Mga Pagbasa – Lunes, Marso 5, 2018

March 5, 2018

in Tagalog Mass Readings

Lunes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

2 Hari 5, 1-15a
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4

Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Lucas 4, 24-30

UNANG PAGBASA
2 Hari 5, 1-15a

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na labis na kinalulugdan ng hari pagkat matapang siya, makapangyarihan at pinapatnubayan ng Panginoon kaya laging matagumpay ang Siria. Ngunit siya’y ketongin. Siya ay Naaman. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang babaing Israelita. Ginawa nila itong katulong ng asawa ni Naaman. Sinabi niyo sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta sa Samaria, tiyak na gagaling siya.” Ang sinabi ng Israelita ay sinabi ng babae kay Naaman. Nagpunta naman ito sa hari at ibinalita ang sinabi ng utusan ng kanyang asawa.

Sinabi naman ng hari, “Pumunta ka at pagdadalhin kita ng sulat sa hari ng Israel.”

At lumakad nga si Naaman. May dala siyang tatlumpunlibong putol na pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuutan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Anang sulat: “Mahal na Haring Joram, ang may dala nito’y si Naaman na aking lingkod. Ipinakikiusap kong pagalingin mo ang kanyang ketong.”

Nang mabasa ito ng hari ng Israel, ginahak niya ang kanyang kasuutan at sinabi, “Ako ba’y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”

Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit ninyo gagahakin ang inyong kasuutan? Sa akin ninyo siya papuntahin para malaman nilang may isang propeta rito sa Israel.”

Ipinasabi nga ni Haring Joram kay Naaman na ang hanapin nito’y si Eliseo. Kaya, sumakay ito sa kanyang karwahe, at nagpunta kay Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na kabayuhan. Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at mananauli sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”

Nang marinig ang sinabi ni Eliseo, nagalit si Naaman at padabog na umalis. Sinabi niya, “Akala ko pa nama’y sasalubungin niya ako, tatayo soya nang tuwid, tatawagan ang Diyos niyang Panginoon sa Ilog Jordan, at itatapat sa akin ang kanyang mga kamay upang ako’y gumaling. Bakit doon pa niya ako pasisisirin? Bakit hindi sa alinman sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar. Hindi ba’t mas malinis iyon kaysa alinmang tubig sa Israel? Siguro nama’y mas madali akong gagaling kung doon ako maliligo.” At galit na galit siyang umalis.

Lumapit sa kanya ang kanyang mga katulong at sinabi, “Panginoon, hindi ba’t gagawin ninyo kahit mahirap pa riyan ang ipagawa sa inyo ng propeta? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” Kaya, nang mapagisip-isip ito ni Naaman, lumusong siya ng Ilog Jordan at lumubog ng pitong ulit. At tulad ng sinabi Eliseo, nanauli sa dati ang kanyang katawan at kuminis ang kanyang balat, tulad ng balat ng sanggol.

Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay nagbalik Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo’y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

Sa dambana mo, O Diyos, ako naman dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 129, 5 at 7

Umaasa ako sa D’yos,
nagtitiwala nang lubos
sa salitang nagdudulot
ng pag-ibig na mataos
upang kamtin ang pagtubos

MABUTING BALITA
Lucas 4, 24-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang dumating sa Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa mga nasa sinagoga: “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng talong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 7 comments… read them below or add one }

Shao March 5, 2018 at 10:43 am

Amen.

Reply

Lilian M.Saltore March 5, 2018 at 11:12 am

Papuri sa Iyo Panginoong Jesu-Kristo!

Reply

Maria Lourdes March 5, 2018 at 11:39 am

Pinupuri ka namin Panginoong Hesukristo.

Reply

Ruel Medrano March 5, 2018 at 2:38 pm

Purihin ka o Panginoong Jesukristo

Reply

Francisco R. Azupardo March 5, 2018 at 9:15 pm

Amen!

Reply

Rachel Dela Cruz March 5, 2018 at 11:14 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Patrick Cu March 6, 2018 at 3:41 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: