Mga Pagbasa – Sabado, Setyembre 1, 2018

September 1, 2018

in Tagalog Mass Readings

Sabado ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Corinto 1, 26-31
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21

Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.

Mateo 25, 14-30

UNANG PAGBASA
1 Corinto 1, 26-31

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan nang kayo’t tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang sa paningin ng sanlibutan ay marunong, makapangyarihan at maharlika. Subalit pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang-halaga ang itinuturing na dakila sa sanlibutan. Kaya’t walang maaaring magmalaki sa harapan ng Diyos. Sa kanya mula ang ating pakikipag-isa kay Kristo Hesus, na ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan niya, tayo’y pinawalang-sala ng Diyos, pinapaging-banal at iniligtas. Kaya nga, tulad ng nasasabi sa Kasulatan, “Ang Panginoon ang dapat ipagmalaki ng may ibig magmalaki.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 32, 12-13. 18-19. 20-21

Tugon: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.

Mapalad ang bansang ang Poon ang Diyos,
mapalad ang bayang kanyang ibinukod.
Magmula sa langit, kanyang minamasdan
ang lahat ng tao na kanyang nilalang.

Tugon: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.

Ang may takot sa Diyos, at nagtitiwala
sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
Hindi babayaang sila ay mamatay,
kahit magtaggutom sila’y binubuhay.

Tugon: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.

Ang ating pag-asa’y nasa Panginoon;
siya ang sanggalang natin at katulong.
Dahilan sa kanya, kami’y natutuwa,
sa kanyang ngalan ay nagtitiwala.

Tugon: Mapalad ang ibinukod na bansang hinirang ng D’yos.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 25, 14-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad dito: May isang taong maglalakbay, kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salapi ang bawat isa ayon sa kanya-kanyang kakayahan: binigyan niya ang isa ng limang libong piso, ang isa nama’y dalawang libong piso, at ang isa pa’y isang libong piso. Pagkatapos, siya’y umalis. Humayo agad ang tumanggap ng limang libong piso at ipinangalakal iyon. At nagtubo siya ng limang libong piso. Gayun din naman, ang tumanggap ng dalawang libong piso ay nagtubo ng dalawang libong piso. Ngunit ang tumanggap ng isang libong piso ay humukay sa lupa at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.

Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga aliping iyon at pinapagsulit sila. Lumapit ang tumanggap ng limang libo. Wika niya, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na bigay ninyo sa akin. Heto pa po ang limang libo na tinubo ko.’ Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat ay mabuting alipin! Yamang naging tapat ka sa kaunting halaga, pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libo, at ang sabi, ‘Panginoon, heto po ang ibinigay ninyong dalawang libo. Heto naman po ang dalawang libong piso na tinubo ko.’ Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting alipin! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.’ At lumapit naman ang tumanggap ng isang libong piso. ‘Alam ko pong kayo’y mahigpit,’ aniya. ‘Gumagapas kayo sa hindi ninyo tinamnan, at nag-aani sa hindi ninyo hinasikan. Natakot po ako, kaya’t ibinaon ko sa lupa ang inyong salapi. Heto na po ang isang libo ninyo.’ ‘Masama at tamad na alipin!’ tugon ng kanyang panginoon. ‘Alam mo palang gumagapas ako sa hindi ko tinamnan at nag-aani sa hindi ko hinasikan! Bakit hindi mo iyan inilagak sa bangko, di sana’y may nakuha akong tubo ngayon? Kunin ninyo sa kanya ang isang libong piso at ibigay sa may sampung libo. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang aliping walang kabuluhan. Doo’y tatangis siya at magngangalit ang kanyang ipin.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 6 comments… read them below or add one }

Lilian M.Saltore September 1, 2018 at 4:56 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo

Reply

Shao September 1, 2018 at 11:18 am

Amen.

Reply

Francisco R. Azupardo September 1, 2018 at 8:12 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Rachel Dela Cruz September 1, 2018 at 11:22 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Celine September 2, 2018 at 12:13 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO.
ALLELIUA!

Reply

PATRICK CU September 4, 2018 at 10:47 pm

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: