Mga Pagbasa – Lunes, Abril 3, 2017

April 3, 2017

in Tagalog Mass Readings

Lunes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Daniel 13, 41k-62
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Kahit sa daang madilim Panginoon ko’y kapiling.

Juan 8, 1-11

UNANG PAGBASA
Daniel 13, 41k-62

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Noong mga araw na iyon, ang mga tao ay nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana. Dahil dito, malakas at umiiyak na sinabi ni Susana, “Diyos na Walang Hanggan, nalalaman mo po ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari. Alam mo pong walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Hindi ko ginagawa kailanman ang ipinararatang nila sa akin. Bakit ako kailangang mamatay.?”

Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa pagpapatayan sa kanya, isang binatang nagngangalang Daniel ang malakas na tumutol. “Ayokong mapabilang sa magbububo ng dugo ng babaing ito,” sabi niya.

Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”

Lumapit sa unahan ang binata at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinatulan ninyo ang babaing ito nang di muna sinisiyasat at maingat na sinasaliksik ang katotohanan? Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan.”

Nagdudumaling bumalik ang mga tao. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, yamang binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang matanda, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”

Pagkatapos, nagsalita si Daniel, “Paglayuin ninyo ang dalawang hukom at magkahiwalay ko silang sisiyasatin.” Nang mapaglayo na sila, tinawag ni Daniel ang isa at sinabi, “Matandang walang pinagkatandaan! Inilalantad ka na ng maraming kasalanang ginawa mo. Hindi makatarungan ang mga hatol na iginagawad mo; pinarurusahan mo ang walang kasalanan at pinalalaya ang talagang nagkasala. Di ba sinabi ng Diyos: ‘Huwag ninyong parurusahan ng kamatayan ang walang sala?’ Kung talagang nakita mo ang ipinararatang mo sa babaing ito, sabihin mo sa amin: sa ilalim ng anong puno sila nagtatalik nang matutop ninyo?”

Sumagot siya, “Sa ilalim ng punong hati.”

Sinabi ni Daniel, “A, gayun! Buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, pagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo, at hahatiin ka sa dalawa.”

Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman, anak ni Canaan, hindi ka tunay na Judio. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso. Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi natakot sa iyong kaimbihan! Sabihin mo: sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”

At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng punong putol.”

“A, gayun!” pakli naman ni Daniel. “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, pagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin ka sa pamamagitan ng tabak.”

Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng nakasaksi at nagpuri sila sa Diyos sapagkat inililigtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya.. Binalingan nia ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila’y nagsisinungaling at nanumpa nang di totoo. Hinatulan silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang di totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Tugon: Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Tugon: Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Tugon: Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Tugon: Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Tugon: Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 33, 11

Sinabi ng Poong mahal:
“Di ko nais na mamatay
ang mga makasalanang
nagbabagong-kalooban
upang sila ay mabuhay.”

MABUTING BALITA
Juan 8, 1-11

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha’y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya’t umupo siya at sila’y tinuruan. Noo’y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, “Guro, ang babaing ito’y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya. Ano ang masasabi mo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya’t sila’y tiningnan niya at sinabi ang ganito, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila ito, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 3 comments… read them below or add one }

Nazarius Rolle March 31, 2017 at 7:24 am

Magandang araw po. Nais ko po sanang makakuha ng pagbasa at salmo para sa Abril 5, 2017. Maaari po bang makakuha?

Reply

Ashley David April 3, 2017 at 1:46 am

Click the link

NEXT POST: Mga Pagbasa – Martes, Abril 4, 2017 then next
NEXT POST: Mga Pagbasa – Martes, Abril 5 , 2017

Reply

Maria Elena Mendoza April 23, 2017 at 5:05 am

Mapagpalang araw po! maraming salamat po at dalangin namin na patuloy kayong pagpapalain ng Diyos! napakalaking tulong po ang inyong gawain sa ating mga Kapatid kay Kristo., Huwag po kayong magsasawa at nawa’y patuloy kayong bigyan ng Diyos ng lakas at oportunidad na ipagpatuloy ang inyong gawain.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: