Mga Pagbasa – Biyernes, Enero 26, 2018

January 26, 2018

in Tagalog Mass Readings

Paggunita kina San Timoteo at San Tito, mga obispo

2 Timoteo 1, 1-8
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 7-8a. 10

Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.

Marcos 4, 26-34

UNANG PAGBASA
2 Timoteo 1, 1-8

Ang simula ng ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Mula kay Pablo na niloob ng Diyos na maging apostol ni Kristo Hesus upang mangaral tungkol sa buhay na ipinangakong kakamtin natin kay Kristo Hesus –
Kay Timoteo na minamahal kong anak:
Sumaiyo nawa ang pagpapala, ang habag, at ang kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Kristo Hesus na ating Panginoon.

Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglingkuran ko nang tapat – tulad ng ginawa ng aking mga ninuno – tuwing aalahanin kita sa aking mga panalangin araw-gabi. Sabik na sabik na akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan, lalo na kapag naaalaala ko ang iyong pagluha. Hindi ko nakakalimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina.

Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili.

Kaya’t huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita, sa tulong ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 7-8a. 10

Tugon: Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!

Tugon: Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Tugon: Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.

Panginoon ay purihin ng lahat sa daigdigan!
purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal.

Tugon: Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.

“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”

Tugon: Sa lahat ay pinahayag gawa ng Poong nagligtas.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 4, 26-34

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.”

“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”

Ang Salita’y ipinangangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pangunawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 3 comments… read them below or add one }

Francisco Azupardo January 25, 2018 at 8:25 pm

Salamat sa Diyos! Amen!

Reply

Patrick Cu January 27, 2018 at 1:15 am

Salamat sa Diyos! AMEN!

Reply

Ricardo Leynes January 27, 2018 at 1:52 am

The gospel for today in tagalog is not posted

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: