Mga Pagbasa – Huwebes, Pebrero 20, 2020

February 20, 2020

in Tagalog Mass Readings

Play

Huwebes ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Santiago 2, 1-9
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7

Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Marcos 8, 27-33

UNANG PAGBASA
Santiago 2, 1-9

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago

Mga kapatid, bilang mga sumasampalataya sa ting Panginoong Hesukristo, ang dakilang Panginoon, huwag kayong magtatangi ng tao. Halimbawa: pumasok sa inyong kapulungan ang isang lalaking nakasingsing ng ginto at nakadamit nang magara, at isa namang dukha na panay sulsi ang damit. Kung asikasuhin ninyong mabuti yaong magara ang damit at sabihin sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sabihin naman sa dukha, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya’y “Sa sahig ka na lang maupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Tingnan ninyo, mga kapatid kong minamahal! Hinirang ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutan upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya. Ngunit hinahamak naman ninyo ang dukha! Hindi ba’t ang mayayaman ang sumisiil sa inyo? Hindi ba sila and kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba’t sila rin ang dumudusta sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?

Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang kautusang ibinigay ng Diyos, na nasasaad sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gawa ng iyong sarili.” Ngunit kung hindi pare-pareho and tingin ninyo sa tao, kayo’y nagkakasala, at ayon sa Kasulatan, dapat kayong parusahan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Tugon: Dukhang sa D’yos tumatawag ay kanyang inililigtas.

ALELUYA
Juan 6, 63k. 68k

Aleluya! Aleluya!
Espiritung bumubuhay
ang Salita mo, Maykapal,
buhay mo ang tinataglay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 8, 27-33

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus, kasama ang kanyang mga alagad, ay nagtungo sa mga nayon ng Cesarea, sakop ni Filipo. Samantalang sila’y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo; at may nagsasabi pang isa kayo sa mga propeta.” “Kayo naman – ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya. “Kayo ang Kristo,” tugon ni Pedro. “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Mula noon, ipinaalam na ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Siya’y itatakwil ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at ipapapatay. Ngunit sa ikatlong araw, muli siyang mabubuhay. Maliwanag na sinabi niya ito sa kanila. Kaya’t niyaya siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. Ngunit humarap si Hesus sa kanyang mga alagad at pinagwikaan si Pedro: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 18, 2020 at 2:51 am

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay nagpapaalala sa atin kung paano nating tinatrato ang ating mga kapwa, lalung-lalo na ang mga mahihirap. Kung tayo’y may matatag na pananampalataya sa Diyos, ito’y dapat maging paraan na gawing kaakibat ang pagiging mabuti sa ibang tao. Hindi dapat natin sila tinatanggihan o kaya sinasaktan, bagkus dapat natin sila tanggapin nang buong kakabang-loob. Ang ganyang pagtanggap sa lahat ng tao ay isang tanda ng pagtanggap natin sa Panginoon ng ating buhay. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang pagkakatagpo ng mga Apostol kay Hesus. Tinanong sila ni Kristo kung sino siya sa tao, at maraming kilalang pangalan ang lumabas katulad nina San Juan Bautista, Elias, Jeremias, o isa sa mga propeta. At nang mismong sila’y tanungin niya, si Simon Pedro ay nagpahayag na si Hesus ay ang Kristo, ang Anak ng Diyos. Dahil sa tamang sagot ni Pedro, pinagsabihin sila ni Hesus na huwag sabihin kanino man kung sino siya. Ang akala ni Simon Pedro na ang pagka-Mesiyas ni Hesus ay ayon sa pananaw ng mga Hudyo na ito’y magiging tapagtanggol ng mga Israelita mula sa pananakop ng mga Romano. Kaya nang unang ipinaalam ng Panginoon na siya’y mamatay at muling mabubuhay, biglang tumanggi si Pedro, at ito’y pinaglayuan ni Hesus na “Satanas”. Hindi po ibig sabihin na demonyo ang Apostol na ito, kundi ito’y pagmamalabis na iniisip niya ay mula sa pananaw ng tao, at hindi ayon sa karunungan ng Diyos. Pero makikita natin sa pagpapahayag ng pananalig ni San Pedro na si Hesus ang Mesiyas, ito’y paanayaya sa atin na dapat kilalanin din natin ang Diyos sa ating sariling buhay. At kung patuloy natin kinikilala siya, gawin po natin ang kanyang niloob hindi lang para sa atin, kundi para na rin sa mabuting kapakanan ng ibang tao. Nawa’y isabuhay natin ang ating pananampalataya sa Panginoon sa patuloy na paggawa ng kabutihan at katuwiran sa lahat ng tao.

Reply

Dong February 20, 2020 at 5:47 am

Salamat panginoong hesukristo nazareno

Reply

FRANCISCO AZUPARDO February 20, 2020 at 8:15 am

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Liberty C.Baligod February 20, 2020 at 9:08 am

Pinupuri ka namin, Panginoong HesuKristo!

Reply

Jerry February 20, 2020 at 11:34 pm

Salamat sa Diyos.Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.Amen

Reply

Mark Jefferson Criste August 15, 2020 at 9:24 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: