Mga Pagbasa – Martes, Mayo 3, 2016

May 3, 2016

in Tagalog Mass Readings

Kapistahan Nina Apostol San Felipe at Santiago

1 Corinto 15, 1-8
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Juan 14, 6-14

Mga Pagbasa – Martes, Mayo 3, 2016
Kapistahan Nina Apostol San Felipe at Santiago

UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 1-8

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang inyong tinanggap at naging saligan ng iyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na si iniisip ang inyong sinampalatayanan.

Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y napakita kay Pedro, saka sa labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.

Sa kahuli-huliha’y napakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5

Tugon: Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.

Tugon: Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.

Tugon: Laganap na sa daigdig ang kanilang mga tinig.

ALELUYA
Juan 14, 6b. 9k

Aleluya! Aleluya!
Felipe, ako ang daan,
katotohanan at buhay;
Ama’y sa ‘kin matatanaw.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 14, 6-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Tomas, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”

Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Amang sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasa-akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

Leave a Comment



Previous post:

Next post: