Podcast: Download (Duration: 5:12 — 3.8MB)
Miyerkules ng Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Santiago 4, 13-17
Salmo 48, 2-3. 6-7. 8-10. 11
Mapalad ang mga aba, tanging D’yos ang Hari nila.
Marcos 9, 38-40
UNANG PAGBASA
Santiago 4, 13-17
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago
Mga pinakamamahal, pakinggan ninyo ito, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at gayong bayan at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal, at kikita nang malaki.” Ni hindi ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Sapagkat ang buhay ninyo’y parang aso – sandaling lumilitaw at pagdaka’y nawawala. Ito ang dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon at nabubuhay pa kami, gagawin namin ito o iyon.” Ngunit kayo’y nagmamalaki at nagpapalalo. Masama iyan! Ang nakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa ay nagkakasala.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 48, 2-3. 6-7. 8-10. 11
Tugon: Mapalad ang mga aba, tanging D’yos ang Hari nila.
Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man,
kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang!
Kahit ikaw ay dakila o aba ang iyong lagay,
makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman.
Tugon: Mapalad ang mga aba, tanging D’yos ang Hari nila.
Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib,
kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid
mga taong naghahambog na sa yaman nananalig,
dahilan sa yaman nila’y tumaas ang pag-iisip.
Tugon: Mapalad ang mga aba, tanging D’yos ang Hari nila.
Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos,
hindi kayang mabayara’t tubusin sa kamay ng Diyos;
ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas;
gaano man ang halagang hawak niya’y hindi sapat
upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas
at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak.
Tugon: Mapalad ang mga aba, tanging D’yos ang Hari nila.
Ang lahat ay namamatay, ito nama’y alam n’ya,
maging mangmang o marunong, kahit hangal, pati tanga;
yaman nila’y maiiwan, sa lahi na magmamana.
Tugon: Mapalad ang mga aba, tanging D’yos ang Hari nila.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 9, 38-40
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng pangalan mo, at pinagbawalan namin sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
« Mga Pagbasa – Martes, Mayo 22, 2018
Mga Pagbasa – Huwebes, Mayo 24, 2018 »
{ 7 comments… read them below or add one }
Pinupuri ka nmin Panginoon Hesukristo
Amen.
Purihin at dakilain ka poon namin Mahal
Pinupuri ka namin. Panginoong hesukristo
Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo .
Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.
Salamat sa Diyos! Amen!