahanap tayo ng paraan upang maibsan ang mga problema at pagsubok. Subalit tayo ay pinaaalahanan ni Hesus na ang daan tungo sa kaligtasan ay pagpasok sa makipot na pintong iyon. Ito’y nangangahulugang hindi dapat natin tinatakasan ang naturalidad ng buhay. Sinasabi nga sa 4 na maharlikang katotohanan ng Budismo na mayroong pagdurusang laganap sa buhay. Kaya sa ating pananampalatayang Kristiyano, ang tanging paraan ng pagpasok sa pinto ay kinakailangan ng pagtiis at pagiging matiyaga ng pananampalataya sa kabila ng napakaraming paghihirap sa buhay. At habang tayo’y nagtitiis ay nawa tayo ay magsikap na patuloy na gawin ang ikakabuti sa kalooban ng ating Diyos Ama at sa ating pakikipagrelasyon sa kapwa.
pinupuri k namin panginoong jesukristo,thank u lord for all the blessings
Salamat sa diyos. Amen.