Sabado, Mayo 23, 2020

May 23, 2020

in Tagalog Mass Readings

Play

Sabado sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 18, 23-28
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10

Hari ng sangkalupaan, D’yos na Makapangyarihan.

Juan 16, 23b-28

Saturday of the Sixth Week of Easter

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 23-28

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Matapos tumigil sa Antioquia nang kaunting panahon, si Pablo’y muling naglakbay. Ginaygay niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad.

Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos na ipinangangak sa Alejandria. Mahusay siyang magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Hesus, ngunit ang binyag na nalalaman niya ay ang binyag ni Juan. Siya’y walang takot na nagsalita sa sinagoga ng mga Judio. Narinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, kaya’t isinama nila ito sa bahay nila at doo’y ipinaliwanag na mabuti ang mga bagay na hindi pa niya alam tungkol sa Daan ng Diyos. At nang ipasiya niyang tumawid sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob. Sumulat sila sa mga kapatid doon na malugod nilang tanggapin si Apolos. Pagdating doon, malaki ang naitulong niya sa mga nanampalataya sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos. Sapagkat walang magawa sa kanya ang mga Judio sa hayagang pagtatalo, at mula sa mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Hesus ang Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 46, 2-3. 8-9. 10

Tugon: Hari ng sangkalupaan, D’yos na Makapangyarihan.

Magdiwang ang lahat ng mga nilikha,
pumalakpak kayong may awit at tuwa,
bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na Poon, Kataas-taasan,
ay dakilang haring dapat katakutan,
siya’y naghahari sa sangkatauhan.

Tugon: Hari ng sangkalupaan, D’yos na Makapangyarihan.

Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa,
awita’t purihin ang mga nilikha!
Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.

Tugon: Hari ng sangkalupaan, D’yos na Makapangyarihan.

Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang madlang mga pamunuan
ng lahat ng bansa sa sandaigdigan;
ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na hari ng tanan.

Tugon: Hari ng sangkalupaan, D’yos na Makapangyarihan.

ALELUYA
Juan 16, 28

Aleluya! Aleluya!
Mula sa Ama si Kristo
at naparito sa mundo
nang sa langit dalhin tayo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 16, 23b-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa pangalan ko; humingi kayo, at kayo’y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.

“Ang mga ito’y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang gayun; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na yao’y hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan; at hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo, sapagkat iniibig nga kayo ng Ama. Iniibig niya kayo sapagkat ako’y iniibig ninyo at naniwala kayong nagmula ako sa Diyos. Ako’y mula sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo’y aalis ako sa sanlibutan at babalik sa Ama.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 20, 2020 at 11:49 pm

Pagninilay: Tayo ay nalalapit na sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon sa Langit. Ito ang tanda na si Hesus ay aakyat na sa langit patungo sa kanyang pinanggalingan, na makasama ang kanyang Ama nating Diyos. Nang siya’y naging tunay na Tao, nagpakumbaba siya sa dakilang kalooban at naging masunurin hanggang sa pagsapit ng kamatayan sa Krus. Ngunit sa kanyang Muling Pagkabuhay, siya’y nabuhay bilang Diyos ng tagumpay. Kaya matapos ang 40 araw sa pagpapakita sa hindi kumukulang na 500 saksi, nakatakda na ang katapusan ng kanyang misyon dito sa daigdig. At sa kanyang pagbalik sa Ama, siya’y naghahanda rin ng isang tahanan upang tayo’y manahan kapag nakamit na natin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Kaya nga sa misteryo ng Simbahan, ang Pag-akyat ni Hesus sa Langit ay tanda kung saan ang Ulo ay naunang umakyat sa kalangitan, tayong napapabilang sa Simbahang sumasagisag sa Mistikong Katawan ni Kristo ay inaanyayahang tumahak sa kanyang landas ng kaluwalhatian. Kaya ang ating Ebanghelyo ay isang patunay na si Hesus ay ang ating Tagapamagitan patungo sa Diyos Ama. Kaya kung anuman ang hinihiling natin sa kanya, kung tayo man ay mayroong kababang-loob, taospusong pasasalamat, at kabutihan ng pag-uugali, maraming biyaya ang ipagkakaloob sa atin ng Diyos. At ang nais ipagkaloob sa atin ni Hesus ay pagmamahal, dahil siya’y kinalulugdan ng Diyos, at minahal ng Ama ang mundo kaya’t isinugo ang Anak. Kaya kung tayo’y minamahal ng Diyos, ang ating tugon ay mahalin siya at magmahalan. Ito ay ang ating layunin sa buhay na ito habang nanabik tayo sa kaganapan ng Paghahari ng Diyos, at makakamtan natin sa araw na yaon ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Nawa’y palagi po tayong pagpalain ng Panginoon sa kabila ng ating mga pinagdadaanan sa buhay.

Reply

Liberty C.Baligod May 23, 2020 at 6:40 am

Salamat sa Diyos!

Pinupuri ka namin, Panginoong HesuKristo!

Reply

Dong May 23, 2020 at 9:47 pm

Pinupuri kamin panginoong hesukristo nazareno

Reply

Francisco Del Rosario Azupardo May 24, 2020 at 6:20 pm

Salamat sa Diyos! Amen! Aleluya!

Reply

Mark Jefferson Criste August 15, 2020 at 8:52 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: