Podcast: Download (Duration: 5:30 — 2.7MB)
Ika-4 na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 7, 10-14
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin.
Roma 1, 1-7
Mateo 1, 18-24
UNANG PAGBASA
Isaias 7, 10-14
Noong mga araw na iyon, ipinasabi ng Panginoon kay Acaz: “Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao o sa kaitaasan ng langit.” Sumagot si Acaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
Kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
Na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot?
Kaya nga’t ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
At manganganak ng lalaki
At ito’y tatawaging Emmanuel.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Tugon: Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang buong daigdig, lahat ng naroon,
may-ari’y ang Diyos, ating Panginoon;
ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.
Tugon: Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin.
Sino ang marapat umahon sa burol,
sa burol ng Poon, sino ngang aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo?
Sino’ng tutulutang pumasok na tao?
Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-diyusan;
tapat sa pangako na binibitiwan.
Tugon: Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin.
Ang D’yos na Panginoon, pagpapalain siya,
ililigtas siya’t pawawalang-sala.
Gayun ang sinumang lumalapit sa Diyos
silang lumalapit sa Diyos ni Jacob.
Tugon: Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 1, 1-7
Ang simula ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos. Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan, ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Sa kanyang pagiging tao, siya’y ipinanganak mula sa lipi ni David, at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa – ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 1, 23
Aleluya! Aleluya!
Maglilihi ang dalaga
lalaking isisilang n’ya’y
Emmanuel na Poong sinta.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 1, 18-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose na nakatakda nang pakasal. Ngunit bago sila nakasal, si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao. Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Isang taong matuwid itong si Jose na kanyang magiging asawa, ngunit ayaw niyang mapahiya si Maria, kaya ipinasiya niyang hiwalayan ito nang lihim. Samantalang iniisip ni Jose ito, napakita sa kanya sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria, sapagkat siya’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Manganganak siya ng isang lalaki at ito’y pangangalanan mong Hesus, sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
At tatawagin itong “Emmanuel,”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyos”.
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon; pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan niyang Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Mga Pagbasa – Sabado, Disyembre 21, 2019
Mga Pagbasa – Lunes, Disyembre 23, 2019 »
{ 13 comments… read them below or add one }
Thank you very much.
Thanks Lord our God
thanksgooooood!
Tanong lang po kung may second readings po ba sa simbang gabi pag pumatak ng Sunday po?! pasensya na po talaga sa abala po… ung simba na pang gabi at pang madaling araw po na simbang gabi po ???
Meron pa rin pong Ikalawang Pagbasa para sa Simbang Gabi. Gagamitin pa rin po ang pagbasa ng Ikaapat na Linggo ng Adbiyento para sa buong araw ng Linggo, Disyembre 22, anuman pong oras ganapin ang misa. Salamat po.
Yes, technically, pag pumatak ang Nightly Simbang Gabi sa araw ng Linggo, the Advent Sunday liturgy should be used. So may 2nd Reading. Hindi pwedeng ianticipate ang Sunday with an Advent Weekday. Mas mataas at mas prioridad po ang Linggo kaysa sa Lunes.
Pagninilay: Ang Ika-4 na Linggo ng Adbiyento ay ang huling Linggo sa ating paghahanda sa nalalapit na Dakilang Kaspistahan ng Pagsilang ng Panginoon sa Kapaskuhan, na siyang naging katuparan ng buong planong pangkaligtasan ng Diyos Ama. Noong Ikatlong Araw ng Simbang Gabi [Disyembre 18], narinig natin ang pagpapahayag ng anghel ng Panginoon ang magandang balitang ito sa panaginip ni San Jose. Ngayong Linggong ito, tunghayan po natin muli ang katauhan ni San Jose na asawa ng Mahal na Birhen at inatasang maging ama ni Hesukristo dito sa sangkalupaan. Ngunit bago pa mang mangyari ito, narinig natin sa Ebanghelyo ang kanyang sinaunang kabuhayan bilang isang karpintero at isang matuwid na lalaki. Sa kanyang katuwiran ay makikita ang pagpapasya ng kanyang mga plano sa Diyos. At nakita niya dito ang planong magpakasal kay Maria. Subalit nang malaman niya na siya’y buntis at dahil pumapasok sa isip niya na hindi pa niya kaya ang tungkulin na maging ama, dito siya’y nagdalawang-isip. Alam niya ang kautusan noon na kapag natagpuan ang mga babaeng hindi pa kasal na buntis, sila’y babatuhin kasama na ang mga kinasasangkot na mga kasintahan. Kaya ayaw ni Jose na mapahiya at mapahamak si Maria, kaya nagpasya na lang siya na iwanan ito sa tahimik na paraan. Ngunit nagbago ang kanyang isip nang dumating ang isang anghel ng Panginoon sa kanyang panaginip. Dito ipinahayag ng anghel kay Jose ang mabuting balita tungkol sa pagdating ng Emanuel, ang Diyos na sumasaatin, na siyang isisilang ng Birheng Mahal upang iligtas ng Mesiyas na ito ang sangkatuhan mula sa pagkakasala. Kaya nang magising si Jose, agad niyang tinupad ang planong Diyos sa pagpapakasal kay Maria at pagiging ama ni Hesukristo dito sa lupa. Makikita natin sa buhay ni San Jose ang kahalagahan ng pagiging matuwid hindi lang para hindi hayaaang mapahamak ang ibang tao, kundi upang makilala niya ang tunay na plano ng Panginoon. Sa kanyang pananaginip, ipinasya niya sa tulog kung paano niya idadala ang orihinal na plano na tahimik na iwanan si Maria. Ngunit n’ung hinayaan niyang pumasok ang Diyos sa kanyang plano, diyan pinakita niya na tunay siyang matuwid. Sabi nga sa Salmo na ang mga matuwid na nabubuhay nang mangaral ay sasagana kailanman. Bagamit walang linyang binabanggit ang sinabi ni San Jose, pinahalagahan niya ang aksyon na sundin ang kalooban ng Ama. Kaya sa ating buhay lalung-lalo tuwing Pasko, tularan natin si San Jose sa pagtutupad ng dakilang plano ng Panginoong Diyos.
Pinupuri ka namin panginoong hesukristo
Salamat sa Diyos! Amen!
Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.Amen
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!
Salamat sa Diyos! AMEN!
Salamat sa Diyos!