Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 25, 2019

December 25, 2019

PANALANGIN NG BAYAN
DISYEMBRE 25, 2019

Ngayong gabi, ilapit natin sa mapagpalang Ama ang ating panaghoy, mga pangarap, at mga inaasahan. Taglay ang matinding kagalakang dulot ng pagsilang ng kanyang Bugtong Anak na si Hesus, sama-sama tayong manalangin:

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Matutunan nawa muli ng mga pinuno ng Simbahan ang payak na pamumuhay katulad ng kay Hesus na tumupad sa kalooban ng Ama sa lahat ng oras. Manalangin tayo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Maghari nawa ang kapayapaan sa lahat ng bansa, gayon din sa aming mga tahanan at sa aming mga puso. Manalangin tayo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Ingatan mo ang mga mahal namin sa buhay na hindi namin makakapiling sa Paskong ito: mga doktor at nars sa ospital mga OFWs, mga sundalo’t pulis, mga bilanggo, at ang mga sumakabilang-buhay. Manalangin tayo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Turuan mo kaming kumiling sa mga mahihirap, mga mababang-loob, at mga itinakwil ng lipunan. Nawa’y sikapin naming tularan ang ginawa mong paglingap sa kanila. Manalangin tayo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Tuluyan nawang lumigaya sa piling mo, O Diyos, ang mga kapatid naming namayapa na. Manalangin tayo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Sa ilang sandali ng katahimikan, ating ipanalangin ang iba pang mga pangangailangan ng ating pamayanan pati na rin ang ating pansariling kahilingan. (Tumahimik). Manalangin tayo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.

Ama naming Diyos, ngayong gabi’y nagdiriwang kami sa pagsilang ng iyong Anak. Habang ginugunita namin ang kanyang pagiging tao, patawarin mo ang aming mga kasalanan, at ihatid mo kami sa kapayapaang walang wakas. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez December 24, 2018 at 3:48 am

Pagninilay: Isang dakilang gabi ang ating sinasaksihan at ginugunita ngayon. Ito yung tinaguriang kasayasayang “Silent Night, O Holy Night” at “Ang Gabing Payapa” dahil sa pinakamagandang biyayang katuparan ng Panginoong Diyos Ama para sa atin. 500 taon bago ang pagdating niyan, ipinahayag ni Propeta Isaias na may isang liwanag na tatanaw sa kadiliman, at gagabay sa mga taong namumuhay sa dilim. Noong panahon ni Isaias, nakasakop ang Juda sa pagsasalakay ng mga taga-Chaldea sa ilalim ng pamumuno ni Haring Nabucodonosor II. Kaya naging alipin ang mga tao ng Jerusalem at itinapon sa Babilonia. Kaya itong si Isaias, ipinabalita niya na may gaganap ng labanan sa pagitan ng Persya at Babilonia, at sa kautusan ni Ciro Magno ng Persya ay pinayagang bumalik ang mga Hudyo sa kanilang mga tirahan. Pero may isa pang tandang ibinigay ang propeta: ang propesiya tungkol sa sanggol na magiging Mesiyas. Sa Isaias 7:14, narinig natin na ang tanda ng panganganak ng Birhen sa Emanuel, ang sumasaating Diyos. At dito sa Isaias 9:5, sinasabi sa atin na ang Emanuel ay ang Walang Hanggang Diyos at Hari at Prinsipe ng Kapayapaan. Ito yung nagsisilbing liwanag sa dilim dahil ang Panginoong Hesus mismo ay ang liwanag na tatanglaw sa kadiliman ng ating mga buhay na nababalot sa kasalanan, kasamaan, bisyo, pagnanais, karahasan, digmaan, kalungkutan, at pagdurusa.
Sa banal na gabing ito, tayo’y mga saksi sa dakilang pangyayaring ito na naganap na makalipas ang higit na 2,000 taon. Ang nakakalungkot lang isipin ay sa kaalaman lang tungkol sa Pagsilang ng Panginoo’y umaabot ang diwa ng Pasko. Lalo na ang buong Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan, madalas naririnig natin ang mga pagdiriwang at ang kanilang mga kasaysayan sa Bibiliya, at alam na natin ang mga ito. Aminin nating lahat na naging bisi tayo itong mga nakaraang araw sa paghahanda ng mga regalo, Christmas party, pagkain para sa Noche Buena, at ang badyet. Kaya nga hindi masyadong sikat ang Adbiyento sa mga popular na pagdiriwang ng kontemporaryong panahon, yung bagang espirituwal na paghahanda para sa Tatlong Pagdating ng Panginoon. Pero naririto po tayo ngayong gabi dahil sa alaala ng isang pangakong ibinigay sa ating lahat: ang Panginoong Hesus bilang Liwanag ng Sangkatauhan. Sa panahanong yaon (ika-4 na taon, BCE), mahirap ang naging paglalakbay nina Birheng Maria at San Jose patungong Bethlehem, ang Siyudad ni Haring David. Mas mahirap pa yung naranasan nila noong nawalan sila ng pagtutuluyang tahanan, at ang kanilang tinuluyan ay ang kuwadra ng mga tupa, baka, at asno. Pero sa pagsapit ng Hatinggabi, nakasentro ang kasaysayan sa maluwalhating Kapangakan ng “Diyos na nagliligtas,” ang Panginoong Hesukristo (Yesh-wa). Pati mismong mga hayop na nasa kuwadra ay nag-iingay sa tuwa dahil sa pangyayaring iyon. Kahit siya ang Diyos at Mesiyas, wala siyang magarbong damit na sinutuan kundi ang isang lampin, at sa kahoy ng sabsaban siya’y hinimlay ni Maria. Ganun din 33 taong makalipas sa Bundok ng Golgota, huhubarin siya ng mga sundalong Romano at siya’y ipapako sa kahoy ng Banal na Krus upang ipakita ang dakilang pag-ibig ng Ama sa pamamagitan ng pagliligtas sa atin mula sa kasalanan. Kaya mahalaga ang simbolismo ng Christmas tree dahil inaalala natin ang Unang Pagdating ng Panginoon, at siya mismo’y nakapako sa Krus, ang puno ng buhay na nagtatagumpay laban sa puno ng kasalanan.
Mga kapatid, hindi lang dapat umaabot sa kaalaman ng tao tungkol sa kwento ng Unang Pasko, kundi pati na rin sa buhay niya tungkol sa tunay na diwa ng Pasko. Itong dakilang gabi ay nakapaganda sapagkat inaalala natin ang pinamagandang pangako ng Diyos. At sa bawat pagdiriwang ng Kapaskuhan, ang nais ng Panginoon ay maisilang siya hindi sa matataas na trono at hindi na sa kahoy ng sabsaban, kundi sa ating mga puso. Ang paalala ni San Pablo sa komunidad ni Obispong San Tito ay dapat din nating panindigan: upang maranasan natin ang biyaya ng Diyos na nagdulot sa ating kaligtasan, talikuran natin ang mga masasamang gawain at bisyo at mamuhay nang taimtim, mabubuti, at gumagawa ng mabuti. Sa ating paglalakbay sa daan ng Pasko ng Pagsilang, muli nating buksan ang ating mga puso at tanggapin natin si Kristo bilang Panginoon ng ating mga buhay. Alalahanin natin ang kanyang mga ipinangaral na turo, ginawang himala, at ang kanyang Misteryong Paskwal, at katulad niya ay sundin nawa natin ang dakilang kalooban ng Ama.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: