Mga Pagbasa – Huwebes, Marso 12, 2020

March 12, 2020

PANALANGIN NG BAYAN

Habang inaalaala natin ang mga pangangailangan ng mga dukha, lumapit tayo sa ating Diyos na nagbahagi sa lahat ng kanyang kayamanan sa pagsusugo ng kanyang Anak sa mundo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha, pagpalain mo kami.

Ang Simbahan nawa’y ipadama ang habag ni Kristo sa mga dukha na nagpupunyagi para sa isang higit na makatarungang lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga natutuksong maging alipin ng kayamanan at kapanatagang dulot ng mga materyal na bagay nawa’y makaunawa na nagmumula ang espiritwal na kahirapan sa pagtangging magbahagi sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayong lahat nawa’y tumanggap ng biyayang magpakita ng awa at habag, pag-unawa at pagiging bukas-palad sa mga nangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y palakasin ng init ng mapagmahal na presensya ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapa nawa’y makabahagi sa kaligayahan at kapayapaan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, sa iyong pag-ibig at habag, puspusin mo kami ng iyong nag-uumapaw na kabutihang-loob at tulungan kaming dumamay sa mga kapuspalad. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.
Amen.

Pages: 1 2

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 10, 2020 at 4:45 am

Pagninilay: Ang Panahon ng Kuwaresma bilang 40 araw ng paghahanda para sa Semana Santa at Pasko ng Muling Pagkabuhay ay panawagan sa atin patungo sa katapatan. At ang pagiging matapat ay makikita natin sa paggawa ng kabutihan sa kapwa. Subalit ang 2 Pagbasa ay tila’y nagpapakita ng kasalungat ng pagpapahalaga ito mula sa kasaysayan ng Israel at ang kapanahunan ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Unang Pagbasa mula kay Propeta Jeremias ay isang babala ng Panginoong Diyos laban sa bayang Juda sa pagiging masuwayin sa kanyang utos. Hindi natutuwa ang Panginoon dahil ang kanyang bayan ay tumatalikod sa kanya. Subalit ipinapahayag din dito na ang mga matuwid at may matatag na pananampalataya ay magkakaroon ng masaganang buhay. Kaya tayo ay inaanyayahan na magbalik-loob sa kanya at gumawa ng tama at mabuti. Ang Ebanghelyo ay isang parabula ni Hesus tungkol sa Mayamang Lalaki at ang pulubing si Lazaro. Makikita dito ang dalawang katauhan ang isang mayaman (sa wikang Latin “Dives) at ang isang mahirap (sa wikang Latin “pauper). Si Lazaro ay kumakain lamang mula sa mga tirang mumog, at ang mga aso ay dumidila sa kanyang mga sugat. Samantala ang mayamang lalaki naman ay nakikipagsaya sa anumang kayamanang mayroon siya, ni hindi niya nabatid ang pulubi sa tabi ng kanyang pintuan. Kaya nang kapwa silang mamatay, ang mayaman ay naninginas sa apoy ni Gehena, samantala si Lazaro ay guminhawa sa kaluwalhatian ng langit. Kaya humiling ang lalaki kay Abraham na ipasugo si Lazaro sa kanyang bahay upang isawsaw ng daliri nito sa tubig upang hindi siya’y magduasa sa mga apoy. Subalit ipinaalala ni Abraham nung ito’y namumuhay, ang naranasan niya ay ginahawa dahil sa mga ari-arian, samantala si Lazaro na nagmamalimos ay halos kakaunti o walang ginahawa. Kaya gusto ng lalaki na bigyang babala ang kanyang mga kapatid upang hindi sila’y magdusa katulad niya. Subalit ipinaala ni Abraham na kung hindi sila makikinig kina Moises at ang mga propeta, hindi sila maniniwala na mayroong muling pagkabuhay. Makikita dito na kaya ang mayamang lalaki ay nagdusa sa impiyerno ay hindi dahil niyurakan niya si Lazaro, kundi malaki ang pagkukulang niya na bigyan ng pulubi ng bahagi ng kanyang ari-arian. Kaya ito yung tinatawag sa wikang Ingles na “sin of omission”. Kahit ang pagkukulang natin sa paggawa ng tama at mabuti ay isa ring kasalanan kung dapat manaig ang maganda ayon sa pamantayan ng ating Maykapal. Kaya ngayong Panahon ng Kuwaresma, nawa’y sikapin natin na pahalagahan ang mga tamang gawain at mabubuting tungkulin tungo sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga “Lazaro” na kinakailangan ng ating tulong.

Reply

Ma. Luisa L. Belardo March 12, 2020 at 6:05 am

Salamat sa Diyos

Reply

Jhenny March 12, 2020 at 11:29 pm

Salamat po Lord ?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: