Mga Pagbasa – Martes, Nobyembre 5, 2019

November 5, 2019

Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Roma 12, 5-16a
Salmo 130, 1. 2. 3

Sa iyong kapayapaan, D’yos ko, ako’y alagaan.

Lucas 14, 15-24

UNANG PAGBASA
Roma 12, 5-16a

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, tayo’y marami ngunit nabubuo sa iisang katawan ni Kristo, at isa’t isa’y bahagi ng iba. Yamang mayroon tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung pagpapahayag ng kalooban ng Diyos ang ipinagkaloob sa atin, ipahayag natin ito ayon sa sukat ng ating pananampalataya; kung paglilingkod, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob na pagtuturo at mangaral ang may kaloob na pangangaral. Kung pag-aabuloy, mag-abuloy nang buong kaya; kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung nagkakawanggawa, gawin ito nang buong galak.

Maging tunay ang inyong pag-ibig. Kasuklaman ninyo ang masama, pakaibigin ang mabuti. Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at buong pusong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo sa inyong kapighatian, at laging manalangin. Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid. Ibukas ninyong lagi ang inyong pinto sa mga taga-ibang lugar.

Igalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo – idalanging pagpalain at huwag sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak, makitangis sa mga tumatangis. Magkaisa kayo ng loobin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 130, 1. 2. 3

Tugon: Sa iyong kapayapaan, D’yos ko, ako’y alagaan.

O Panginoon ko, ang pagmamataas,
Tinalikdan ko na at iniwang ganap;
Ang mga gawain na magpapatanyag
Iniwan ko na rin, di ko na hinangad.

Tugon: Sa iyong kapayapaan, D’yos ko, ako’y alagaan.

Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.

Tugon: Sa iyong kapayapaan, D’yos ko, ako’y alagaan.

Kaya mula ngayon, ikaw, O Israel,
sa ’yong Panginoon, magtiwalang tambing!

Tugon: Sa iyong kapayapaan, D’yos ko, ako’y alagaan.

ALELUYA
Mateo 11, 28

Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 14, 15-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong mga panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga kasalo niya sa hapag, “Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus, “May isang lalaking naghanda ng isang malaking piging, at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng piging, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid, at kailangan kong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ At sinabi ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka, at kailangan kong isingkaw para masubok. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakadalo.’ Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ito at sinabi sa alipin, ‘Lumabas kang madali sa mga lansangan at makikipot na daan ng lungsod, at isama mo rito ang mga pulubi, mga pingkaw, mga bulag, at mga pilay.’ Pagbabalik ng alipin ay sinabi niya, ‘Panginoon, nagawa na po ang iniutos ninyo, ngunit maluwag pa.’ Kaya’t sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga lansangan at sa mga landas, at pilitin mong pumarito ang mga tao, upang mapuno ang aking bahay. Sinasabi ko sa inyo: isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking handa!’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 4, 2019 at 8:06 pm

Pagninilay: Tayong lahat ay inaanyayahan ng Panginoon na makisalo sa kanyang piging ng pag-ibig, ang piging na kung saan ginugunita natin ang kaligtasang ating nakamtan. Kaya nga isinalaysay ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang malaking piging, matapos ipahayag ng isa sa mga panauhin ng bahay kanyang pinagdadalo na mapalad ang mga nakikisalo sa Kaharian ng Diyos. Makikita natin sa parabula ang iba’t ibang paanyaya ng panginoon ng sambahayan sa isang piging, at ang pagtanggi ng mga itinuturing na “mayaman” sa kontekstong iyon at ang pagtugon ng mga mahihirap na dadalo sila. At sinigurado ng lalaki na puno ang espasyo ng pagsasalu-salo, kaya iniutos niya sa mga lingkod na imbitahan nila ang sinu-sino kanilang mamasid. At bilang pagtapos, sinabi ng panginoon ng sambahayan na ang mga unang inaanyahan ngunit tumanggi ay hindi nabigyan ng pagkakataon matikman ang kanyang inihanda. Kaya nga ang sinisimbolo ng talinghaga ni Hesus ay ang Kaharian ng Langit. Tayong lahat ay inaanyayahan na makisalo sa kaluwalhatian ng Diyos, at dito lamang sa lupa, mayroon na tayong unang tikim ng piging sa langit, at iyan ang piging ng Sakramento ng Eukaristiya. Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, tayo’y nakikisalo sa kaligtasang ipinagkaloob sa atin ng Ama sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus. At ipinapaalala sa atin ni San Pablo na bagamat tayo’y naiiba sa mga gawain at pinagmulan, tayo ay bahagi ng iisang Katawan ni Kristo. Kahit iiba ang ating paraan ng pagsampalataya at paglilingkod, iisa pa rin ang Diyos na ating pinagbubukluran at pinagsisilbihan sa buhay. Ang mismong tinapay at alak sa Eukaristiya ay hindi lang mga simbolo, kundi sila ang mismong Katawan at Dugo ng ating Panginoon. Hindi ito’y nangangahulugang hinahandog natin ang pisikal na anyo ni Kristo, kundi naniniwala tayo sa kanyang “sacramental presence” na naroroon ang biyaya niya upang ang ating mga kaluluwa ay kanyang mapalusog. Kaya nawa’y dinggin natin ang paanyaya ng Panginoon na dumalo sa kanyang piging upang malasap natin siya sa espirituwal na paraan.

Reply

Aida November 5, 2019 at 5:58 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Mylene Farinas November 5, 2019 at 6:36 am

O, God our Father, have mercy on those You called but had not responded. May You give them another chance. And, thank you for the wisdom given to us from the first reading. That we have to use the talent, skills and knowledge you have granted us. May we use them well O Lord and bring you glory and praise now and forever. Amen.

Reply

Celine November 5, 2019 at 2:14 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO. ALLELUIA!

Reply

Dolly Sun November 5, 2019 at 3:02 pm

Pinupuri Ka namin Panginoong Hesukristo!

Reply

Jerry November 5, 2019 at 10:34 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesucristo.Amena

Reply

Mark Jefferson Criste August 17, 2020 at 3:26 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: