Mga Pagbasa – Linggo, Enero 28, 2018

January 28, 2018

in Tagalog Mass Readings

Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Deuteronomio 18, 15-20
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

1 Corinto 7, 32-35
Marcos 1, 21-28

UNANG PAGBASA
Deuteronomio 18, 15-20

Pagbasa mula sa aklat ng Deuteronomio

Sinabi ni Moises sa mga tao:
“Mula sa inyom pipili ang Panginoon ng propetang tulad ko, siya ang inyong pakikinggan. Ito’y katugunan sa hiling ninyo sa Panginoon nang kayo’y nagkatipon sa Horeb. Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig uli sa amin ang tinig ng Panginoon ni ipakita pa ang kakilakilabot na apoy na ito pagkat tiyak na mamamatay kami.’ Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, kaya pipili ako ng propetang tulad mo. Sa kanya ko ipasasabi ang ibig kong sabihin sa kanila. Sinumang hindi makinig sa kanya ay mananagot sa akin. Ngunit tiyak na mamamatay ang propetang mangangahas magsalita sa pangalan ko nang hindi ko pinahihintulutan o magsalita sa pangalan ng alinmang diyus-diyusan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin, huwag n’yo s’yang salungatin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 7, 32-35

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Ibig ko kayong malayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon. Ngunit ang pinagsusumakitan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito’y hati ang kanyang pagmamalasakit. Gayun din naman, ang pinagsisikapan ng dalaga o babaing walang asawa ay ang mga bagay na ukol sa Panginoonn sapagkat ibig niyang maitalaga nang lubusan ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang tulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang ibig ko’y madala kayo sa maayos na pamumuhay, at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 4, 16

Aleluya! Aleluya!
Bayang nasa kadiliman
sa lilim ng kamatayan
ngayo’y naliliwanagan!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 1, 21-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, si Hesus at ang mga alagad at nagpunta sa Capernaum. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.

Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal na mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” PInapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masasamang espiritu. At sinusunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.


MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 3 comments… read them below or add one }

Francisco Azupardo January 28, 2018 at 7:49 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Patrick Cu January 29, 2018 at 1:42 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Veronica Villatoro April 25, 2018 at 2:36 am

do you have the reading for April 29?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: