Mga Pagbasa – Biyernes, Pebrero 22, 2019

February 22, 2019

in Tagalog Mass Readings

Play

Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro

1 Pedro 5, 1-4
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6.

Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.

Mateo 16, 13-19

UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 1-4

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang paghihirap ni Kristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagkat iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim na paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod; hindi bilang panginoon ng inyong mga nasasakupan, kundi bilang uliran ng inyong mga kawan. At pagparito ng Pangulong Pastol ay tatanggap kayo ng maningning na koronang di kukupas kailanman.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6.

Tugon: Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Tugon: Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Tugon: Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Tugon: Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Tugon: Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.

ALELUYA
Mateo 16, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 11 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 18, 2019 at 8:34 am

Pagninilay: Ang Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro Apostol ay patungkol sa trono na inupuan ni San Pedro nang siya’y naging unang Santo Papa, ang unang pinuno ng Simbahan. Kaya ang upuang ito ay maikita sa mismong St. Peter’s Basilica sa Vatikano. At ang Kapistahan ito ay patungkol sa pagkatiwala ni Hesus ang awtoridad ng Simbahan kay San Pedro. Sa simula pa lamang ay alam natin si Simon Pedro ay dating mangigisdang tinawag ni Kristo na maging isang “mamalakaya ng tao”. Pero sa takbo ng buhay, sa puntong itinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad kung sino siya sa tingin nila, tanging si Pedro ay nagpahayag na si Hesus ay ang Kristo at Anak ng Diyos. At dahil dito, ipinagkatiwala sa kanya ang pamumuno ng Simbahan at ang kapangyarihan ng susi. Ito’y nagsisilbing tanda ng paghihirang ni Kristo sa Simbahan upang makapagpatawad ng mga kasalanan. Kaya ang ating Simbahan ay iisa, banal, Katolika, at Apostolika. Makikita natin mula sa pamumuno ni San Pedro at pangamgaral ng mga Apostol ay ipinatuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng Santo Papa, mga Obispo, at kaparian. At gayundin ang pagpapahayag na ito ay ipinapatuloy natin, na tayo’y bahagi ng Laiko. Tayo rin ay tinatawag na maging mga pastol na ipakita ang ating “awarenees” sa pangangailangan ng ibang tao. Tayo ay tinatawag na Simbahan sapagkat tayong mga mananampalataya ay may misyon na idala ang Panginoon sa buhay ng bawat tao.

Reply

Francisco R. Azupardo February 21, 2019 at 7:38 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

PATRICK CU February 22, 2019 at 12:45 am

Salamat sa Diyos! AMEN!!

Reply

Aida Ramirez February 22, 2019 at 4:18 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.Amen.

Reply

Lorna Ilustre February 22, 2019 at 5:23 am

Pinupuri ka namin Panginoon HesuKristo! ???

Reply

kulotf February 22, 2019 at 7:10 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Edward Ramirez February 22, 2019 at 7:27 am

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo

Reply

Dolly Sun February 22, 2019 at 10:23 pm

Pinupuri Ka namin Panginoong Hesukristo!

Reply

Celine February 22, 2019 at 10:48 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELUIA!

Reply

Jerry February 22, 2019 at 11:11 pm

Pinupuri ka namin Panginoong HesuCristo.

Reply

Mark Jefferson Criste August 17, 2020 at 9:37 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: