Podcast: Download (Duration: 4:28 — 2.5MB)
Lunes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Hari 17, 5-8. 13-15a. 18
Salmo 59, 3. 4-5. 12-13
Poon, kami ay sagipin, kaawaan at kupkupin.
Mateo 7, 1-5
UNANG PAGBASA
2 Hari 17, 5-8. 13-15a. 18
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, nilusob ni Haring Salmanasar ng Asiria ang Samaria at tatlong taon itong kinubkob. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ni Haring Salmanasar ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita at ikinalat sa Hala ng Habor o Ilog ng Gozan, at sa mga lungsod ng Medos.
Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila sa Panginoon na nag-alis sa kanila sa Egipto sa pagpapahirap sa kanila ng Haring Faraon. Sila’y naglingkod sa ibang diyos at nakiayon sa kaugalian ng mga taong itinaboy ng Panginoon mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang itinatag ng mga hari ng Israel. Dahil sa kasamaan nilang ito, ang Israel at ang Juda ay binabalaan ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta. Ganito ang ipinasabi niya: “Talikdan ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay ayon sa Kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta.” Ngunit hindi nila ito pinansin. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nanalig sa Panginoon nilang Diyos. Ipinagwalang-bahala nila ang Kautusan, ang pakikipagtipan sa Panginoon ng kanilang mga ninuno, at ang babala niya sa kanila. Kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang harapan, liban sa lipi ni Juda.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 59, 3. 4-5. 12-13
Tugon: Poon, kami ay sagipin, kaawaan at kupkupin.
Kami’y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
kami sana’y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
Tugon: Poon, kami ay sagipin, kaawaan at kupkupin.
Yaong lupang sinaktan mo’y nanginginig na lupain,
bago lubos na mawasak, gamutin mo’t pagalingin.
Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
lasing kami’t langung-lango sa alak na iyong dulot.
Tugon: Poon, kami ay sagipin, kaawaan at kupkupin.
Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
O Diyos, kami’y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan.
Tugon: Poon, kami ay sagipin, kaawaan at kupkupin.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang salita ng Diyos
Ganap nitong natatalos
Tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 1-5
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong hatulan ang inyong kapwa, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa hatol na inihahatol ninyo sa iba. Ang panukat ninyo sa iba ay siya ring ipanunukat sa inyo. Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang puwing mong gatahilan sa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika’t aalisin ko ang puwing mo,’ gayong gatahilan ang nasa mata mo? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang puwing na gatahilan at sa gayo’y makakikita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Mga Pagbasa – Linggo, Hunyo 24, 2018
Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 26, 2018 »
{ 11 comments… read them below or add one }
Amen!
Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.
Pinupuri ka naming Panginoong Hesu-Kristo.
Amen Salamat SA Diyos
Amen.
Pinupuri ka namin Panginong Hesukristo
Salamat sa Diyos. Amen!
Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo
Pinupuri Ka namin Panginoong Hesukristo
Pinupuri Ka namin Panginoong Hesukristo!
Salamat sa Diyos! Papuri sa iyo sa iyong kadakilaan at kabutihan, marapat na kayo’y pasalamatan, AMEN!