Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria
2 Cronica 24, 17-25
Salmo 88, 4-5. 29-30. 31-32. 33-34
Sa kanya mananatili ang aking pag-ibig lagi.
Lucas 2, 41-52
Memorial of the Immaculate Heart of the Blessed Virgin Mary
UNANG PAGBASA
2 Cronica 24, 17-25
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Cronica
Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at nagharap ng mga kahilingan. Pinagbigyan naman niya ang mga ito kaya’t itinakwil nila ang bahay ng Panginoon at ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Nagbalik sila sa paglilingkod sa mga Asheras at pagsamba sa mga diyus-diyusan. Bunga nito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang taga-Juda at ang taga-Jerusalem. Ngunit nagsugo ang Panginoon ng mga propeta upang ang mga tao’y magbalik-loob sa kanya. Gayunma’y hindi sila nakinig. Dahil dito, ang Espiritu ng Diyos ay bumaba kay Zacarias na anak ng Saserdote Joiada. Tumayo siya sa gitna ng mga tao. Sinabi niya, “Ito ang sabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilabag ang mga utos ng Panginoon? Gusto ba ninyong mapahamak? Sapagkat itinakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo!’ “Ngunit nagkaisa ang mga tao. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa looban ng bahay ng Panginoon. Hindi man lamang naalaala ng Haring Joas ang tapat na paglilingkod sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Parusahan nawa kayo ng Panginoon sa ginawa ninyong ito.”
Nang matapos na ang taon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng mga Siro. Pinasok nila ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng hukbo. Lahat ng sinamsam nila’y ipinadala sa hari sa Damasco. Maliit man ang hukbo ng mga Siro ay matagumpay rin laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sila ang nagparusa kay Joas dahil sa pagtataksil nito.
Iniwan ng mga Siro si Joas na may sugat na malubha. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ni Zacarias. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Inilibing nila ito sa Lungsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 4-5. 29-30. 31-32. 33-34
Tugon: Sa kanya mananatili ang aking pag-ibig lagi.
Sabi mo, O Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Tugon: Sa kanya mananatili ang aking pag-ibig lagi.
Ang aking pangako sa kanya’y iiral
At mananatili sa kanya ang tipan.
Laging maghahariang isa n’yang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
Tugon: Sa kanya mananatili ang aking pag-ibig lagi.
“Kung ang mga anak niya ay susuway,
at ang aking utos ay di igagalang,
kung ang aking aral ay di pakikinggan
at ang Kautusa’y hindi iingatan,
Tugon: Sa kanya mananatili ang aking pag-ibig lagi.
Kung gayun, daranas sila ng parusa
sa ginawa nilang mga kasamaan,
sila’y hahampasin sa ginawang sala.
Ngunit ang tipan ko’t pag-ibig kay David,
ay di magbabago’t hindi mapapatid.”
Tugon: Sa kanya mananatili ang aking pag-ibig lagi.
ALELUYA
Lucas 2, 19
Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang matapat
sa pagsunod sa pahayag
ng D’yos na Tagapagligtas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 2, 41-52
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta sa Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Hunyo 18, 2020
Lunes, Hunyo 22, 2020 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Matapos nating ipagdiwang ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Ang Puso ni Maria ay kalinis-linisan sapagkat alam natin na itinakda siya ng Diyos na ipaglihi ng walang kasalanan upang isilang sa kanyang sinapupunan ang kanyang Anak na Anak ng Diyos at ating Tagapagligtas. At si Maria ay nanatiling malinis sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya ang kanyang puso ay malinis at dalisay kahit naransan ng ating Mahal na Ina ang ilang mga pagdurusa. Ipinahayag ni Simeon ang pagtusok ng isang espada sa Puso ni Maria, upang ang mga kaisipan ng marami ay maibubunyag ng Diyos. At narinig natin sa Ebanghelyo ang pagkawala ni Hesus at pagkatagpo nina Birhen Maria at San Jose sa kanya sa templo makalipas ang 3 araw. Sinasabi dito na nang umuwi ang Banal na Mag-anak sa Nazaret, iningatan ni Maria ang lahat ng bagay na ito at pinagnilayan ang mga ito. Makikita natin na ito yung naging katauhan ng ating Mahal na Ina sa kanyang pag-iingat sa lahat ng nangyari sa kanya at sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Kahit si Kristo ay nakabayubay sa Krus, naging matapat at masunurin si Maria sa dakilang kalooban ng Diyos, na ang hantungan ng Kamatayan ni Hesus sa Krus ay kaligtasan at bagong buhay. Ipinakita rin ng Kalinis-linisang Puso ni Maria ang pagmamahal ng isang Ina sa kanyang Anak. Kaya habang nagbubuntong-hininga ang Panginoon sa Krus, itinagubilin niya sa atin si Birheng Maria bilang Inang natin lahat. At sa ating pagdiriwang ng Paggunita na ito, inaalala natin ang ating Mahal na Ina bilang Ina ng pag-ibig. At tinuturuan niya tayo na mahalin ang mga bagay na maka-Diyos at sumailalim sa dakilang kalooban ng buong pananampalataya, pagkamasunurin, at kababaang-loob.
O Kalinis-linisang Puso ni Maria, ipanalangin mo kami! ?
Please have an update on frday’s reading June 26,2920