Mga Pagbasa – Biyernes, Setyembre 29, 2017

September 29, 2017

in Tagalog Mass Readings

Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael

Daniel 7, 9-10. 13-14
Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.

Juan 1, 47-51

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang tron niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Tugon: Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasasalamat
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap
sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.

Tugon: Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusna.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Tugon: Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika’y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.

Tugon: Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.

ALELUYA
Salmo 102, 21

Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y purihin
ng lahat n’yang mga anghel
na tapat at masunurin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 47-51

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus si Natanael, ay kanyang sinabi, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi mandaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 1 comment… read it below or add one }

Patrick Cu September 29, 2017 at 11:23 pm

Salamat sa Diyos, purihin ang Diyos magpakailanman! AMEN!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: