Mga Pagbasa – Martes, Nobyembre 19, 2019

November 19, 2019

in Tagalog Mass Readings

Play

Martes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

2 Macabeo 6, 18-31
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7

Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

Lucas 19, 1-10

UNANG PAGBASA
2 Macabeo 6, 18-31

Pagbasa mula sa Ikalawang aklat ng Macabeo

Noong mga araw na iyon, may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang siya ay pakanin ng baboy, kaya’t pinilit siyang magbuka ng bibig. Sa pag-iwas niyang makapitan ng kasamaan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya’t ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya. Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa kautusan, kahit ito’y mangahulugan ng kanyang kamatayan.

Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya’t dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakanin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakanin. Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.

Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasiya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalaala niyang sapul pagkabata’y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya’t sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din. Sa gulang kong ito’y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikdan ang aking relihiyon! Kung ako’y magtaksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan. Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makaiiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat. Kaya’t tatanggapin ko na ngayon ang marangalna kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan. Sa gayun, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan – ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”
Matapos niyang sabihin ito, lumapit agad siya sa inihandang pagpapatayan sa kanya. Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila’y kaululan lamang ang mga sinabi niya. Kaya’t ginulpo nila siya hanggang sa mamatay. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Eleazar, “Ang Panginoon ang nakababatid ng lahat. Alam niya ang katakut-takot na hirap na tiniis ko sa pagpaparusang ito, kahit ito’y maaaring maiwasan ko. Alam din niyang maligaya kong tiniis itong hirap dahil sa aking pagmamahal sa kanya.”

Namatay nga si Eleazar, ngunit siya’y nag-iwan ng isang halimbawa ng pagiging uliran sa tapang at si malilimutang katangian ng pag-uugali, hindi lamang para sa mga kabataan kundi para rin sa buong bansa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

O Panginoon ko, kay raming kaaway,
sa abang lingkod mo ay kumakalaban;
ang palagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, di mo tutulungan!

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

Ngunit ang totoo, sa lahat ng oras,
iniingatan mo at inililigtas;
sa aki’y tagumpay ang iginagawad,
mahina kong loob ay pinalalakas.
Kaya ikaw, Poon, nang aking tawagan,
sinagot mo ako sa bundok na banal.

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

Ako ay humimlay, agad nakatulog,
ligtas na nagising ang iyong kinupkop;
libo mang kaaway, wala akong takot,
humanay man sila, sa aking palibot.
Halika, O Diyos, iligtas mo ako,
lahat kong kaaway ay pasukin mo.

Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

ALELUYA
1 Juan 4, 10b

Aleluya! Aleluya!
Inibig tayo ng Ama,
isinugo ang Anak n’ya
bilang panubos sa sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 19, 1-10

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo’y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo. At pinagsikapan niyang makita si Hesus upang makilala kung sino ito. Ngunit siya’y napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Hesus. Kaya’t patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Hesus na magdaraan doon. Pagdating ni Hesus sa dakong iyon, siya’y tumingala at sinabi sa kanya, “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” wika nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 18, 2019 at 7:10 am

Pagninilay: Ang Panginoon ay dakila sa kanyang pagmamahal sa atin na bagamat tayo ay nagkakalasa at nagkukulang ay patuloy pa rin tayong minamahal. Ang Ebanghelyo ay isang pagtatagpo ni Hesus sa isang publikanong si Zaqueo. Ang mga publikano/maniningil ng buwis noong kapanahunan ni Hesus ay itinuturing na mga makasalanan at traydor: makasalanan sapagkat sila’y nandadaya sa pangongolekta ng buwis, at mga traydor sapagkat sila’y nangongolekta ng buwis mula sa kanilang mga kapwa-Hudyo bilang bahagi ng sistema ng mga Romano. Si Zaqueo na taga-Jerico ay isang publikano na sinasabi rito na siya’y maliliit. Ang pagiging pandak niya ay hindi lang pisikal, kundi maaring pandak rin siya sa mga espirituwal na bagay. Siya’y ikinagagalit ng kanyang mga kababayan dahil sa kanyang pandaraya at pagtratrabaho para sa mga Romano. Pumasok sa loob niya’y nais niyang makita ang Panginoon, ngunit dahil siya’y maliliit ay umakyat siya sa puno ng sikamoro. Hindi niyang akalaing sa paghahanap niya kay Kristo, si Kristo pala ang humahanap sa kanya. Napansin siya ni Hesus at iniutos na bumaba mula sa puno upang makituloy ito sa bahay ni Zaqueo. Ito’y nagkaroon ng mainit na reaksyon mula sa taongbayan na isang itinuturing na banal na tao ay papasok sa tahanan ng isang makasalanan. Kaya buong kababaang-loob nangaki si Zaqueo na kalahati ng kanyang ari-arian ay ibibigay sa mga mahihirap at ang mga dinaya niya ay kanyan isasauli ng apat na beses. Kaya ipinahayag ng Panginoon na dumating ang kaligtasan sa kanyang tahanan, at ito’y nagpapatunay ang misyon ni Hesus na tawagin ang mga makasalanan tungo sa pagpapanumbalik ng kalooban sa Diyos. Kaya ang disposiyon natin bilang mga Kristiyano ay paging magpakumbaba sa pag-aamin na tayo’y mga tao lamang na may pagkakataong magkukulang at magkakamali. Subalit tayo rin ay may kakayahan na ipagmalaki ang ating pananampalataya sa Panginoon. Katulad ni Zaqueo, minsan inaakyat natin ang mga puno ng sikamoro na sumisimbolo sa mga pagkakataong hinahanap natin ang Panginoon. At mahalaga rin na bumaba tayo mula sa mga punong ito sa pagiging magpakumbaba sa paagawa ng kabutihan sa kapwa. At nawa’y mabuksan rin ang aming mga puso sa misyon ng awa ng Diyos na bukas para sa lahat, lalung-lalo na sa mga makasalanan. Huwag po natin hadlangan ang mga masasamang tao na lumapit sa presensiya ng Banal na Awa. Bagkus tulungan natin sila na makapanumbalik muli sa Panginoon.

Reply

Fred Duaso Monares November 19, 2019 at 7:36 am

Amen

Reply

Francisco Azupardo November 19, 2019 at 7:56 am

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Jerry November 19, 2019 at 11:09 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.Amen

Reply

Mark Jefferson Criste August 17, 2020 at 3:22 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: