Mga Pagbasa – Huwebes, Mayo 5, 2016

May 5, 2016

in Tagalog Mass Readings

Huwebes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 18, 1-8
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Juan 16, 16-20

Mga Pagbasa – Huwebes, Mayo 5, 2016
Huwebes sa Ika-6 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 18, 1-8

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, umalis si Pablo sa Atenas at nagtungo sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia, kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, at doon na nakitira sapagkat sila’y manggagawa ng tolda, tulad niya. At siya’y tumulong sa kanila. Tuwing Araw ng Pamamahinga, nakikipagpaliwanagan siya sa sinagoga, at sinikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.

Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatotoo sa mga Judio na si Hesus ang Kristo. Nang siya’y salungatin nila at laitin, pinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo’y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayoy’y tutungo ako sa mga Hentil.” Kaya’t umalis siya roon at tumira sa bahay ng isang nagngangalang Ticio Justo, isang taong may takot sa Diyos; karatig ng sinagoga ang kanyang bahay. Si Crispo na tagapamahala ng sinagoga at ang kanyang sambahayan ay sumampalataya sa Panginoon. Sumampalataya rin naman at nagpabinyag ang marami sa mga taga-Corintong nakikinig kay Pablo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Tugon: Panginoong nagliligtas sa tanang bansa’y nahayag.

ALELUYA
Juan 14, 18

Aleluya! Aleluya!
Kayo’y di ko inulila,
babalik akong talaga,
magdudulot ng ligaya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 16, 16-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Juan

Noong panahong iyong, sinabi ni Hesus sa kayang mga alagad: “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita; at pagkaraan ng kaunting panahon pa, ako’y inyong makikita uli.” Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lang at hindi na natin siya makikita at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita uli? Sabi pa niya’y ‘Sapagkat ako’y paroroon sa Ama.’ Ano kaya ang ibig sabihin ng, ‘kaunting panahon na lamang?’ Hindi natin maunawaan!” Naramdaman ni Hesus na ibig nilang magtanong, kaya’t sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong kaunting panahon, ako’y inyong makikita uli. Sinasabi ko sa inyo: tatangis kayo at magdadalamhati, ngunit magagalak ang sanlibutan. Matitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito’y magiging kagalakan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 1 comment… read it below or add one }

Ligaya C. Sexon May 5, 2016 at 10:07 pm

Please send me Tagalog mass Reading daily.Thank you very much! God bless us all.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: