Mga Pagbasa – Linggo, Hulyo 28, 2019

July 28, 2019

in Tagalog Mass Readings

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Genesis 18, 20-32
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8

Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.


Colosas 2, 12-14
Lucas 11, 1-13

UNANG PAGBASA
Genesis 18, 20-32

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. Paroroon ako at aalamin ko kung ito’y totoo.”

Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit nanatili ang Panginoon sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, may kasalanan man o wala? Sakaling may limampung matuwid sa lungsod, wawasakin po ba ninyo iyon? Hindi ba ninyo patatawarin ang lungsod dahil sa limampung iyon? Naniniwala akong hindi idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at mabuti. Hindi ito mangyayari! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”

At tumugon ang Panginoon, “Hindi ko ipahahamak ang lungsod dahil sa limampung matuwid.” “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, pagkat alabok lamang ako. Kung wala pong limampu, at apatnapu’t lima lamang ang matuwid, wawasakin ba ninyo ang lungsod?”

“Hindi ko wawasakin dahil sa apatnapu’t limang iyon,” tugon ng Panginoon. Nagtanong na muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?” “Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.

“Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa po ako. Kung tatlumpu lamang ang taong matuwid doon, hindi rin ninyo wawasakin?” Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa tatlumpung iyon.” Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu lamang ang matuwid na naroon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa dalawampung iyon,” muling tugon sa kanya. Sa katapusa’y sinabi ni Abraham,” Ito na po lamang ng itatanong ko: Kung sampu lamang ang matuwid na naroon? “Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa sampung iyon,” tugon ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Kung ang D’yos mang Panginoon ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang aba at mahihirap:
Kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Kahit ako’y nababatbat ng maraming suliranin.
Ako’y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa takas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.

Tugon: Noong ako ay tumawag, tugon mo’y aking tinanggap.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 2, 12-14

Pagbasa mula sa gular ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid: Noong kayo’y binyagan, nalibing kayong kasama ni Kristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Kristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA

Roma 8, 15bk

Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng D’yos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Minsan, nanalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang ngalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
Sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”

Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isang kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang ibgyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 9 comments… read them below or add one }

roxanne July 23, 2016 at 4:18 pm

bakit walang mp3 download yung sunday readings ngayon?

Reply

Ramon Nuguid July 23, 2016 at 9:14 pm

O2 nga bakit nga Wala?Salamat s Patuloy ninyong hatid
Na pang araw araw na Pag BASA.
Sana magkaroon na din ng ” pagninilay”
Be bless all the more

Reply

aedrian paul July 27, 2019 at 11:48 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo…….Maraming salamat po sa lahat ng biyaya……..

Reply

PATRICK CU July 28, 2019 at 1:44 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Arlin D. Mamales July 28, 2019 at 5:23 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo

Reply

Aida Ramirez July 28, 2019 at 8:19 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo. Amen.

Reply

Francisco Azupardo July 28, 2019 at 10:28 am

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Edward Ramirez July 28, 2019 at 10:42 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo Amen

Reply

Mark Jefferson Criste August 17, 2020 at 8:09 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: