Mga Pagbasa – Linggo, Abril 19, 2020

April 19, 2020

in Tagalog Mass Readings

Play

Ikalawang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A)

Mga Gawa 2, 42-47
Salmo 117, 2-4. 13-15. 22-24

Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.

1 Pedro 1, 3-9
Juan 20, 19-31

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 42-47

Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol

Ang mga kapatid ay nanatili sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.

Dahil sa maraming himalang nagawa sa pamamagitan ng mga apostol, naghari sa lahat ang magkahalong pitagan at takot. At nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ng kanilang ari-arian. Ipinagbibili nila ito at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi sa lahat ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Araw-araw, sila’y nagkakatipon sa templo, naghahati-hati ng tinapay sa kanilang tahanan, at nagsasalu-salong masaya ang kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng tao. Bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 117, 2-4. 13-15. 22-24

Tugon: Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.

Ang taga-Israel,
bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos, ay hindi kukupas.”
Mga saserdote
ng Diyos na Panginoon, bayaang magsaysay:
“Ang pag-ibig ng Diyos, walang katapusan.”
Lahat ng may takot
sa Panginoong Diyos, dapat magpahayag,
“Ang pag-ibig niya’y hindi magwawakas.”

Tugon: Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.

Sinalakay ako’t
halos magtagumpay ang mga kaaway,
dahilan sa Poon sila’y napipilan.
Dahilan sa Poon
ako’y pinalakas, at ako’y tumatag;
Siya, sa buhay ko, ang Tagapagligtas.
Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Panginoo’y siyang lakas na patnubay.”

Tugon: Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.

Ang batong natakwil
ng nangagtatayo ng tirahang-bahay,
sa lahat ng bato’y higit na mahusay.
Ang lahat ng ito
ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos,
kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod!

Tugon: Butihing Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw.

IKALAWANG PAGBASA
1 Pedro 1, 3-9

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo’y isinilang sa isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Hesukristo. Ang bagong buhay na iyan ang nagbigay sa atin ng malaking pag-asa na kakamtan natin ang isang kayamanang walang kapintasan, di masisira, at di kukupas. Ang kayamanang iya’y nakalaan sa inyo doon sa langit. Sapagkat kayo’y sumampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos samantalang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakalaang ihayag sa katapusan ng mga panahon.

Ito’y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayun din naman, ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat. Sa gayon, kayo’y papurihan, dadakilain, at pararangalan sa Araw na mahayag si Hesukristo. Hindi ninyo siya nakita kailanman, ngunit nananalig na kayo sa kanya. Dahil dito’y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita. Sapagkat inaani na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya — ang inyong kaligtasan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 20, 29

Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
ang sumasampalataya
sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 19-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ngunit si Tomas na tinaguriang Kambal, isa sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Hesus. Kaya’t sinabi sa kanya ng ibang alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga’t di ko nakikita ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at naisusuot dito ang aking daliri, at hangga’t hindi ko naipapasok ang aking kamay sa kanyang tagiliran.”

Makalipas ang walong araw, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad; kasama nila si Tomas. Nakapinid ang mga pinto, ngunit pumasok si Hesus at tumayo sa gitna nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” Saka sinabi kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay at ilapit dito ang iyong daliri. Ipasok mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.”

Marami pang kababalaghang ginawa si Hesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala rito’y sinulat upang sumampalataya kayong si Hesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos, at sa gayo’y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 5 comments }

Reynald Perez April 10, 2020 at 10:52 am

Kadalasang maririnig natin ang salawikaing ito: “Ang pagkikita ay pagsasampalataya!” Ngunit hindi laging ganun ang sitwasyon. Tuwing mga taong A, B at K ng linggong ito, pareho lang ang Salmong Tugunan (Salmo 117) at ang Banal na Ebanghelyo (Juan 20:19-31) dahil ipinapakita ng mga pagbasang ito ang pag-ibig at awa ng Diyos na parang isang karagatan, kaya nga tuwing linggong ito ay ipinagdiriwang ang Linggo ng Banal na Awa ng Diyos. Pagkatapos ang kamatayan ng ating Panginoong Hesukristo, umalis si Apostol sa Santo Tomas dahil inahahanap niya ang kanyang kapatid na isang tagasunod sa Panginoon. Ang salitang ‘Tomas’ ay galing mula sa salitang Hebro na ‘Didymio,’ na may ibig sabihin “ang Kambal”. Hinahanap-hanap ng mga kawal ang mga alagad na malapit kay Hesus dahil ipinautos nito ng mga pinunong Hudyo kay Gobernador Poncio Pilato. Pero noong gabi ng ika-5 na Abril, 33 A.D., nakapinid ang mga pintuan ng kinaroroonan nila dahil natatakot ang mga sampung alagad, lalo na si San Pedro na nagkaila sa Panginoon ng tatlong beses. At isang saglit, nagpakita ang Panginoong Hesukristo sa kanila na wala diyan si Santo Tomas. Pagkatapos dumating siya at ibinalita sa kanya ng mga minahamal na kapatid na apostol na nabuhay nga ang kanilang Guro, ngunit tinanggi niya ito at maniniwala siya kung makikita niya ang mga sugat ng Panginoon. At nangyari nga nang makalipas ng isang linggo, noong ika-12 na Abril, 33 A.D., nakapinid ang mga pintuan pa rin kung saan natitipon ang mga alagad na kasama na nila si Tomas. At ganun nga, nagpakita si Hesus at tinanggal niya ang pagdududa ni ng Apostol tungkol sa Muling Pagkabuhay sa pananampalataya. Buong pananampalataya sinabi ni Tomas: “Diyos ko at Panginoon ko” (Juan 20:28)! Kaya ipinakita ni Hesus ang bagong salawikain: “Ang pagsasampalataya ay pagkikita!” Pinalad niya ang mga taong hindi nakikita sa kanya pero naniniwala. Ang ating Ebanghelyo ay nagpapakita sa Mabathalang Awa ng Diyos na parang isang karagatan. Alam natin na ang karagatan ay ang pinakamalaki at pinakamalawak na anyo ng tubig. Ganyan din ang awa ng Diyos dahil tulad ng isang karagatan na hindi natin alam kung saan natatapos, hindi kukupas ang kanyang pag-ibig at awa, kaya tunay nga nakasabi sa tugon ng Salmong Tugunan ngayon: “Butihi’y Poo’y purihin, pag-ibig n’ya’y walang maliw” (Salmo 117:1). At sabi nga ng karamihan: “Kung gaanong kalalim ang naranasang awa ng Diyos, ganoon din kalalim ang pag-ibig ng Diyos na nararanasan. At dahil sa awa at pag-ibig na ito ng Diyos, sumisibol ang pananampalataya na handang magtaya, kahit ng buhay at kamatayan para sa Diyos at kapwa.” Sa ating paglakbay sa daan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, nawa’y maranasan natin ang awa ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus at ibahagi at iparamdam ang mensahe ng awa sa ating mga kapwa.

FRANCISCO AZUPARDO April 18, 2020 at 8:18 am

Salamat sa Diyos! Amen! Aleluya!

Liberty C.Baligod April 18, 2020 at 9:39 pm

Pinupuri ka namin, Panginoong HesuKristo!

Barbara Silvia L. Manalo April 19, 2020 at 5:56 am

Panginoon Dyos sumasampalaya kami sa iyo ,Ikaw ang mapangyarihan sa lahat,Pinupuri at pinasasalamatan ka namin. Amen.

Celine loveko April 21, 2020 at 8:50 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA! ALLELUIA! ALLELUIA!



Previous post:

Next post: