Podcast: Download (Duration: 6:05 — 5.1MB)
Miyerkules ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
2 Corinto 3, 4-11
Salmo 98, 5. 6. 7. 8. 9
D’yos na Makapangyarihan, ikaw ay tunay na banal.
Mateo 5, 17-19
UNANG PAGBASA
2 Corinto 3, 4-11
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang aming pagtitiwalang ito sa Diyos ay sa pamamagitan ni Kristo. Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming sapat na kakayahang gawin ito; ang Diyos ang nagkaloob nito sa amin. Niloob niyang kami’y maging lingkod ng bagong tipan, tipang hindi nababatay sa Kautusang natititik kundi sa Espiritu. Sapagkat ang dulot ng titik ay kamatayan, ngunit ang Espiritu’y nagbibigay-buhay.
Nang ibigay ang alituntunin ng paglilingkod na nakatitik sa tinapyas na bato, kalakip na nahayag ang kaningningan ng Diyos, anupat hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises bagamat ang kaningningang ito’y lumipas. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakatitik na nagdala ng kamatayan ay dumating na may kalakip na kaningningan, gaano pa kaya ang paglilingkod ayon sa Espiritu? Kung may kaningningan ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maningning ang paglilingkod na ang dulot ay pagpapawalang-sala, Dahil dito, masasabi natin na ang dating ningning ay wala na sapagkat nahalinhan ng lalo pang maningning. Kung may kaningningan ang lumilipas, higit ang kaningningan noong nananatili magpakailanman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 98, 5. 6. 7. 8. 9
Tugon: D’yos na Makapangyarihan, ikaw ay tunay na banal.
Ang Poon na ating Diyos ay lubos na papurihan;
sa harap ng trono niya’y sambahin ang ngalang Banal!
Tugon: D’yos na Makapangyarihan, ikaw ay tunay na banal.
Si Moises at Aaron, mga saserdote niya;
at si Samuel nama’y lingkod na sa kanya ay sumamba;
nang ang Poo’y dalanginan, dininig naman sila.
Tugon: D’yos na Makapangyarihan, ikaw ay tunay na banal.
Ang Poon ay nagsalita sa gitna ng mga ulap;
sila naman ay nakinig utos niya ay tinupad.
Tugon: D’yos na Makapangyarihan, ikaw ay tunay na banal.
O Poon na aming Diyos, sinagot mo sila agad
at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa’y hindi tumpak.
Tugon: D’yos na Makapangyarihan, ikaw ay tunay na banal.
Ang Diyos nating Panginoon, dapat nating papurihan,
sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Siya’y ating Panginoon, siya’y ating Diyos na banal!
Tugon: D’yos na Makapangyarihan, ikaw ay tunay na banal.
ALELUYA
Salmo 24, 4b. 5a
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, ituro mo
na ‘yong landas ay sundin ko
sa pagtahak sa totoo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 17-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang-bisa kundi para ipaliwanag at ganapin ang mga iyon. Tandaan ninyo ito: magwawakas ang langit at ang lupa, ngunit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi nagaganap ang lahat. Kaya’t sinumang magpawalang-halaga kahit sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayun sa mga tao, ay ibibilang na pinakamababa sa kaharian ng Diyos. Ngunit ang gumaganap ng Kautusan at nagtuturo na tuparin iyon ay ibibilang na dakila sa kaharian ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 11, 2019
Mga Pagbasa – Huwebes, Hunyo 13, 2019 »
{ 4 comments… read them below or add one }
I, wholeheartedly open my mind and soul for your plan to us thru your spirit, your will be done.
Praise To You Lord Jesus Christ.
Pinipuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.
PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!