Mga Pagbasa – Miyerkules, Pebrero 28, 2018

February 28, 2018

in Tagalog Mass Readings

Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 18, 18-20
Salmo 30, 5-6. 14. 15-16

Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

Mateo 20, 17-18

UNANG PAGBASA
Jeremias 18, 18-20

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Ang sabi ng mga tao: “Iligpit na natin si Jeremias! May mga saserdote namang magtuturo sa atin, mga pantas na magpapayo, at mga propetang magpapahayag ng salita ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.”

Kaya’t nanalangin si Jeremias, “Panginoon, pakinggan mo ang aking dalangin; batid mo ang binabalak ng mga kaaway ko. Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano’t naghanda sila ng hukay upang ako’y mabitag? Natatandaan mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 30, 5-6. 14. 15-16

Tugon: Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

O aking patnubay, ako ay iligtas.
sa patibong nila at umang na bitag.
Buhay ko’y nabilin sa ‘yong mga kamay,
ang pagliligtas mo sa aki’y pakamtan;
ikaw ang aming Diyoss, na tapat ay tunay.

Tugon: Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

May mga bulungan akong naririnig,
mula sa kaaway sa aking paligid;
sa kanilang balak ako’y nanginginig,
ang binabalangkas, ako ay iligpit.

Tugon: Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

Ngunit Panginoon, ang aking tiwala
ay nasasaiyo, Diyos na dakila!
Sa iyong kalinga, umaasa ako,
laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo;
at sa umuusig na sinumang tao.

Tugon: Pag-ibig mo’y walang maliw kaya’t ako’y ‘yong sagipin.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 8, 12

Ang sabi ng Poong mahal:
“Sa daigdig ako’y ilaw.
Kapag ako ay sinundan,
ang dilim ay mapaparam
at sa aki’y mabubuhay.”

MABUTING BALITA
Mateo 20, 17-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, nang nasa daan na si Hesus patungong Jerusalem, ibinukod niya ang Labindalawa. Sinabi niya sa kanila, “Aakyat tayo sa Jerusalem. Doo’y ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba ang Anak ng Tao. Hahatulan siya ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. Siya’y tutuyain, hahagupitin at ipapako sa krus; ngunit muli siyang bubuhayin sa ikatlong araw.”

Lumapit kay Hesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang kanyang mga anak. May ibig siyang hilingin, kaya’t lumuhod siya sa harapan ni Hesus. “Ano ang ibig mo?” tanong ni Hesus. Sumagot siya, “Sana’y ipagkaloob ninyo sa dalawa kong anak na ito ang karapatan na makaupong katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila.
“Makakainom ba kayo sa kopa ng hirap ko?” “Opo”, tugon nila. Sinabi ni Hesus “Ang kopa ng hirap ko ay maiinom nga ninyo. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan ng aking Ama.”

Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat na umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. Ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo, tulad ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay upang matubos ang marami.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 6 comments… read them below or add one }

Ma. Luisa L. Belardo February 28, 2018 at 5:35 am

Pinupuri ka naman Panginoong Hesukristo.

Reply

Merlin recto February 28, 2018 at 9:06 am

Amen.

Reply

Patrick Cu March 1, 2018 at 2:32 am

Papuri sainyo Panginoon, Kay buti niyo po! AMEN!

Reply

rgagne March 2, 2018 at 9:23 pm

Roxanne Pena,thanks a lot for the post.Really thank you! Much obliged.

Reply

Francisco R. Azupardo March 3, 2018 at 8:27 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Rachel Dela Cruz March 4, 2018 at 11:42 pm

Pinupuri ka namin,Panginoong HesuKristo

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: