Podcast: Download (Duration: 5:12 — 3.3MB)
Lunes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 21, 1-16
Salmo 5, 2-3. 5-6. 7
Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.
Mateo 5, 38-42
UNANG PAGBASA
1 Hari 21, 1-16
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong panahong iyon, si Nabat ay may ubasan ng nasa tabi ng palasyo ni Acab, hari ng Samaria. Nagustuhan ni Acab ang ubasan, kaya’t sinabi niya kay Nabat: “Ibigay mo na sa akin ang iyong ubasan at gagawin kong taniman ng gulay pagkat malapit sa aking palasyo. Papalitan ko ng mas mainam na ubasan, o babayaran sa iyo.”
Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabat: “Patawarin ako ng Panginoon, ngunit hindi ko po maibibigay sa inyo ang pamana sa akin ng aking mga ninuno.”
Umuwi si Acab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabat. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. Nilapitan siya ni Reyna Jezebel at tinanong: “Ano ba ang isinasama ng loob mo at di ka makakain?”
Sumagot ang hari: “Kinausap ko si Nabat na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi’y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.”
Wika sa kanya ni Jezebel: “Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ireregalo ko sa iyo ang ubasan ni Nabat.”
Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatanda at namumuno sa lungsod na tinitirahan ni Nabat. Ganito ang sabi niya sa sulat: “Ipag-utos ninyo ang isang pangkalahatang pag-aayuno. Patayuin ninyo si Nabat sa harapan ng karamihan. Kumuha kayo ng dalawang upahang saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Tinungayaw niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at batuhin hanggang mamatay.”
Tinupad ng matatanda at ng mga pinuno ng lungsod ang utos ni Jezebel. Ipinag-utos nila ang isang pangkalahatang pag-aayuno at iniharap sa madla si Nabat. Lumabas ang dalawang saksi na inupahan at siya’y pinaratangan ng ganito: “Tinungayaw ni Nabat ang Diyos at ang hari.” Kaya’t si Nabat ay inilabas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Nagpasabi agad sila kay Jezebel: “Patay na po si Nabat na taga-Jezreel.”
Pagkatanggap ng gayong balita, nagpunta si Jezebel kay Acab at sinabi rito: “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabat. Hindi na siya makatututol. Patay na siya.” Nang malaman ni Acab na patay na si Nabat, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 5, 2-3. 5-6. 7
Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.
Ako’y dinggin, Poon, aking Panginoon,
sana’y pakinggan mo ang aking panaghoy;
Diyos ko at hari, lingapin mo ngayon
itong tumatawag at napatutulong.
Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.
Ang gawang masama’y di mo kalulugdan,
ang gawaing hidwa’y di mo papayagan;
ang mga palalo’t masasamang asal,
iyong itatakwil at kasusuklaman.
Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.
Parurusahan mo yaong sinungaling,
pati mararahas at ang mga taksil.
Tugon: Panginoon, ako’y dinggin, pagbigyan sa aking daing.
ALELUYA
Salmo 118, 105
Aleluya! Aleluya!
Ang salita mo’y liwanag,
tanglaw sa aking paglakad,
sa paghakbang sa ‘yong landas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ng ilang eskriba at Pariseo kay Hesus, “Guro, maaari po bang pagpakitaan ninyo kami ng tanda mula sa langit?” Sumagot si Hesus, “Lahing masama at di-tapat sa Diyos! Naghahanap kayo ng tanda ngunit walang ipakikita sa inyo maliban sa palatandaaang inilalarawan ng nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, gayun din ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing sasailalim ng lupa. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di hamak kay Jonas ang naririto! Sa araw na yaon, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at ito’y hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Mga Pagbasa – Linggo, Hunyo 17, 2018
Mga Pagbasa – Martes, Hunyo 19, 2018 »
{ 10 comments… read them below or add one }
Mali po ang nakasulat sa Ebanghelio para bukas. Tama yung chapter at verse number, pero iba ang text. Thank you
mali po ang Nakalagay na text sa gospel
Pinupuri ka namin Panginoong Hesu-Kristo.. (Sorry po hindi tama ang nkasulat naGospel sa araw na ito.Iba ang laman ng Mt.5:38-42.)
Amen!
Pero na check ko din po mali po ang nasa text pero tama po ang chapter at verse.
Salamat.
Amen.
mali po ata ang gospel reading?
Salamat po Panginoon, Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.
Amen
Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo
Salamat sa Diyos! Amen!
Salamat sa Diyos! AMEN!