Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 11, 2019

June 11, 2019

Paggunita kay San Bernabe, Apostol

Mga Gawa 11, 21b-26; 13, 1-3
Salmo 97, 1. 2-3ab, 3kd-4, 5-6

Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Mateo 5, 13-16

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 21b-26; 13, 1-3

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.

Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.

Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasa-kasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquiao unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.

May mga propeta at mga guro sa simbahan sa Antioquiao. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinaguriang Negro, Lucio na taga-Cirene, Saulo at Manaen, kababata ng tetrarkang si Herodes. Samantalang sila’y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila’y hinirang ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila’y pinayaon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab, 3kd-4, 5-6

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay.
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.
Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

ALELUYA
Mateo 28, 19a. 20b

Aleluya! Aleluya!
Humayo’t magturo kayo,
palaging kasama ako
hanggang sa wakas ng mundo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 5, 13-16

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y asin sa sanlibutan. Kung mawalan ng alat ang asin, paano pang mapananauli ang alat nito? Wala na itong kabuluhan kaya’t itinatapon na lamang at niyayapakan ng mga tao.

“Kayo’y ilaw sa sanlibutan. Hindi maitatago ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol. Walang nagsisindi ng ilaw at naglalagay nito sa ilalim ng takalan. Sa halip ay inilalagay ito sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayun din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

{ 5 comments… read them below or add one }

raymunda b. chai June 11, 2016 at 6:42 am

Maraming salamat sa awit at papuri communication. Malaking tulong ito sa pangumagang panalangin ko araw araw.

Reply

Reynald Perez June 10, 2019 at 9:43 pm

Pagninilay: Ipinagdiriwang natin ngayon ang Paggunita kay San Bernabe, isang apostol ni San Pablo. Narinig natin sa Unang Pagbasa kung paanong maraming naniwala sa pananampalataya kay Kristo, kaya ipinadala si Bernabe sa Jerusalem upang ipahayag sa mga tao na ipagpatuloy ang pangangaral ng Mabuting Balita. At patuloy siya sa pangangaral na si Hesus ay ang Panginoon. Isang kilalang katangian ni San Bernabe ay ang pagiging bukas palad sa mga mahihirap na miyembro ng Sambayanan ng Diyos. Siya rin ay nagsilbing kasamahan habang si San Pablo ay nangangaral sa bawat nayon ng mga Hudyo at Hentil. Ipinangaral din ni Bernabe ang Mabuting Balita hanggang Salamis, kung saan siya’y binato hanggang mamatay. Katulad ng mga Apostol at ng iba pang mga alagad ni Kristo, si San Bernabe ay isa sa mga matiyagang saksi ng Mabuting Balita. Siya’y nagsisilbing paalala na patuloy ang misyon ng Ebanghelisasyon ng ating Inang Simbahan. Ang mensahe ng Panginoon ay kinakailangang ipahayag sa bawat tao at isabuhay rin sa mga pang-araw-araw na sitwasyon. Ang mahalaga ay makilala ng lahat ang dakilang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng presensiya ni Hesukristo sa mga tanda ng Panginoon.

Reply

Donna Bayan June 11, 2019 at 4:44 am

Pinupuri kita panginoong Hesukristo?

Reply

Jose M. Javier June 11, 2019 at 5:17 am

We are now empowered by the Holy Spirit and now it’s time to.back the to our Lord thru evangelization. Amen

Reply

Celine June 11, 2019 at 2:03 pm

PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: