Mga Pagbasa – Lunes, Hulyo 15, 2019

July 15, 2019

Paggunita kay San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan
Lunes ng Ika-15 Linggo a Karaniwang Panahon (I)

Exodo 1, 8-14. 22
Salmo 123, 1-3. 4-6. 7-8

Sa pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan.

Mateo 10, 34 – 11, 1

UNANG PAGBASA
Exodo 1, 8-14. 22

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo

Noong mga araw na iyon, ang Egipto’y nagkaroon ng ibang hari na walang anumang alam tungkol kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila’y patuloy na dumarami at lumalakas pa kaysa atin. Kailangang gumawa tayo ng paraan para mapigil ang kanilang pagdami.

Baka tayo salakayin ng ating mga kaaway at umanib pa sila sa mga ito at pagkatapos ay umalis sa ating lupain.” Kaya’t naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lungsod ng Pitom at Rameses, lungsod na tinggalan ng mga pagkain at kagamitan. Ngunit habang sinisikil, lalo namang dumarami at lumalaganap ang mga Israelita kaya’t sila’y kinapootan at kinatakutan ng mga Egipcio. Dahil dito, ang mga Israelita’y lalong sinikil at pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba’t ibang mabibigat na gawaing bukid.

Iniutos naman ng Faraon sa mga Egipcio na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking Isisilang ng mga Hebrea at bayaan lamang mabuhay ang mga babae.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 123, 1-3. 4-6. 7-8

Tugon: Sa pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan.

Ano kaya’t di pumanig sa atin ang Panginoon;
O Israel, ano kaya ang sagot sa gayong tanong?
“Kung ang Panginoong Diyos, sa amin ay di pumanig,
noong kmai’y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilulon na nang buhay,
sa silakbo ng damdamin at matinding kagalitan.

Tugon: Sa pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan.

Maaaring kami noo’y natangay na niyong agos,
naanod sa karagata’t tuluy-tuloy na nalunod;
sa lakas ng agos noo’y nalunod nga kaming lubos.
Tayo ay magpasalamat, ang Poon ay papurihan,
pagkat tayo’y inligtas sa malupit na kaaway.

Tugon: Sa pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan.

Ang katulad nati’y ibong sa bitag ay nakatakas;
lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay sa Poon nagmumula,
pagkat itong lupa’t langit tanging siya ang lumikha.

Tugon: Sa pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan.

ALELUYA
Salmo 94, 8ab

Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 34 – 11, 1

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang aknyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao’y ang kanya na ring kasambahay.

“Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.

“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”

Matapos tagubilinan ang labindalawang alagad, umalis si Hesu upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

{ 2 comments… read them below or add one }

Bobby Javier July 15, 2019 at 4:03 am

Pinupuri a t pinasa,-salamatan kanamin Panginoo,,,, AMEN
WE

Reply

PEARL July 15, 2019 at 9:38 am

PINUPURI KA NMIN PANGINOONG HESUKRISTO

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: