Mga Pagbasa – Huwebes, Enero 2, 2020

January 2, 2020

Paggunita kina Dakilang San Basilio at San Gregorio Nasianseno, mga Obispo at Pantas ng Simbahan

1 Juan 2, 22-28
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.

Juan 1, 19-28

UNANG PAGBASA
1 Juan 2, 22-28

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Minamahal kong mga kapatid, sino ang sinungaling? Hindi ba ang tumatangging si Hesus ang Kristo? Ito nga ang anti-Kristo: ang ayaw kumilala sa Ama at sa Anak. Ang di kumikilala sa Anak ay di rin kumikilala sa Ama. Kapag tinanggap ninuman ang Anak, pati ang Ama’y sasakanya.

Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. At ito ang ipinangako sa atin ni Kristo: buhay na walang haggan.

Ang isinulat ko sa inyo ay ang tungkol sa mga nagnanasang magligaw sa inyo. Ang Espiritu’y ipinagkaloob na ni Kristo sa inyo. At habang siya’y nananatilo sa inyo, hindi na kailangang turuan kayo ninuman. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo sa lahat ng bagay, at totoo ang itinuturo niya – hindi kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Kristo.

Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya at hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na yaon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Tugon: Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Tugon: Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Tugon: Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Tugon: Kahit saa’y namamalas, tagumpay ng Nagliligtas.

ALELUYA
Hebreo 1, 1-2

Aleluya! Aleluya!
N’ong dati’y mga propeta
ngayon nama’y Anak niya
ang sugo ng D’yos na Ama.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 19-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Nang suguin ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang saserdote at Levita upang itanong kung sino siya, sinabi ni Juan ang katotohanan. Sinabi niyang hindi siya ang Mesias. “Kung gayo’y sino ka?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi po,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propetang hinihintay namin?” Sumagot siya, “Hindi po.” “Sino ka kung gayun?” Tanong nila uli. “Sabihin mo sa amin para masabi namin sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Sumagot si Juan, “Ako ‘Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon!’” Ang Propeta Isaias ang maysabi nito. Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sumagot siya, “Ako’y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak.” Ito’y nangyari sa Betania, sa ibayo ng Jordan na pinagbibinyahan ni Juan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

{ 8 comments… read them below or add one }

Celine January 3, 2019 at 4:48 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO
ALLELUIA!

Reply

Reynald Perez December 29, 2019 at 10:53 pm

Pagninilay: Tayo ay nasa ikalawang araw ng taong 2020, at kakasimula lang po ng Bagong Taon. Patuloy tayong nagninilay sa kadakilaan ng Diyos ngayong Kapaskuhan. Ating inaalala ang kanyang pagbaba mula sa langit sa anyo ng isang Sanggol upang ang ating abang antas ay kanyang itataas na tayo’y marapat na tawaging mga anak ng Diyos Ama. Binababala tayo ni San Juan Apostol sa Unang Pagbasa na mag-ingat sa mga taong magliligaw sa atin patungo sa maling landas. May mga bagay na nakakapagpaakit sa atin na sumunod tayo, subalit ito pala ay isang balak upang tayo’y magkasala. Kaya nga hinikayat tayo ni San Juan na manatili tayo sa Panginoon at maging matapat sa kanyang kalooban upang makaharap tayo sa kanya kapag dumating na ang Huling Paghuhukom. Ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapakita sa kababaang-loob ni San Juan Bautista. Nang siya’y itinanong kung siya ba ay si Elias o ang propeta, o higit sa lahat ang Mesiyas, matuwid ang kanyang pagtanggi sa kanila. At ipinahayag rin niya nang may kababaang-loob na may isang taong darating na higit pa sa kanya, at hindi siya karapat-dapat ikalas ang mga sandalyas nito. Kaya ito ang tanda ng kanyang pagbibinyag gamit ang tubig para sa pagpapatawad ng kasalanan dahil alam ni Juan na si Hesus ay mas dakila kaisa sa kanya. Siguro naitatanong natin kung bakit si San Juan Bautista ay naririnig ngayong Pasko ng Pasilang, kung siya’y madalas marinig tuwing Adbiyento? Alam po natin na si San Juan Bautista ay ang tagapaghanda ng daan para sa Panginoon. Kaya itinuturo niya sa atin ang kababang-loob na tanggapin natin ang kaligtasan ng Diyos at ipadama natin sa iba’t ibang sitwasyon sa buhay. Kaya nga ito ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang Pagsilang ng Mesiyas dahil sa kababang-loob ni Hesus bagamat siya ay Diyos na makapiling sa atin nang hindi kailanma’y nagkasala, upang tayo ay maging karapat-dapat na tawaging mga anak ng Diyos Ama. Nawa sa ating pagsisimula ng Bagong Taon ay mapanibago ang ating buhay na tayong lahat ay maging magpakumbaba at gawin ang tama at mabuti para sa ikabubuti ng tao at ikalulugod ng Diyos.

Reply

Fred Duaso Monares January 2, 2020 at 3:35 pm

Amen

Reply

Arlin D. Mamales January 2, 2020 at 6:08 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo

Reply

Edward Ramirez January 2, 2020 at 8:16 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

ZMR January 2, 2020 at 8:23 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Jerry January 2, 2020 at 9:38 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.Amen

Reply

Mark Jefferson Criste August 15, 2020 at 9:40 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: