Mga Pagbasa – Linggo, Hunyo 24, 2018

June 24, 2018

Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista

Isaias 49, 1-6
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha mo.

Mga Gawa 13, 22-26
Lucas 1, 57-66. 80

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Makinig kayo mga taong
naninirahan sa malalayong lugar.
Pinili na ako ng Panginoon bago pa isilang
at hinirang niya ako para siya’y paglingkuran.
Mga salita ko’y ginawa niyang
sintalas ng tabak,
Siya ang sa aki’y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin,
“Israel, ikaw ay lingkod ko,
sa pamamagitan mo
ako’y dadakilain ng mga tao.”
Ngunit ang tugon ko,
“Ako ay nabigo sa kaing pagsisikap, hindi nagtagumpay
gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunman’y itinitiwala ko sa Panginoon
ang aking kalagayan,
na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan.
Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ng Panginoon,
pinili niya ako para maging lingkod niya
upang tipunin ang nangalat na mga Israelita,
at sila’y ibalik sa bayang Israel,.
Binigyan ako ng Panginoon ng karangalan,
sa kanya nagbubuhat ang aking karangalan.
Sinabi ng Panginoon sa akin:
“Israel na aking lingkod,
May mas mahalaga pa kaong ipagagawa sa iyo.
Bukod sa pagpapanumbalik
sa mga Israelitang nalabi
ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa
upang lahat sa daigdig ay maligtas.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Tugon: Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha mo.

Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.

Tugon: Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha mo.

Ang anumang aking sangkap, ikaw o Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.
Tugon: Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha mo.
Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin’;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.

Tugon: Pinupuri kita, D’yos ko, dahil ako’y nilikha mo.

IKALAWANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 22-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, sinabi ni Pablo, “Nang si Saulo’y alisin ng diyos, inihalili si David upang maghari sa ating mga ninuno. At ganito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Natagpuan ko kay David na anak ni Jesse ang lalaking nakalulugod sa akin, isang lalaking hangang tumupad sa lahat ng inuutos ko.’ Mula sa angkan ng lalaking ito ipinagkaloob sa Israel si Hesus, ang kanyang ipinangakong Tagapagligtas. Bago siya dumating, ipinangaral ni Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisiha’t talikdan ang kanilang mga kasalanan, at pabinyag.

Nang matapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Kristo. Ngunit siya’y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit tag-aalis ng panyapak.”

“Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 1, 76

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Juan, ay propeta,
sinugo upang manguna
sa Manunubos ng sala.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 1, 57-66. 80

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet, at nagluwal siya ng isang sanggol sa lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya’y pinagpala ng Panginoon, at nakigalak sila sa kanya.

Nang ikawalong araw, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang ipangangalan sa kanya—gaya ng kanyang ama—ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala isa man sa iyong mga kamag-anak ang may ganyang pangalan,” wika nila. Kaya’t hinudyatan nila ang kanyang ama at itinanong kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng masusulatan at sumulat ng ganito: “Juan ang kanyang pangalan.” At namangha silang lahat. Pagdaka’y nakapagsalita siya, at nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng kanilang kapitbahay, anupat naging usap-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga bagay na ito. Pinakaisip-isip ito ng lahat ng nakaalam at ang kanilang tanong: “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang Panginoon.

Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya’y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

{ 4 comments… read them below or add one }

Maria Lourdes June 16, 2018 at 6:23 pm

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Rachel Dela Cruz June 24, 2018 at 9:03 am

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Christian Paul Monleon June 24, 2018 at 10:30 am

Pinupuri Ka naming Panginoong Hesukristo!

Reply

Celine June 25, 2018 at 12:48 am

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON HESUS KRISTO.

ALLELUIA!

Reply

Cancel reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: