Biyernes, Mayo 29, 2020

May 29, 2020

in Tagalog Mass Readings

Play

Biyernes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 25, 13b-21
Salmo 102, 1-2. 11-12. 19-20ab

Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.

Juan 21, 15-19

Friday of the Seventh Week of Easter (Year II)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 25, 13b-21

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Berenice upang bumati kay Festo. Nang matagal-tagal na sila roon, inilahad ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo,” wika niya. “Nang ako’y nasa Jerusalem, isinakdal siya sa akin ng mga punong saserdote at ng matatanda ng mga Judio at hininging parusahan siya. Sinagot ko sila na hindi ugali ng mga Romano ang magparusa sa sinumang nasasakdal nang hindi muna nagkakaharap ang magkabilang panig, at nagkakaroon ng pagkakataong makapagtanggol sa sarili ang nasasakdal. Kaya’t nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko sa hukuman ang taong iyon. Nang magkaharap-harap sila, siya nama’y hindi nila ipinagsakdal sa anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipararatang nila. Ang pinagtatalunan lang nila ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang taong ang pangala’y Hesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya’y buhay. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito kaya’t tinanong ko siya kung ibig niyang sa Jerusalem siya litisin. Ngunit tumutol si Pablo at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasiya sa kanyang usapin. Kaya’t pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 11-12. 19-20ab

Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.

Panginoo’y papurihan purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.

Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.

Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayun ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayun ang pagtingin sa sinumang nagkasala.

Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.

Ang Poon nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan;
Mula doon, sa nilikha’y maghaharing walang hanggan.
O purihin ninyo siya, kayong mga anghel ng Diyos,
kayong mga nakikinig at sa kanya’y sumusunod!

Panginoo’y may luklukang matatag sa kalangitan.

ALELUYA
Juan 14, 26

Aleluya! Aleluya!
Espiritu’y magtuturo
ng aral at pagkukuro
ni Hesus na ating Guro.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 21, 15-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang muling napakita si Hesus sa mga alagad niya at nang makakain sila, tinanong ni Hesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, nalalaman niyong iniibig ko kayo.” Ani Hesus, “Pangalagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Hesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot si Pedro, sapagkat makaitlo siya tinanong: “Iniibig mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, nalalaman po ninyo ang lahat ng bagay; nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa. Tandaan mo: noong kabataan mo pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” Sinabi niya ito upang ipakilala kung paano mamamatay si Pedro at sa gayo’y mapararangalan niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 8 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 25, 2020 at 2:27 pm

Pagninilay: Malapit na tayong matapos sa ating pagninilay sa Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Noong nakaraang Linggo, ipinagdiriwang natin ang kanyang Pag-akyat sa Langit. At ngayong darating na Linggo, ipagdiriwang natin ang Pentekostes, ang araw na bumaba ang Espiritu Santo sa mga Apostol. Kaya maririnig natin sa Ebanghelyo kung paanong ipinaghahanda ni Hesus ang kanyang mga alagad para sa magiging misyon ng Simbahan. Ang tagpuan ay sa dalampasigan ng Lawa ng Tiberias matapos siyang magpakita sa kanila habang sila’y nangingisda sa Lawa. Nagkaroon ng malaking huli ng isda ang 7 alagad na nasa bangka, nakilala nila ang Panginoon, at sila’y nag-almusal. Matapos nito, tinanong ni Hesus si Simon Pedro nang 3 beses kung mahal siya nito. Kaya 3 beses sinabi ni San Pedro na lubos niyang minamahal ang Panginoon. Ito yung kabayaran at pangbawi ng Apostol noong 3 beses niyang ipinagkaila si Hesus nang ito’y idadala kay Poncio Pilato upang hatulan ng kamatayan. Bagamat naiyak si Pedro dahil naalala niya ang kanyang ginawang pagtatatwa sa kanyang Panginoon, nabatid niya na alam nito ang lahat tungkol sa kanya at sa katotohanang mahal niya ito. At pinatibay ni Hesus ang tungkulin ni San Pedro na alagaan ang mga tupa. Ito yung magiging misyon ni San Pedro bilang kauna-unahang Santo Papa ng ating mahal na Simbahang Katolika. At hinula rin ni Kristo na sa huli ng pamumuno ng Apostol sa Simbahan, siya’y ipagpapatay sa isang lugar na sinabi ng Panginoon na “hindi niya magugustuhan”. Kaya nga n’ung una, nang si Pedro ay hatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, nagtago sa labas. Biglang nagpakita ang Panginoong Hesus sa kanya, at tinanong niya nito, “Quo vadis, Domine?” “Saan kayo pupunta, Panginoon?” Sagot ni Hesus, “Ako’y papunta sa Roma upang sa pangalawang pagkakataon, ako’y ipapako sa krus.” Kaya bumalik si Pedro at hiniling na siya’y ipako sa krus ng patiwarik dahil sa kababang-loob ng kanyang kahinaan, ngunit pinalakas ng Panginoong Hesus na natupad na niya ang kanyang misyon. Makikita natin ang lubos na pagkikilala ni San Pedro kay Hesus. Marami nang beses ipinatotoo ni Pedro na si Hesus ay ang Kristo at Salitang nagbibigay-buhay. At nakita natin na kahit nagkasala siya, pinatawad pa rin siya ng Panginoon dahil may malaking misyong siyang ginampanan para sa pag-uunlad ng Simbahan. Sa totoo, ganyan ang naging buhay ng mga Apostol, na kahit pinabayaan nila ang kanilang Panginoon nang ginapit nito ang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, nagpakita si Hesus sa kanilang nang maraming beses, at ang mensahe ng kanyang Muling Pagkabuhay ay bagong pag-asa at bagong buhay. Kaya ang Muling Pagkabuhay ay nagsilbing ugat ng pagpaparangal ng mga Apostol, at ito rin ang pinakaugat ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong Katoliko. Sa kabila ng ating mga kahinaan sa buhay, nawa’y palagi nating alalahanin na mahal tayo ng Diyos, at patuloy tayo sa pagtutupad ng ating misyon dito sa lupa upang mas makilala ang Paghahari ng Diyos sa bawat isa.

Reply

Tander May 29, 2020 at 7:02 am

Correction
Unang Pagbasa: Mga Gawa 25, 13b-21

Reply

Jeric May 29, 2020 at 8:52 am

Maraming salamat po. Naitama na po ang citation para sa Unang Pagbasa.

Reply

Francisco Azupardo May 29, 2020 at 8:14 am

Salamat sa Diyos! Amen! Aleluya!

Reply

Edwin May 29, 2020 at 9:19 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Dong May 29, 2020 at 10:00 pm

Pinupuri ja namin panginoong hesukristo nazareno

Reply

Jerry May 29, 2020 at 10:34 pm

Salamat sa Diyos.Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.Amen.

Reply

Mark Jefferson Criste August 15, 2020 at 8:50 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: