Mga Pagbasa – Miyerkules, Disyembre 27, 2017

December 27, 2017

in Tagalog Mass Readings

Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita

1 Juan 1, 1-4
Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12

Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Juan 20, 2-8

UNANG PAGBASA
1 Juan 1, 1-4

Ang simula ng unang sulat ni Apostol San Juan

Mga pinakamamahal, sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa’y siya na, ang Salita na nagbibigay-buhay. Narinig namin siya at nakita, napagmasdan at nahipo ng aming mga kamay. Nahayag ang Buhay. Nakita namin siya at pinatotohanan sa inyo. At ipinangangaral namin sa inyo ang Buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita’t narinig, upang makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Hesukristo. Sinusulat namin ito upang malubos ang ating kagalakan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at sa lig sa katarungan.

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;
ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw!

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Mga tapat na apostol
ay nagpupuri sa Poon
sa langit habang panahon.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 2-8

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!” Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating si Simon Pedor at tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 2 comments… read them below or add one }

Chandler Erickson A. Cachuela December 27, 2017 at 7:21 am

Salamat po sa mga Readings! Kailangan po kasi sa parokya naming itong mga pagbasa (typed words) para ilagay sa powerpoint presentation. Noong una inaabot kami ng higit kalahating oras sa pagsasayos ng mga pagbasa bawat araw. Salamat sapagkat napabilis ang aming trabaho. 🙂 God bless you, always.

Reply

Patrick Cu December 29, 2017 at 12:26 am

Salamat sa Diyos AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: