Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 4, 2019

June 4, 2019

Martes sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 20, 17-27
Salmo 67, 10-11. 20-21

Tanang mga kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.

Juan 17, 1-11a

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 20, 17-27

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, mula sa Mileto, si Pablo’y nagpasugo sa Efeso at ipinatawag ang matatanda sa simbahan roon. Pagdating nila ay kanyang sinabi:

“Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyo, mula nang unang araw na ako’y tumuntong sa Asia. Buong pagpapakumbaba akong naglingkod sa Panginoon at lumuluhang nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa hayagan at sa bahay-bahay. Ipinangaral ko maging sa mga Judio at sa mga Griego na dapat nilang talikdan ang kanilang kasalanan at manumbalik sa Diyos, at manalig sa ating Panginoong Hesukristo. Ngayon sa utos ng Espiritu’y ako’y pupunta sa Jerusalem, at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ito lamang ang aking alam: sa bawat bayang dinalaw ko, ipinahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin doo’y pagkabilanggo at kapighatian. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay, maganap ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Hesus—ang pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos.

“Nakisalamuha ako sa inyo samantalang nangangaral ako tungkol sa paghahari ng Diyos. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya’t sa araw na ito’y sinasabi ko: hindi ako ang mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo. Sapagkat ipinahayag ko ang lahat ng nilalayon ng Diyos para sa inyo; wala akong inilingid na anuman.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 67, 10-11. 20-21

Tugon: Tanang mong kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.

Dahil sa’yo, yaong ulang masagana ay pumatak,
lupain mong natuyo na’y nanariwa at umunlad.
At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod,
ang mahirap nilang buhay sa biyaya ay pinuspos.

Tugon: Tanang mong kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.

Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas
at may dala araw-araw, ng pasanin nating hawak.
Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas,
ang diyos ang Panginoon, Panginoon nating lahat!
Sa bingit ng kamataya’y hinango tayo agad.

Tugon: Tanang mong kaharian, ang Poong D’yos ay awitan.

ALELUYA
Juan 14, 16

Aleluya! Aleluya!
Hihilingin ko sa Ama
Espiritu’y isugo n’ya
upang sumainyo t’wina.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 17, 1-11a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, tumingala si Hesus sa langit at ang wika, “Ama, dumating na ang oras: parangalan mo ang iyong Anak upang maparangalan ka naman niya. Sapagkat pinagkalooban mo siya ng kapangyarihan sa sangkatauhan, upang magbigay ng buhay na walang hanggang sa lahat ng ibinigay mo sa kanya. Ito ang buhay na walang hanggan: ang kilalanin ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at si Hesukristo na iyong sinugo. Inihayag ko rito sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko na ang ipinagagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan.

“Ipinakilala kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo; ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayo’y alam na nilang mula sa iyo ang lahat ng ibinigay mo sa akin; sapagkat itinuro ko sa kanila ang lahat ng aking nabatid sa iyo at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako’y galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin.

“Idinadalangin ko sila, hindi ang sanlibutan kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila’y iyo. Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang lahat ng iyo ay akin; at pararangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako’y pupunta na sa iyo; aalis na ako sa sanlibutan, ngunit nasa sanlibutan pa sila.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

{ 4 comments… read them below or add one }

Justine Garcia May 30, 2017 at 12:31 am

” Works of love are always works of peace. Whenever you share love with others, you’ll notice the peace that comes to you and to them. When there is peace, there is God – that is how God touches our lives and shows His love for us by pouring peace and joy into our hearts. Lead me from death to life, From falsehood to truth. Lead me from despair to hope, From fear to truth. Lead me from hate to love, From war to peace. Let peace fill our hearts, Our world our universe Peace peace peace. “

Reply

Jose M. Javier June 4, 2019 at 5:02 am

Bilang mananampalataya obligasyon natin ipakilala Ang Panginoon sa pamamagitan na Kung papano Tayo mamuhay, dahil dito ay nahkikita Ng ating kapwa si Kristo, “Faith without works is nothing” ……… May our Lord empowered us through Holy Spirit’

Reply

Reynald Perez June 4, 2019 at 5:13 am

Pagninilay: Malapit na tayo sa wakas ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Matapos ang Dakilang Kapistahan ng kanyang Pag-akyat, ipagdiwang naman natin nitong darating na Linggo ang Dakilang Kapistahan ng Linggo ng Pentekostes. Makikita natin sa Ebanghelyo ang wakas ng mga diskurso ni Hesus sa Huling Hapunan nang ipanalangin niya ang kanyang mga alagad. Alam ni Hesus ang mangyayari sa kanya bago pa man siya’y bumalik patungo sa Ama. Kaya ang panalangin niya ay ingatan nawa ng Diyos ang kanyang mga hinirang na hindi sila’y maligaw sa ibang landas. Hindi ipinalangin ni Hesus ang “mundo” na ang kahulugan nito ay ang mga makamundong bagay na nakakaabala sa ating pagtuon sa mga bagay na makalangit. Kaya sa pagsapit ng kanyang Pagpapakasakit at Pagkamatay sa Krus, nais na mapangaralan ang kanyang Pangalan sa hantungan ng kanyang Muling Pagkabuhay. Kaya makikita natin sa panalangin ni Kristo ang katatagan ng mga alagad na ituloy ang misyon na sinimulan niya kahit siya’y nasa langit niya. Ito ang ipinakita ni San Pablo sa Unang Pagbasa nang sabihin niya sa mga taga-Efeso na pumuspos sa kanila ang Espiritu Santo. Handa na si San Pablo na harapin ang kanyang mga kaaway sa Jerusalem na may maitim na balak laban sa kanya, sapagkat siya’y patuloy na tatayo bilang isang mabuting saksi para kay Kristo. Nawa tayo rin ay maging mga mabuting saksi ng Panginoon sa oras ng kagipitan at pagsubok sa buhay.

Reply

Celine June 4, 2019 at 1:28 pm

PINUPURI KA MANIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: